MLFTC-12

15.8K 500 28
                                    

MLFTC-12

*****

"Ate Yana..." Tawag pa ni Egoy sa akin kaya't pinagbuksan ko ito ng pinto.

"O Egoy, bakit?"

May inabot naman ito sa akin na malaking kahon.

"Pinabibigay ni ate Catherine, suotin mo raw ate." Aniya.

Wala sa loob naman akong napatango at muling isinarado ang pinto. Inilapag ko ang malaking kahon at binuksan ito. Laking pagkamangha ko dahil puro magagandang bestida ang laman nito. Mahigit sa kinse ang bestida, maging ang pares ng sapatos na walang takong.

Napalabas ako ng silid, dala ang malaking kahon. Napalingon naman sa akin si Egoy, na abala pa sa paghahain.

"Egoy, pakibalik ito kay ate Catherine." Pakiusap ko pa. Ngumiti naman ito.

"Ate, hindi na niya iyan kukunin pabalik. Nasubukan ko na po iyan. Talagang mabait lang po talaga iyon, at saka magpinsan po kayo 'di ba? Natural lang po siguro na tanggapin niyo iyan." Aniya.

Napabuga ako ng hangin.

"Wala na ba talagang pagpipilian?" Biro ko pa. Bahagya naman itong natawa.

"Wala na po."

Napanguso na lamang ako at muling pumasok sa aking silid. Nagpalit na ako ng damit at muling lumabas. Naupo na ako sa hapag.

"Tuyo at kamatis..." Wika ko pa. Bahagya namang napakamot sa ulo itong si Egoy.

"Hindi po ako nakapunta ng palengke ate kaya ito lang ang meron po tayo. Hindi ko naman po kasi alam na may magiging kapalit agad si ate Melba." Paliwanag nito at naupo na sa hapag, kaharap ko.

"Melba?" Sambit ko sa pangalang binanggit nito.

"Opo, si ate Melba. Dating taga-bantay din po dito pero..." Napatigil ito at tila nag-aalangan pa kung dudugtungan ang sasabihin.

"Kasi...atin lang po ito ate Yana, ha?" Bulong nito kaya napatango ako.

Sumubo pa ako ng kamatis at matamang naghihintay sa sasabihan niya.

"Kaya po kasi umalis si ate Melba dito ay may kakaiba raw siyang napupuna sa museo. Lagi daw kasing nababago ang puwesto ng mga nakapintang larawan." Anito.

Napalunok naman ako sa sinabi nito.

"Hindi nga? Baka naman namamalikmata lang siya." Sabi ko pa at muling sumubo ng kanin.

Napapailing naman itong si Egoy.

"Sa maniwala ka at sa hindi ate Yana, talagang nagbabago ang puwesto ng mga larawan sa museo. Sa tagal ko ba namang naging taga-bantay dito ay alam ko talaga ang mga nangyayari." Aniya.

Napatigil ako sa pagkain.

"Egoy naman...tinatakot mo ako e!" Angal ko pa.

Napahagalpak naman nang tawa ito. Sabi na nga ba e! Nagbibiro lang ito.

"Biro lang po iyon. Nakapag-asawa na po kasi si ate Melba at sa Maynila siya dinala ng asawa niya." Anito.

Bahagya naman akong nakahinga ng maluwag.

"Muntik na akong maniwala e." Sabi ko pa at muli nang kumain.

Habang pinagmamasdan ko si Egoy ay natutuwa ako. Napakagaan ng loob ko sa kanya. Minsan ko rin naman hiniling sa Diyos na sana'y magkaroon ako ng bunsong kapatid.

"Bakit ate?" Pukaw nito sa akin.

Napailing ako at ngumiti ng kaunti.

*****

Matapos ang hapunan ay natulog na kami ng maaga. Wala rin naman kasing telibesyon dito at tanging radyo lang ang napuna ko. Sabagay, abala rin naman iyon sa trabaho ni Egoy dito. Bigla namang sumagi sa akin ang sinabi ni Egoy. Pakiramdam ko kasi ay totoo iyon. Napasulyap ako sa antigong orasan na gawa sa kahoy.

Malapit na ang hating gabi nang 'di ko man lang namamalayan. Kanina pa pala dilat ang mga mata ko at ayaw talaga magpahila sa antok.

