KABANATA II

754 16 0
                                    

KABANATA II

"The monsters of our childhood do not fade away, neither are they ever wholly monstrous"

-- John le Carré

________

GRADUATE ng kursong Interior Design sa isang sikat na Unibersidad si Aira. Ang kumpanya ng kanilang pamilya ay isa sa mga nangungunang supplier ng mga materyales sa paggawa ng mga matataas na building. Minsan na n'yang pinagbigyan ang mga magulang na kumuha ng Business Management dahil bilang nag-iisang anak ay s'ya ang magmamana ng kanilang kumpanya. Wala ang interes n'ya sa pamamahala ng isang negosyo kaya naman sa pamimilit niya ay pinayagan s'yang kuhanin ang nais n'yang kurso. Hindi naman n'ya naipahiya ang sarili sa mga ito nang malathala sa isang magazine ang tahanan ng isang sikat na artista kung saan s'ya ang nagdisenyo.

May ngiti sa labing pinagmamasdan ni Aira ang magazine kung saan nailathala ang kanyang unang achievement bilang isang interior designer. Parang nasa alapaap s'ya nang maalala ang mga oras na iyon. Isang malaking karangalan para sa kanya na mapabilang sa magazine kung saan ang mga nailalagay ay mga tinitingalang interior designer sa bansa. Dagdag pa na narating n'ya iyon sa edad lamang na dalawampu't isa. Baguhan at fresh graduate sa ibang salita kaya naman may pailan-ilan din ang nagdududa sa kanyang kakayahan.

Napabalikwas s'ya mula sa pagkakaupo sa kanyang swivel chair nang marinig ang sunud-sunod na katok sa pinto ng kanyang kwarto. Tila nagising s'ya sa pagbabalik-tanaw sa mga nangyari noong nakaraang buwan.

Gumuhit ang pagtataka sa mukha n'ya nang mahagilap ng paningin ang digital clock na nakapatong sa kanyang side table. Sino naman kaya ang nasa labas ng kanyang kwarto ng alas dos ng hapon? Imposibleng ang daddy at mommy nya iyon dahil kapwa nasa trabaho ang mga ito. Ang lola naman n'ya ay nakita pa nya noong umagang iyon na umalis ng mansyon at dadalawin daw ang isang kaibigan kaya sa gabi na ang uwi. Ang mga katulong naman ay pinagbawalan n'yang istorbuhin s'ya dahil balak nyang gumawa ng sketch para sa bagong kliyente na nagpapaayos ng condominium unit.

Saglit n'yang sinipat ang sarili sa harap ng malaking salamin na nasa walk-in closet. Iniayos ang laylayan ng kanyang casual dress na bahagyang nagulo dahil sa kanyang pagkakaupo. Nakasanayan na kasi nyang magsuot ng ganoon kahit pa nasa bahay lamang. Lumapit pa s'ya ng mas maigi upang masigurong walang kahit na ano mang dumi ang kanyang makinis na mukha.

Pagbukas niya ng pinto'y ang nakangiting mukha ng kanyang Lolo Greg, asawa ng kanyang Lola Alicia, ang bumungad sa kanya. Halatang kararating lang ng matanda dahil sa porma nito. Lihim na napangiti si Aira nang mapansin na hindi pa rin nagbabago ang kanyang Lolo. Kumbaga sa isang teenager ay sunod ito sa uso.

"Lolo!" tawag nya rito. Sinalubong n'ya ang mahigpit na yakap ng kanyang Lolo.

"Aira," banggit nito sa kanyang pangalan matapos nilang maghiwalay. "Kamusta na ang apo ko?"

"I'm fine Lolo," sagot n'ya. Napakunot noo s'ya nang mapagmasdan ang matanda. Bahagya itong pumayat kaysa sa dati. Medyo malalim din ang ibabang bahagi ng mga mata. Sa tingin n'ya rin ay nadagdagan ang mga guhit nito sa mukha. "Kayo po?" ganting tanong nya.

"I'm fine too, hija. Medyo napagod lang siguro ako sa biyahe. Inaantok na rin ako dahil sa jet lag," sabi nito na sinabayan pa ng paghikab.

