MLFTC-22

14.1K 512 7
                                    

MLFTC-22

*****

Nagsimula nang bumigat ang aking paghinga dahil 'di na talaga maganda ang aking pakiramdam. Bigla naman akong natigilan nang makarinig ako ng mga ungol. Namilog ang aking mga mata nang marinig kong may sumampa sa ibabaw ng karwahe. Dahan-dahan kong sinilip kung ano ang nasa itaas. Halos mamilog ang aking mga mata sa nasaksihan. Ang malaking asong umatake sa akin no'ng nakaraan ay yaong nandito din sa ibabaw ng karwaheng sinasakyan ko. Sa sobrang takot ko'y agad akong napababa at dahan-dahang lumakad. Ngunit bago pa man ako makalahati nang hakbang ay narinig ko ang pagbaba nito sa lupa.

"Sa tingin mo ba'y makakatakas ka sa akin!" Biglang wika nito.

Mas lalong namilog ang aking mga mata. Huwag niyo sabihing ang taong nasa likuran ko'y isang taong-lobo!? Napalunok ako. Wala ano pa'y mabilis na akong napatakbo palayo. Diyos ko! Ano ba ito! Una'y bampira, ngayon nama'y taong-lobo! Imposible na talaga ito!

Takbo lang ako nang takbo ngunit ramdam ko ang pagsunod nito sa akin. Ngunit mabilis ito kaya't nahapit ng kanyang matulis na mga kuko ang aking kanang hita dahilan para masugatan ito at tumilapon ako sa damuhan.

"...aah!" Daing ko sa pagitan ng aking pag-iyak.

Sobrang lalim ng sugat sa aking kanang hita kaya't mabilis rin ang pagdaloy ng dugo ko.

"...aah!" Muling daing ko at halos kagatin ko na ang aking dila dahil sa sobrang hapdi at kirot.

Bigla namang lumitaw ang taong-lobo sa aking harapan. Naglalaway pa ang bibig nito at talagang ano mang oras ay mananakmal na ito. Bigla namang nag-anyong tao ang pang-itaas na bahaging katawan nito.

"Ang hina mo nga pa lang nilalang. Masakit ba?" Anito at napahalakhak pa.

"P-parang...awa mo..." Sambit ko.

"Awa? Ikaw ang sisira sa angkan namin at hindi ako papayag na mangyari ang nakasaad sa propesiya!" Nailing ako at natutop na ang aking bibig.

"Napakasuwerte ko naman at ako ang unang nakahanap sa iyo." Aniya at malutong na napatawa.

Bumalik ito sa kanyang anyo at bigla akong sinugod. Wala akong nagawa kundi ang matulala na lamang. Sa pagkurap ng aking mga mata ay siyang paglitaw ng isang lalaking nakasuot ng itim na tsaketang kagaya ko at bigla nitong hinawakan sa leeg ang taong-lobo at walang kahirap-hirap nitong ibinaon sa lupa ang mukha. Talagang bumaon ito dahil sa sobrang lakas ng puwersa. Natigilan akong saglit nang lingonin nito ako. Ang lalaking nagpakita sa akin sa talon ang siyang nagligtas sa akin.

"Walang kuwentang Seltzer!" Anito at mas lalong ibinaon sa lupa gamit ang kanyang kanang paa. Mukhang patay na ito. Napalunok ako at natigil sa pag-iyak.

"Masyado talagang matigas ang iyong ulo." Baling nito sa akin.

Nanatili akong walang imik dahil hindi ko naman alam kung ano ang dapat kong sasabihin. Lumapit ito sa akin at inilahad ang kanyang kanang kamay. Nailing ako dahil hindi ko kayang tumayo sa sitwasyon ko. Bigla niya naman akong binuhat ng maingat.

"Alam na nilang nandito ka kaya't hahabulin ka nila, maging ako." Wika nito.

"S-sino ba sila? Ikaw? At ang lugar na ito." Lakas-loob kong tanong rito.

Hindi niya ako sinagot at nanatiling nakatuon lang sa daan. Hindi na rin ako nagtanong pa ulit dahil talagang iniinda ko pa itong sugat ko sa kanang hita.

Sa isang kurap nama'y narating namin ang karwahe. Hinawakan niya ito at bahagyang iniangat kaya hindi na ito nakalubog sa putikan. May iniwan din siyang papel at isinukbit sa isa mga kabayo.

"Baka hanapin ako ni---"

Hindi ko na naituloy dahil sasabihin ko dahil sa biglaan nitong paghalik sa akin. Nagtama ang aming mga mata at kitang-kitang ko ang pagbabago ng mata niya mula sa luntian hanggang sa maging kulay pula. Humiwalay ang labi nito sa akin at lumakad nang muli. Tanging paglunok na lamang ang nagawa ko. Diyos ko, pangalawang halik niya na ito sa akin at aminado akong kinilig sa kanyang ginawa. Napayuko na lamang ako at ibig ko yatang batukan ang aking sarili dahil tila yata'y may namumuo na akong pagtingin sa kanya; sa isang istranghero.

Hindi rin nagtagal ay narating namin ang masukal na daan. Nahinto kami sa tapat ng nakukumpolang mga baging at nang kanya itong hinawi ay bumungad sa akin ang maliit na kuweba. Sa dulo nito ay isang rumaragasang tubig. Dumaan kami sa gilid nito at laking gulat ko nang mapagtanto ko kung nasaan kami. Nasa lihim na lagusan kami ng museo kung saan matatagpuan ang mga tanim na itim na rosas at ang malinaw na tubig ng talon.

Lumakad pa siya ulit at nahinto sa tapat ng pader kung saan ako dumaan no'ng nakaraan. Kusa itong umangat at diretso lang siya sa paglakad habang bitbit ako. Muli namang sumirado ulit ang pader nang makapasok kami. Lumakad pa siya ng ilang hakbang hanggang sa tuluyan naming narating ang kabilang dulo. Pader pa rin ang dulo nito at walang ano pa'y bigla ulit itong umangat.

Bumungad sa akin ang hagdan pababa. Dalawampung baitang ito pababa hanggang sa matapat kami sa dalawang pinto. Itinulak niya ang kaliwang pinto at bumungad sa akin ang isang kuwarto. Antigo ang mga muwebles na ginamit sa silid at sa gitna nito ay isang malaking kama. Dahan-dahan naman niya akong ibinaba. Iyong tipong marahan at maingat na pag-alalay kaya't medyo hindi nagalaw ang sugat ko sa hita.

Lumayo naman ito sa akin at hinubad ang suot niyang tsaketa. Tumambad sa akin ang matipuno at makisig nitong katawan. Wala pala itong suot na pang-itaas at tanging kupas na maong na kulay asul lang ang suot niya sa ibabang parte. Wala sa sarili pa akong napalunok at 'di man lang inalintana itong sugat ko.

MY LOVE FROM THE CENTURY [Zoldic Legacy Book 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon