MLFTC-1
Delay updates! XD Enjoy!
*****
"Yana!" Napalundag ako sa tindi ng gulat.
Ngalingali kong nahampas si Jeorgie sa kanyang balikat at hinila ang ilang hibla ng kanyang buhok.
"Gaga ka ba!? Gusto mo akong mamatay ng maaga!?" Napanguso naman ito at napakamot sa kanyang ulo.
"Palagi mo kasing tinititigan ang larawang iyan sa tuwing napapagawi tayo rito sa silid-aklatan." Napaismid ako.
"Nakapagtataka lang kasi dahil may kakaiba akong nakikita sa nakapintang larawan na ito." Imbes na sagutin ako'y inirapan niya lamang ako.
"Ewan ko sa iyo!" Padabog pa itong umalis sa tabi ko.
Wala akong nagawa kundi ang magkibit-balikat at muling napatitig sa larawang nasa harapan ko. Ewan ko ba pero iyon talaga ang nakikita kong eksena sa larawang ito. Pakiramdam ko'y bahagi ako ng larawan. Nakakabaliw mang isipin ngunit simula nang tumuntong ako ng dise-otso'y sa tuwing napapatitig ako sa larawang ito, ang sarili ko mismo ang nakikita kong nakatayo sa harapan ng salamin na nakapinta sa larawan. Napabuga ako ng hangin at pinilig ko ang aking ulo. Masiyado na yata akong praning at kung anu-ano na ang aking nakikita. Ngunit hindi ko pa rin maitatanggi sa aking sarili ang katotohanang sa mga mata ko'y buhay na buhay ang larawang nakapinta. Tinitigan kong mabuti ang larawan at pilit na inaaninag ng aking mga mata ang pangalan ng pintor.
"Ma...Matt---" Sambit ko na ngunit napaurong ako dahil sa biglaang paghatak sa akin ni Jeorgie.
"Nakakainis ka na talaga Yana! Ang hirap talaga tanggalin ng prisensya mo sa larawang iyon! Palagi nalang!" Talak nito sa akin at tanging pagkamot sa aking sintido lamang ang nagawa ko.
Aminado ako, natatagalan kami sa aming mga gawain dahil sa biglaan kong paghinto para lamang titigan ang larawang iyon.
"Patawad Jeorgie..." Paumanhin ko ngunit tanging irap lang ang itinugon niya.
Bumigat ang aking paghinga. Paniguradong magpapasuyo na naman ito sa akin at talagang mahihirapan na naman ako nito.
"Matatanggalan tayo ng trabaho nito Yana kapag ipinagpatuloy mo pa iyan! Ilang taon na ba? Dalawang taon na! Diyos ko naman Yana!" Talak niyang muli habang pababa kami ng hagdan. Nanatili akong walang imik sa naging mgapatutsada niya.
Wala talaga ako sa aking sarili ngayong araw na ito. Hindi lang ngayon yata, kundi araw-araw matapos kong titigan iyong nakapintang larawan ay talagang nawawala ako sa aking sarili. Wari'y ang lawak ng imahinasyon ko dahil damang-dama ko pa ang bawat nangyayari sa loob ng larawan. \
"Ayesha Yana!? Nakikinig ka ba ha?" Bumaling ako sa kanya.
"Oo na..." Tipid ko lamang na sagot at nagpatiuna na sa pagbaba.
Diretso ako agad sa ikalawang palapag at tinungo ang bodega na pinaglalagakan ng mga gamit sa paglilinis. Dalawang taon na akong nagtatrabaho dito sa pribadong iskuwelahan ng St. Mary's College bilang isang portero o dyanitor. Mababa man ang antas ngunit ikinararangal ko ang trabahong ito. Muli akong humugot ng malalim na hininga at agad na dinampot ang walis ting-ting at ang mga basahan para pamunas sa salamin. Ngunit bago ko pa man madampot lahat ay may umihip na pinong hangin sa batok ko. Natigilan ako at nagsitayuan ang aking mga balahibo sa katawan. Nanginginig ang mga tuhod ko at pakiramdam ko'y nanigas ang buo kong katawan. Pinagpapawisan ang mga palad ko, maging ang tungki ng aking ilong, pati na ang buong mukha ko. Panay kabog din ang aking dibdib. Sa lakas nito'y parang nakakabingi. Napakurap pa ako ng maraming beses at buong tapang na napahugot ng malalim na hininga. 'Wala iyan Yana.' Sa isipan ko. Ngunit nang bumaling ako sa aking likuran ay biglang sumirado ang pinto. Napatili ako sa sobrang takot. Agad akong kumilos at nagkukumahog na lumapit sa dingding para kapain ang ilaw ngunit bago ko pa man ito mahawakan ay naramdaman ko nalang ang biglang paghawak sa aking kanang kamay. Maging ang isa pa nitong kamay ay ramdam kong nakahapit sa aking manipis na bewang. Natigilan ako at tila nalunok ang aking dila dahil hindi ko man lang nagawang sumigaw o humingi ng tulong. Madalim man ngunit damang-dama ko ang bawat haplos nito sa akin, dahilan upang magkagulo ang sistema ng aking katawan. Damang-dama ko ang hininga nito sa aking leeg, maging ang marahang paghagod ng kamay nito sa aking likuran. Kabaliwan man ito kung tutuusin ngunit hindi ko alam kung bakit takot ko'y lumisan bigla. Sa isang pagsinghap ko'y sakop na nito ang aking labi. Dampi lang ito ngunit pakiramdam ko'y buong katawan ko ang nakadadama ng halik niyang iyon. Napasinghap akong muli at sa isang galaw ko lang ay bigla na lamang itong nawala sa harapan ko at napalitan ng matinding lamig ang buong silid. Bumilis lalo ang tibok ng puso ko at muling nanaig ang matinding takot sa akin. Mabilis kong pinihit ang seradora at napatakbo palabas. Sa pagmamadali ko'y nabangga ko pa si Jeorgie.
"Hoy Yana! Ayos ka lang ba? Namumutla ka ah? Tagaktak pa ang pawis mo." Anito.
Kay bigat ng aking paghinga at panay ang paghabol ko rito.
"M-may...s-sa...." Tanging naisambit ko at tuluyan akong nawalan ng malay.
BINABASA MO ANG
MY LOVE FROM THE CENTURY [Zoldic Legacy Book 2]
VampirosSeries 2 Highest Rank on Vampire Genre #3 Zoldic Legacy Series Si Ayesha Yana Darvin o mas kilala sa palayaw na Yana ay walang kamuwang-muwang na napadpad sa lugar kung saan nakatira ang tanging kinikilala na lamang niyang kamag-anakan na si Cather...