Binabaybay ko ang daan papunta sa room namin habang nakayuko. Ayokong may makakita ng namumugto kong mga mata. Ayokong may makakitang apektado ako. Alam kong napansin ito ni mama ngunit mas pinili niyang huwag magtanong kahit kitang-kita ko sa mga mata niyang nag-aalala siya. Kilala ako ni mama, hinahayaan niya ako sa gusto ko. Hinahayaan niya akong ako mismo ang magsabi sa kaniya dahil kapag lalo akong pinipilit, lalo akong umaayaw.
Hindi ko kaagad napansin ang mga taong sasalubong sa akin na naging dahilan kaya nabunggo ako. Walang humingi ng tawad. Walang tumulong sa aking tumayo sa halip ay mga sigaw ang narinig ko. Hindi tungkol sa akin kung hindi tungkol sa iba.
"Nako! Tatalon nga ata ang isang iyon!" matinis na sigaw ng isang babae habang itinuturo ang 'di kalayuang building. Tumingala ako upang tingnan ang isang taong nasa tuktok nito.
"Magpapakamatay 'yong lalaki!"
Nakaramdam ako ng takot. Tiningnan kong mabuti ang taong tinutukoy nila at napanganga ako nang makita ko kung sino siya.
"Kilala ko ang taong 'yan! Jowa 'yan no'ng magandang HRM student!"
Lalong bumigat ang nararamdaman ko.
"Oo putek! Si Raven 'yan, syota ni Sheen!"
Napanganga ako nang marinig ko ang pangalan niya. Para akong tinakasan ng lakas. Hindi ko alam ang gagawin.
Nakita ko na lang ang sarili kong tumatakbo papunta sa building na tinutukoy nila.
Ang daming tanong sa isipan ko.
Bakit?
Anong nangyari?
Bakit kailangang dumating ka sa puntong ito?
Ano na naman bang ginawa niya sa 'yo?
Bakit hinayaan mo na naman ang sarili mong maging tanga?
Bakit hinayaan mo siyang saktan ka?
Hindi ka na natuto. Bakit kasi siya pa ang pinili mo?
"Raven!" malakas na sigaw ko nang makarating ako sa rooftop kung nasaan siya. "Bumaba ka d'yan! Isa!"
Lumingon siya sa akin at sa sandaling nakita ko ang mukha niya parang nadurog ang puso ko. Nilapitan ko siya at napanganga ako nang mapansin ang mga mata niyang namumugto at namumula. May pasa pa siya sa mukha niya. Nakakaawa ang itsura. Nakakahabag.
Napaiwas ako ng tingin dahil hindi ko siya kayang tingnan at lalo pang pareho kami ng kalagayan. Parehong namumugto ang mga mata.
"A-ano bang n-nangyari? Bumaba ka d'yan. Dito tayo mag-usap!" nanginiginig ang boses kong sigaw sa kaniya. Hanggang ngayon ay hinahabol ko pa rin ang hininga ko. Hindi ko inaasahang makakatakbo ako nang ganoon kabilis.
"Tungkol saan?" sarkastiko niyang tanong. "Kung paanong tama ka at mali na naman ako?"
Napapapikit ako dahil sa kabang nararamdaman ko lalo na't nakikita ko ang mga malilikot niyang paa na humahakbang paparoo't parito.
"Bumaba ka d'yan, pakiusap. Raven, makinig ka naman sa 'kin," mahinahon kong sabi. Sinusubukan ko, ngunit alam kong pati ako nanghihina na rin. Alam kong ako, gusto ko na rin siyang sabayan sa pagtalon pero hindi pwede. Hindi ko siya pwedeng hayaang masayang lang ang buhay dahil sa isang babae.
"May pag-uusapan ba tayo?" Ngumisi siya. "Nandito ka lang para ipamukha sa akin na tanga ako, hindi ba? Hindi pa ako naniwala sa 'yo. Pinagsalitaan pa kita ng masasakit."
Umiling ako. "Hindi kita masyadong marinig. Bumaba ka rito at dito tayo mag-usap!"
"Hindi ako bababa."
BINABASA MO ANG
With You Forever (Forever Series #1)
Teen FictionPUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING HOUSE (2023) Highest Rankings: #5 in romance, #1 in comedy, #1 in action, #1 in comedy-drama, #1 in kimtaehyung, #231 in teenfic, #236 in teenfiction, #20 in teen, #33 in comedy-romance This book was...