Hinipo ko ang leeg at ang noo ko. Mabuti naman at wala na akong lagnat. Simula nang makauwi ako galing sa hospital, dinalahit na ako ng ubo. Hindi ko alam kung nahawa ba ako sa isa sa mga pasyente roon kaya ako nagkasakit ng tatlong araw at ngayon lang ako nakapasok.
"Hed! Okay ka na ba?" salubong sa akin ni Karen nang makita niya ako sa corridor. "Nabalitaan namin kay Clark na nagkasakit ka raw. Kumusta ka na?"
Napatingin ako kay Maine. Ayokong malaman niya ang tungkol doon pero hindi ko rin alam bakit binisita ako ni Clark noong isang araw. Lalo pa't napansin ko sa hospital na parang malapit na sila sa isa't isa, ayoko namang pati ako ay pagselosan niya.
"O-oo, okay na ako. Medyo masakit lang ang lalamunan."
"Hayaan mo, may dala akong calamansi juice. Pinabibigay ni Clark,"sambit ni Maine tsaka may iniabot sa akin. Hindi ko alam bakit nakita ko ang bahid ng kalungkutan sa mukha niya.
"Salamat pero hindi naman na kailangan," sagot ko pero iginiit niyang para raw iyon sa akin kaya tinanggap ko na. Inalalayan nila ako papasok ng room. Mabuti naman at kumpleto na kaming tatlo. Parang ang daming nangyari nitong mga nakaraang araw at naiisip ko palang parang sumasakit na ang batok at likod ko.
Anong lesson na kaya nila? Ang dami ko nang absent at malamang sa malamang, delikado na ako sa midterms nito. Ang tanging pag-asa ko na lang na makapasa ay ang kumopya ng sagot kay Karen kung sakaling magkakaroon ako ng pagkakataong makatabi siya sa upuan.
Biglang nag-iba ang ihip ng hangin nang makita kong pumasok si Sheen sa klase. Saglit siyang tumingin sa akin at ngumisi. Nakaramdam ako ng pagkabalisa. Bakit niya ako ngingisian ng ganoon?
Naalala ko na naman ang huling araw ko roon sa hospital. Iniwan ko sila ni Raven dahil gusto niya itong makausap.
Napabuntong-hininga ako. Mukhang alam ko na ang dahilan kung bakit parang masaya na naman siya.
"Nagkabalikan sila," bulong sa akin ni Karen. Napalunok ako. Sabi na nga ba. Marahil alam ko na rin kung bakit tinanggap siyang muli ni Raven sa kabila ng nagawa niya. Wala naman kasi siyang kasalanan dahil impluwensyado siya ng drogang pinainom sa kaniya ni Xyrah. Na kung susumahin, si Xyrah talaga ang may pakana ng lahat at dapat sisihin.
"Okay ka lang, Jean?" tanong sa akin ni Maine na ngayo'y may pag-aalala sa kaniyang mukha. Tumango ako.
"Nand'yan na si Ginoo!" anunsyo ng isa kong kaklase bago ito tuluyang pumasok ng room namin. Si Ginoo ay guro namin sa Filipino. Dito lang sa klase na ito ako nakakasabay dahil ito lang naman ang subject na Tagalog ang lengguwahe. Pero para bang maging sa subject na ito ay magiging lutang ako.
"Binibini, nakikinig ka ba?"
Nabalik ako sa reyalidad nang sikuhin ako ni Maine.
"Tinatawag ka ni Ginoo," bulong niya kaya agad kong ibinaling ang atensyon ko sa gurong nasa unahan.
"P-po?"
"Tila ba may malalim kang iniisip. Maaari mo bang ibahagi sa amin?"
"P-po? P-paumanhin po ngunit wala po ito," sagot ko habang suot ang nag-aalangang ngiti.
"Kung gano'n, maaari mo bang basahin ang liham ni Andres kay Oryang?"
Napakamot ako sa ulo ko.
"Sino po si Andres tsaka si Oryang?" tanong ko na naging dahilan ng pagtawa ng mga kaklase ko.
"Hed, eto," bulong ni Karen sabay bigay sa akin ng isang papel kung saan nakasulat ang Liham ni Andres Bonifacio kay Oryang noong 1897 Mayo 1.
Tumayo ako at huminga nang malalim. Hindi ko alam bakit nakaramdam ako ng kirot sa puso ko gayong hindi ko pa naman sinisimulang basahin.
BINABASA MO ANG
With You Forever (Forever Series #1)
Teen FictionPUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING HOUSE (2023) Highest Rankings: #5 in romance, #1 in comedy, #1 in action, #1 in comedy-drama, #1 in kimtaehyung, #231 in teenfic, #236 in teenfiction, #20 in teen, #33 in comedy-romance This book was...