Chapter 41

1.5K 47 0
                                    

Pinikit ko ang mga mata ko habang hinihintay ko ang kutsilyong tatama sa akin. Siguro, ito na nga ang huli. Akala ko tapos na ang bangungot ko, baka rito palang matatapos.

Ngunit ilang segundo na ang lumipas at wala akong naramdaman.

Minulat ko ang mga mata ko. Wala. Nawala sa paningin ko si Arthur. Hindi. Nasa sahig na si Arthur at namimilipit sa sakit ng suntok na kaniyang natamo.

Naramdaman ko na lang ang agad na paghila sa 'kin. Tiningnan ko kung sino ang nakahawak sa kamay ko.

R-raven? Anong ginagawa mo rito?

Nakasunod lamang ako sa kaniya habang tinatakas niya ako sa peligro. Paano niya ba ako napupuntahan kaagad para iligtas? Dahil na naman ba kay kuya Jake?

Napansin ko na lang na nakalayo na kami at narito kami sa madilim na eskinita habang nagpapahinga.

Paano ako makakahinga nang maayos kung narito siya sa harapan ko?

Hinawakan niya ang kanan niyang dibdib. Nabahala ako nang maalalang iyon ang tinamaan ng bala kaya agad ko siyang nilapitan.

"A-ayos ka lang? Masakit ba?" nag-aalala kong tanong. Kasalanan ko 'to. Kalalabas niya lang sa hospital. Paano kung bumuka 'yong tahi niya?

Sinulyapan niya lamang ako saglit bago ibinaling ang mata sa lugar kung saan kami nanggaling. Mukhang ni-che-check niya kung nasundan ba kami ni Arthur.

Napakagat ako sa labi ko habang pinipigilan ang pagluha. Nalagay ko na naman ba siya sa muntikang kapahamakan?

Naramdaman ko ang kamay niya sa likod ko. Inihilig niya ako sa dibdib niya at tuluyang niyakap gamit ang kanan niyang kamay na kanina'y ipinanghahawak niya roon sa sugat niya sa dibdib. Rinig ko ang malakas na tibok ng kaniyang puso na siyang nagpapahina sa akin.

"Masakit," bulong niya. "Masakit ang ginawa mo."

Inilayo niya ako sa kaniya upang makita ang mukha ko na ngayo'y namumula na dahil sa kaiiyak.

"Bakit ikaw ang umiiyak? Ako nga 'tong iniwan mo."

Napayuko ako at pinunasan ang mga luhang kanina pa tumutulo.

"Tapos makikita kitang may kasamang iba? Ano bang turing mo sa 'kin?"

Ito na naman ang mga tanong niya na hindi ko masagot-sagot.

"Akala ko ba gusto mo ako? Bakit mo ako iniiwan?" puno ng pagsusumamo niyang tanong. Nakatingin lang ako sa mga mata niyang nangungusap at nagtatanong.

"Ayoko lang na mapahamak ka pa dahil sa akin," sagot ko. "Palagi mo na lang nilalagay ang buhay mo sa peligro para lang iligtas ako. Hindi mo ba nakikita? Puro na lang pangit ang mga nangyayari. Wala nang nangyaring maganda sa ating dalawa."

"'Yong sa atin...'yong pagkagusto natin sa isa't isa? Hindi ba 'yon maganda para sa 'yo? Kasi para sa akin sapat na 'yong dahilan para lumaban. Ayaw mo na ba?"

Sunod-sunod na tumulo ang mga luha ko. Nasasaktan akong nakikita siyang ganito kadesperado para sa akin. Bakit ba imbes na pahalagahan ang isang tulad niya na siyang ipinangako ko, hindi ko magawa? Bakit puro na lang pait ang dulot ko sa kaniya?

"Hindi mo na ba kaya? Kasi ako, kaya ko pa, eh! Kita mo? Buhay pa 'ko! May lakas pa ako, Jean."

Hinawakan niya ang mukha ko habang pinupunasan ang luha ko. Hindi ko inaasahang makikita ko rin siyang lumuluha. Paano ako maniniwala sa sinasabi ni Arthur na pinagkakaisahan lang ako ng mga kaibigan ko kung ganito ang nakikita ko? Umiiyak sila para sa akin. Nararamdaman kong mahal talaga nila ako.

"Huwag mo naman akong sukuan, oh. Huwag mo akong iwan," pagmamakaawa niya.

"Anong gagawin ko? Nakikita kitang napapahamak dahil sa 'kin. Dalawang beses mo nang sinalo ang bala para sa 'kin. Ang dami nang nangyayari. Para bang sinasabi na ng kalangitan na hindi tayo para sa isa't isa. Bakit pa natin ipipilit?"

With You Forever (Forever Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon