MLFTC-50
*****
Nangangalahati na kami sa paglalakad ay sa isang kisap ng aking mga mata'y narating naming ang bahay ng ginang Zoldic. Diretso kaagad niya akong dinala sa kuwarto ng ate Catherine.
"Mattheaus ano ang gagawin mo?" Kinakabahan kong tanong nang mailapag niya ako sa kama.
"Dapat kahapon pa siya lumabas." Bakas din sa mukha niya ang pagkabahala. Napahawak ako sa aking tiyan.
"Mattheaus ang anak ko! Hindi!" Nagsimula na naman akong maiyak. Una si Egoy, ngayon ang anak ko na naman ang nasa panganib. Iniluwa naman ng pintuan ang ate Catherine.
"Mattheaus ano ang nangyayari!?" Ani ate Catherine.
"Hindi pa lumalabas ang anak ko ate." Sagot ko at napalunok.
Panay pa rin ang pagtulo ng luha ko. Ayaw din mawala itong matinding kaba sa dibdib ko.
"Kailan nahinto ang pagsakit ng tiyan mo Yana?" Ani ate Catherine.
"Kahapon ng umaga..." Sagot ko.
Aligagang bigla naman si Mattheaus at may kung anu-anong pinagkukuhang mga bagay. Nakakahilo itong panoorin dahil masyadong mabilis ang mga kilos nito.
"Lumabas ka na Catherine." Utos ni Mattheaus.
"Pero..." Angal ko.
Malungkot na napabaling ang ate Catherine. Hindi ito kumibo kanina at mukhang may alam ito sa nangyayari sa akin.
"Magiging maayos ang lahat, Yana." Ani ate Catherine at hinalikan ang aking noo.
Kumawala ang mga luha nito sa kanyang mga mata ngunit agad din naman niya itong pinahiran. Agad itong lumayo at lumabas ng silid. Naiwan kaming dalawa ni Mattheaus. Lumapit ito sa akin at hinagkan ang aking noo.
"Kagatin mo 'to..." Utos niya kasabay nang pagbusal sa aking bigbig.
'Di na ako nakapagprotesta man lang dahil bigla nitong tinali ang dalawang kamay ko sa haligi ng kama gamit ang puting tela. Natatakot man ngunit mas minabuti ko na lamang na pakalmahin ang aking sarili. Hindi ko alam kung ano ang gagawin niya pero kailangan kong magtiwala.
Bigla nitong pinunit ang suot kong bestida hanggang sa mahinto ang punit nito sa aking tiyan.
"Kayanin mo, Yana. Pakiusap..." Bakas sa mukha ng nobyo ko ang matinding pag-aalala.
Isang mabigat na paghinga lang ang itinugon ko. Kumuha naman bigla ng punyal si Mattheaus at walang pag-alinlangang hiniwa ang tiyan ko. Namilog ang mga mata ko sa ginawa niya at napakapit sa telang nakatali sa akin. Sa sobrang sakit nang pagkakahiwa sa tiyan ko'y halos mapasigaw ako ngunit may busal ang aking bibig kaya't tanging malakas na ungol lang ang nailabas ko. Bumilis ang paghinga ko at 'di na naiwasan pang maiyak nang matindi.
"Ugh!" Daing ko nang hiwain niya pa ito ulit.
Hindi ko alam kung saan ko ibabaling ang ulo ko. Kirot, sakit at hapdi. Halo-halong pakiramdam na hindi ko maipaliwanag. Pawisan na rin ang buo kong katawan.
"Ugh!" Muling daing ko nang maipasok ni Mattheaus ang kanang kamay nito sa loob ng sinapupunan.
Mas lalo pa yatang sumakit, tipong parang mamatay na ako sa sobrang sakit. Wala man lang anitisyang ginamit sa akin kaya hirap na hirap ako ngayon. Dahan-dahan namang hinugot ni Mattheaus ang anak namin. Laking tuwa ko nang makita ko ang anak ko. Agad itong binalot ni Mattheaus sa tela at bahagya itong napakunot ng noo. Lumapit siya sa akin at tinanggal ang pagkakatali ko sa kama. Tinanggal niya rin ang nakabusal sa aking bibig. Nanghihina man ngunit pinilit kong makasandal sa kama.
"Akin na..." Sabi ko pa nang mahina.
Tumalikod bigla si Mattheaus habang karga ang anak namin.
"Akin na!" Galit kong sabi muli at nagsimula na naman akong maiyak.
Humarap sa akin si Mattheaus at laking kaba ko dahil panay na ang pagtulo ng kanyang mga luha. Mas lalo akong naiyak. Lumapit siya sa akin at ibinigay ang anak ko.
"Bakit... Bakit 'di siya umiiyak!?"
Tanong ko agad kay Mattheaus. Hindi siya makatingin sa akin at panay pa rin ang pag-iyak niya.
"Mattheaus hindi! Anak gumising ka! Pakiusap! Nandito na si mama. Anak...gising na!" Sa sobrang sikip ng dibdib ko'y halos habulin ko na ang aking hininga. Hinaplos ko ang pisngi ng anak ko at niyakap ito.
"Anak gising na o! Nandito na si mama..." Muli kong hinaplos ang pisngi niya.
Kumalat sa bibig nito ang dugo ko na galing sa sugat ng aking palad. Napatingala ako at napahagulhol muli.
"Diyos ko! Nagmamakaawa ako sa inyo! Huwag ang anak ko!" Sambit ko sa kawalan.
Muli kong pinagmasdan ang anak ko. Hinalikan ko ang kanyang noo. Laking gulat ko nang biglang gumalaw ang kamay nito. Hindi ko siya nilubayan nang tingin. Ngunit baka'y namamalikmata lang ako.
"Mattheaus..." Tawag ko habang nakamasid pa rin sa anak namin. Ramdam ko naman ang paglapit nito sa akin.
"Yana..." Aniya.
Ramdam ko ang sakit sa boses niya. Pareho kaming nawalan.
"Ayoko na..." Daing ko.
Parang ang laki yata nang kasalanan ko sa Diyos at pinaparusahan niya ako ng ganito. Bigla kaming natigilan ni Mattheaus nang umiyak ng pagkalakas ang anak namin. Buhay siya! Sa sobrang tuwa ko'y pinugpog ko siya nang halik.
Agad siyang kinuha ni Mattheaus sa akin at 'di niya maiwasang mapangiti dahil buhay ang anak namin. Hindi ko alam kung paano ngunit isa lang ang alam ko, mahimala ang Diyos. Pinikit ko ang aking mga mata at tila yata para akong nawalan ng lakas bigla.
BINABASA MO ANG
MY LOVE FROM THE CENTURY [Zoldic Legacy Book 2]
VampireSeries 2 Highest Rank on Vampire Genre #3 Zoldic Legacy Series Si Ayesha Yana Darvin o mas kilala sa palayaw na Yana ay walang kamuwang-muwang na napadpad sa lugar kung saan nakatira ang tanging kinikilala na lamang niyang kamag-anakan na si Cather...