Tumagilid ako sa paghiga ngunit laking pagtataka ko nang makarinig ako ng tunog na nagmumula sa instrumentong piyano. Kasabay niyon ay ang pagsapit ng alas-dose.

Napabangon ako at nagsindi ng lampara. Hindi ko pa kasi alam kung saan ang saksakan ng mga ilaw. Mabuti nalang talaga at iniwanan ako ng lampara ni Egoy. Sumilip ako sa labas. Nakakahalina ang tunog na nagmumula sa piyano. Humakbang pa ako hanggang sa makalabas na ako ng tinitirhan namin ni Egoy. Napalinga-linga pa ako sa buong paligid ng silid-aklatan. Ngunit hindi ko naman naririnig dito iyon. Humakbang pa ako hanggang sa matapat ako sa pinto ng museo. Ngunit nakakandado ito mula sa loob.

Inilapag ko ang lampara at muling pinilit na mabuksan ang pinto. Ngunit natigilan ako sa pagpupumilit na mabuksan ang pinto dahil pakiramdam ko'y may nakatayo sa likuran ko. Nanlamig ang buo kong katawan, maging ang aking paghinga ay ganoon din. Dahan-dahan akong lumingon. Pigil na pagsinghap ang aking nagawa nang mapatunayan mismo ng aking mga mata na totoo ngang may tao sa likuran ko kanina. Madilim na parte sa puwesto nito kung saan ito nakatayo. Ang tanging naaaninag ko lamang ay ang pang-ibaba nitong bahagi; sa pamamagitan ng ilaw na nagmumula sa lampara. Mas lalo namang bumigat ang aking paghinga nang humakbang ito ng isang beses. Gustohin ko mang tumakbo ay hindi ko magawa. Pakiramdam ko'y baon na baon ang mga paa ko sa sahig. Ang kaninang nanlalamig kong katawan ngayon ay namamawis na. Panay din ang aking paglunok dahil sa biglaang panunuyo ng aking lalamunan. Namilog lalo ang aking mga mata nang humakbang pa itong muli. Mukha nalang nito ang natatakpan ng dilim at parang gusto ko pa ang humakbang siyang muli.

Akmang hahakbang pa ito ulit ngunit...

"Ate Yana..." Hawak ni Egoy sa aking balikat.

"Egoy!" Wika ko nang lingonin ko ito.

Hingal na hingal ako, na para bang kagagaling ko lang sa karera. Daig ko pa ang naghihingalo dahil sa tindi ng gulat ko kanina'y pakiramdam ko'y humiwalay ang kaluluwa ko sa akin. Nanlulumo akong napaupo sa sahig at napahawak sa balikat ni Egoy.

"Ate, ano ang nangyari!?" Napalunok ako at wala pa talaga sa ayos ang utak ko.

Namalayan ko nalang na nadala na ako ni Egoy pabalik sa aking kuwarto. Tumabi ito sa akin at inabutan ako ng tubig.

"Ate Yana, ayos ka lang ba? Pinakaba mo ako e." Ani Egoy.

"Egoy...may lalaki kanina..." Sabi ko pa.

"Po? E tayong dalawa lang naman po ang nandito ate. Imposible rin namang may nakapasok e nakakandado naman po lahat ng pinto, lalo na ang mga bintana." Aniya. Mas lalo yata akong ninerbyos sa sinabi niya.

"Egoy, maari bang dito ka muna matulog. Kahit ngayon lang, pakiusap." Napatango naman ito.

Kinuha niya ang basong hawak ko at lumabas ng aking silid. Hindi rin naman ito nagtagal at bumalik ito. Dala niya ang manipis na kutson, unan at kumot. Inilapag niya ito sa sahig.

"Ate, tulog na po tayo. Maaga pa ho ako maglilinis bukas." Aniya.

Napatango lang ako at nahiga na rin sa aking kama. Pinatay na ni Egoy ang ilaw ngunit dilat pa rin ang aking mga mata.

Hindi pa rin mawala sa isipan ko ang eksenang naganap kanina. Hindi ko alam kung bakit pero nakaramdam ako ng panghihinayang kanina. Kung hindi kasi dumating si Egoy kanina, marahil ay nakita ko na ang mukha ng lalaking iyon. Alam kong siya pa rin iyon, ang lalaking humalik sa akin. Napatakip ako ng mukha gamit ang aking mga palad. Malalaman ko rin kung sino ka.

MY LOVE FROM THE CENTURY [Zoldic Legacy Book 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon