Chapter 9

1.7K 76 65
                                    

Napakaganda naman talaga ng timing at may sakit ako ngayon—mismong araw ng Biyernes. Mamaya pa naman ang pinaghandaan kong party pero mukhang hindi ako makaka-attend.

Nabasa kasi ako kahapon ng ulan no'ng pauwi na ako sa bahay galing sa school. Pinagalitan pa nga ako ni mama dahil bakit daw nakalimutan kong dalhin 'yong payong ko. Nandito tuloy ako sa loob ng kwarto ko at nakasalampak sa kama ko.

"Jean, 'wag ka nang tumuloy mamayang gabi. Sige, ka baka matuluyan at tumaas ang lagnat mo," saway sa akin ni mama. Kasalukuyan n'yang pinapalitan ang bimpo na nakalagay kanina sa noo ko.

"Pero mama, napagkasunduan na naming magkakaibigan na pupunta kami sa party. Hindi dapat pupunta si Karen pero pinilit lang namin siya ni Maine. Baka magtampo sila kung ako naman ang hindi makakapunta."

"Ang tunay na kaibigan, maiintindihan ang kalagayan mo. Mamaya kung ano pang mangyari sa 'yo ro'n."

Nalungkot ako. "Ma, sayang naman 'yong binili sa 'king damit at sapatos ni kuya kung hindi ko masusuot," giit ko pa.

Bumuntong-hininga siya. "May sakit ka kasi Jean. Mabuti pang nandito ka sa bahay, mababantayan kita."

Napakagat ako sa labi ko. Hindi pwede 'to. Ayokong iwan sa ere sila Maine at Karen. Balak pa naman naming salihan lahat ng laro doon. Minsan na nga lang akong magkaroon ng barkada at magkaroon ng masasayang alaala, mawawala pa sa akin.

Tiningnan ko ang orasan sa side table ko at doon ako nagkaroon ng maliit na pag-asa.

"Ma, alas siyete palang ng umaga. Mamaya, siguradong okay na ako. Kailangan ko lang uminom ng gamot at magpahinga. Payagan mo na akong pumunta mamaya, ma," pagpilit ko pa. Minsan lang kasi ito! At minsan lang din ako humiling.

Muli ay huminga siya nang malalim. "Siguraduhin mong bago mag-alas sais ng hapon ay okay ka na dahil kung hindi, hindi kita patutuluyin doon. Hindi talaga kita papayagan."

Nabuhayan naman ako sa sinabi ni mama.

"Opo, ma! Magpapahinga at magpapagaling na po ako."

Nilagay nang muli ni mama ang basang bimpo sa ibabaw ng noo ko bago inayos ang kumot ko. Nagpatong-patong talaga ako ng kumot para pawisan ako.

Aking pinikit ang aking mga mata para makatulog. Grabe, ang init sa pakiramdam. Daig ko pa ang sinalang sa pugon.

"Ipagluluto kita ng sopas sa tanghalian mo para makainom ka rin ng gamot."

Naramdaman kong umalis na si mama sa loob ng kwarto ko. Nagtalukbong na ako ng kumot at ilang minuto lang ang lumipas ay nakatulog na ako.

Nagising ako nang may kumatok sa pinto. Inalis ko ang talukbong at tiningnan ang papabukas na pinto.

"Kamusta ang pakiramdam mo, Jean?" tanong sa akin ni mama. May dala s'yang tray at inilapag n'ya iyon sa side table ko. Nakita ko kung anong oras na, 2:36 p.m. May pag-asang makapunta ako mamaya.

"Medyo okay na po."

"Patingin nga. Mamaya sinasabi mo lang 'yan dahil gusto mo talagang tumuloy sa party." Hinipo n'ya ang noo at leeg ko pero tila ba hindi siya kumbinsido kaya gumamit siya ng thermometer.

Umiiling siya habang nakangisi. "Kapag gusto, may paraan talaga," nakangiting komento ni mama na para bang hindi makapaniwalan. Medyo gumaan na nga ang pakiramdam ko kumpara kanina.

"Salamat sa Diyos, bumaba na ang lagnat mo. Kumain ka na muna. Pagkatapos ay uminom ka ng gamot."

Tumango ako at kinuha ang isang mangkok na may lamang sopas mula sa tray. Sumandok na ako at kumain.

With You Forever (Forever Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon