Chapter 20 - A night to remember (Part II)
Keisha Yokoi's POV
Nakahiga kami na magkahawak ang kamay. Parehas nakangiti habang nakatingin sa langit... sa mga bituin na naging saksi ng pangako niyang maghihintay s'ya.
Nakakatawa lang isipin na sa lahat ng nababasa ko, lalaki ang ayaw sa commitment. Lalaki 'yong hinihintay ng babae na gustuhing pumasok sa relasyon. Lalaki kadalasan 'yong mas gusto na walang label ang relasyon.
Pero ngayon, andito kami, ako na hindi pa ready... S'ya na handang maghintay.
"Mahal kita. Mahal nga talaga kita." bigla na lang siyang nagsalita. Kahit alam ko naman... bakit ang sarap sa tainga? Kahit 'ata ngipin ko nakangiti na.
"Hindi naman ako mahilig maghintay talaga eh. Kasi simula no'ng tumigil ako sa paghihintay sa pagbalik ni Mommy, sabi ko kahit kailan hindi na 'ko maghihintay. Pero ano 'ko ngayon? Naghihintay sa 'yo. Ang wirdo nga lang kasi 'yung hinihintay ko, katabi ko ngayon."
Tumawa kami.
"Pwede bang itigil na lang 'yung oras tapos dito na lang tayo habang-buhay?"
Kinikilig ako.
"Parang ayoko nang lumayo sa 'yo. Baka may mangyari nanamang magpapabagal ng usad ng istorya natin."
Ang bilis ng tibok ng puso ko. Buong buhay ko, humihiling ako ng tao na hindi ako iiwan. Na mananatili sa tabi ko, si Ced na ba 'yon? Sana.
"Naiinip ka na ba?" tinanong ko siya.
"Sino bang hindi maiinip na mapasakanya na 'yung taong gusto niyang makasama habang buhay?"
"Sorry."
"Saan naman?"
"Magulo buhay nang babaeng 'yon."
"Ayos lang, sa tingin ko makita lang kita araw-araw, okay na 'ko. Basta alam kong mahal mo 'ko, hindi ako magsasawang hintayin ka, kasi sa dulo alam kong balewala lahat ng paghihintay dahil akin ka na. Sa wakas... Magiging akin ka din."
Gusto ko nang umuwi. Gusto ko ng ayusin ang buhay ko para bukas sasabihin kong kanya na 'ko... Para bukas... Akin na rin s'ya.
"Anong ginawa ko para ibigay ka sa 'kin?" hindi ko napigilang itanong.
Nagkatitigan kami.
"Baka kasama talaga sa lyrics ng buhay ko na mahalin ka?"
Pumorma ulit ang ngiti.
"Pa'no kung hindi pala?"
Ngumiti s'ya.
"E di ako mismo ang magdadagdag."
Ang swerte ko.
"Pwede bang bawiin ko na 'yung sinabi ko na feeling ko gusto na kita?"
Nagsalubong 'yung kilay niya.
"Kasi... Mahal kita. Pagkatapos ng lahat, ang gaga ko naman para i-deny pa na mahal kita 'di ba?"
Ngayon ko lang nakita ang pinakamalaking ngiti niya. Kumikinang 'yong mata niya. Mabilis siyang lumapit at hinalikan ako sa labi.
Ayokong magisip. Papabayaan ko muna na maghari ang puso ko ngayon...
Nilabanan ko ang halik. It's deep and passionate. Ang tagal din niyang inangkin ang mga labi ko at ang alam ko, masaya ako. Masaya akong halikan siya. Masaya akong mahalin siya.
Natapos 'yung halik at nakangiti siyang tumitig sa 'kin.
"Pwede bang lagpasan na natin 'to tapos magpakasal na tayo?""Ay grabe s'ya oh. Kasal agad-agad! Ikukulong agad natin sarili natin, bata bata pa natin."
"Kung ikaw naman ang kulungan baka kusa pa 'kong pumasok. Baka ako pa mag pad-lock."
"Baliw ka talaga 'no?"
"Baliw ako sa 'yo."
"Pero hindi talaga pwede 'yon eh. Madami pa tayong pangarap."
"E di hindi pwede. Ikaw ang boss. Pero 'eto lang ang sasabihin ko sa 'yo. Okay lang talaga kahit ga'no katagal-"
"Paulit-ulit."
"-abutin 'yung pagsagot mo sa 'kin. Kasi pag sinagot mo ng oo 'yung tanong na pwede ba kitang maging girlfriend... Para mo na ring sinagot 'yung tanong na will you marry me, kasi pag naging akin ka na, 'di na kita papakawalan... At sisiguraduhin kong hindi mo gugustuhing kumawala."
Mauubusan pa ba siya ng paraan para pakiligin ako? Titigil pa ba sa pagdami 'yung dahilan kung ba't ang swerte ko sa kanya?
Piningot ko s'ya sa ilong.
"Talent mong magpakilig, 'no?"
"Effective?"
"Uhm, medyo."
"Pakipot."
"Mahal din kita."
Ngumiti nanaman siya ng parang bata.
"Isa pa, gusto ko ulit marinig."
Nginitian ko siya.
"Mahal kita. Mahal kita. Mahal kita. Pangako bibilisan ko ang pag-aayos sa sarili ko."
"Nahahawa ka na rin sa 'kin. Ang galing mo narin magpakilig."
"Effective din?"
"Oummmm."
Isa lang ang sigurado 'ko, masaya ako sa oras na 'to. Hindi ko alam kung anong mangyayari bukas o sa susunod na araw. Hindi ko alam kung maaayos na agad lahat. Pero sana magtuloy-tuloy na ang daloy ng istorya naming dalawa.
____________________
Maiksi lang talaga 'to pero sana kinilig kayo!
5 Chapters na lang. :(