Hinawakan ni Aira ang braso ng matanda na akmang tatalikod na. Hindi nakaligtas sa kanya ang pag-iwas nito ng paningin nang sagutin ang kanyang tanong.

"Lolo, may problema po ba?" may pag-aalala sa boses n'yang tanong dito.

Isang pilit na ngiti ang sumilay sa labi ng matanda. Hinarap nya si Aira at pinisil ang nakahawak na kamay nito sa kanyang braso. "Pagod lang talaga ko. Mag-usap tayo mamaya ha? Matutulog lang ang Lolo."

Tumango lang si Aira. Sinundan na lamang n'ya ng tingin ang papalayong likod ng kanyang Lolo Greg. Hinintay nya itong makababa sa first floor kung saan naroroon ang kwarto nila ni Lola Alicia bago pumasok sa sariling kwarto.

Bumalik na s'ya sa pagkakaupo sa kanyang swivel chair. Nasa harapan 'nya ang mesa na puno ng ilang sketch book at laptop. Isinandal n'ya ang sarili sa upuan at ipinikit ang mga mata. Hindi s'ya kumbinsido na may jet lag lang ang Lolo nya kaya ito ganoon. May inililihim ito sa kanya. Nasabi ni Aira sa sarili.

Ganoon na lamang ang pag-aalala nya rito dahil mula pagkabata ay malapit s'ya sa kanyang Lolo't Lola. Nag-iisang apo lamang 'sya ng mga ito kaya lahat ng atensyon at pagmamahal ng mga magulang pati ng dalawang matanda ay nasa kanya. Walang kaagaw. Walang kahati.

_____

NASAMID si Aira at napahawak sa kanyang dibdib. Nang makabawi mula sa kanyang pagkakasamid ay laking gulat n'ya na seryoso ang mukha ng kanyang Lolo Greg. Ang akala n'ya ay nagbibiro lamang ito. Magkakaharap sila ng kanyang mga magulang at Lolo at Lola sa isang mahabang lamesa at naghahapunan.

"Lolo, seryoso po ba kayo?" tanong nya rito.

Pinagmasdan n'ya ang kanyang Lolo na kasalukuyang nagpupunas ng gilid ng kanyang bibig. Tapos na itong kumain.

"Oo naman. Gusto ko na makita ang magiging apo ko sa'yo," diretsong sagot nito.

Naguguluhan s'yang napatingin sa kanyang Lola Alicia na abalang kumakain sa kanyang tabi.

"Lola?" pagihihingi n'ya ng saklolo.

"Tama ang Lolo mo hija. Masyado na kaming matanda. Gusto pa namin maabutan ang magiging apo namin sa'yo. Sa tingin ko naman ay nasa tamang edad ka na para mag-asawa," segunda ni Lola Alicia na nakahawak sa kanyang kamay.

"Pero twenty one pa lang po ako. Gusto ko pa pong makapag-aral ng Interior Design sa France. Napag-usapan na po natin 'yon di ba, Dad?" baling n'ya sa ama.

Uminom muna ng tubig si Marco bago nagsalita. Seryoso ang mukha nito na lalong nagpakaba kay Aira. "I'm sorry Aira. Sa tingin ko ay makabubuting sa isang taon ka na magpunta sa France."

"Pero dad wala pa po sa pag-iisip ko ang pag-aasawa. Besides, ang gusto ko pong makasama habang buhay ay yung mahal ko," sagot n'ya sa mga ito.

Ayaw n'yang matali sa isang bagay na hindi s'ya sigurado. Ang pag-aasawa ay hindi simpleng bagay. Sabi nga ng mga matatanda ay hindi ito tulad ng isang mainit na kanin na kapag ikaw ay nainitan ay maaaring iluwa.

Alam n'yang ganoon din ang pinagdaanan ng kanyang mga magulang. Ipinagkasundo lang din ang mga ito. Kahit ganoon man ang nangyari ay natutunan din nilang mahalin ang isa't isa. Paano na lang kung hindi mauwi sa pagmamahalan ang kanya?

to be continued...

Against the Wind [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon