KABANATA XII

496 6 0
                                    

KABANATA XII

What we remember from childhood we remember forever - permanent ghosts, stamped, inked, imprinted, eternally seen.

-- Cynthia Ozick

_________

DUMAAN ang mga araw. Halos dalawang linggo na rin ang nakalipas mula nang makilala ni Aira si Warren. Mula noong gabing iyon ay walang araw na hindi siya inusisa ng kanyang Lola kung ano ba ang tingin niya sa binata.

"Ayos lang," iyon ang madalas niyang itugon sa matanda. Sa kabila ng simpleng sagot niyang iyon ay ang katotohanang ayaw niya sa binata. Sa totoo lang ay wala siyang interes sa kahit na ano mang bagay na may kinalaman sa lalaki.

Hindi inaasahan ni Aira ang mga bisita noong hapong iyon. Kabababa lamang niya sa kanyang kotse galing sa bahay ni Harry. Kinailangan niya kasing sipating muli ang bawat sulok ng bahay ng kanyang kliyente upang masigurong tama nga ba ang sukat at kulay ng bawat disenyo at kasangkapang ilalagay doon. At isa pa'y mahalaga sa katulad niyang Interior Designer ang opinyon at kagustuhan ng bawat kliyenteng kumukuha ng kanyang serbisyo.

Mula sa garahe ng mansyon ay tanaw ni Aira ang dalawang pigura ng lalaki na nakatayo sa may gazebo. Magkalapit ang mga ito at mukhang may pinag-uusapan. Hindi na siya nag-atubili pang puntahan ang mga ito.

"Hey! Miss Alvarez," nakangiting bati ni Andrew sa papalapit na si Aira. Nilagpasan niya ang katapat lamang na si Warren at niyakap ang dalaga. Ginantihan naman iyon ni Aira at kaagad ding kumalas sa yakap nito. Friendly gesture na nila iyon kaya't wala iyong malisya para sa kanila.

"Himala! Napadalaw ka?" tanong ni Aira kay Andrew. Biro iyon kung pakikinggan ngunit para kay Aira ay isang katotohanan. Buhat nang lumabas sila kasama ang nililigawan nitong si Ysabel ay ngayon na lamang ito napadpad sa mansyon. Dati rati'y madalas itong dumalaw doon kahit pa noong mga panahong hindi pa ito nagpupunta ng ibang bansa.

Natawa si Andrew sa tinuran ni Aira.

Pilit na ngiti ang isinukli ni Aira sa kaibigan. Ang totoo'y nagtatampo talaga siya sa binata. Kung bakit ba naman kasi nararamdaman niya ang bagay na iyon na hindi naman niya naranasan noon. Ganoon na ata talaga kalakas ang tama ng binata sa kanya. Na kailangan pa niyang umabot sa puntong mainis kay Ysabel na wala namang ginagawang masama sa kanya.

Napatingin si Aira kay Warren. Kaagad ding naglaho ang huwad na ngiting nakaguhit sa kanyang mga labi.

"Anong ginagawa mo rito?" malamig na tanong ni Aira sa nakamasid na binata.

"Dinadalaw ka."

Ito ang pangalawang pagkakataon na pumunta sa mansyon si Warren. Ang una'y ilang araw pagkatapos ng pagkikita nila ng dalaga sa The Queens.

"Wala akong sakit. Ano nga ang kailangan mo?"

"Pinapunta ako ng Lolo mo."

"Si Lolo? Bakit daw?"

Takang ipinukol ni Aira ang kanyang buong atensyon kay Warren. Nais niyang malaman ang dahilan ng pagsadya ng binata sa mansyon. Na kung totoo nga ang sinabi nitong pinapunta nga ito roon, ano ang rason ng kanyang Lolo? Noong unang beses kasi itong pumunta'y nagdahilan siyang may katatagpuing kliyente kahit ang totoo'y wala naman.

Against the Wind [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon