KABANATA VII

538 8 0
                                    

KABANATA VII

Don't waste time on jealousy. Sometimes you're ahead, sometimes you're behind.

-Mary Schmich

_________

ISANG linggo ang matuling lumipas. Katulad ng unang araw ng pagtigil ni Stella sa mansyon ng mga Alvarez ay isang malaking pader pa rin ang nakapagitan sa kanilang dalawa ni Aira. Ganoon na lamang sila kung magpasaring sa isa't isa sa mga oras na sila lamang dalawa ang magkasama.

Nasa kalagitnaan ng pagpapatuyo ng kanyang buhok si Aira nang makarinig siya ng sunud-sunod na katok sa pinto. Marahan niyang inilapag ang hawak na blower sa kanyang makeup table at tinungo ang pintuan. Doon ay nabungaran niya ang isa sa kanilang mga katulong.

"Ano 'yon?" tanong n'ya sa nakaunipormeng katulong. Mahina lamang ang pagkakabanggit niya sa dalawang salitang iyon ngunit hindi lihim sa kanya ang pag-aalinlangan nito. Hindi naman niya ito masisisi dahil sa hindi naman siya nakikipagmabutihan sa mga katulong nila sa mansyon. At isa pa'y kahit hindi niya sinasadya ay talaga namang kababakasan ng katarayan ang tono ng kanyang pananalita.

"Ipinapatawag po kayo ng mommy n'yo. Nandoon na po silang lahat sa dining area," magalang na sagot nito sa kanya.

"Sige," saad ni Aira at isinara na niya ang pinto.

Muli niyang tinungo ang makeup table at ipinagpatuloy ang naudlot na ginagawa kanina. Ilang minuto lang ang lumipas ay nakaayos na siya. Light makeup lang ang ipinahid niya sa malaporselanang mukha upang magkaroon naman ito buhay. Hindi naman kasi siya palabas ng mansyon kaya't talagang namumutla na ang balat niya. Sa madaling salita'y bibihra siyang masinagan ng araw. Ang may kahabaan naman niyang buhok ay hinayaan lamang niyang nakalugay. Bahagya niyang kinulot ang mga dulo no'n na lalong nakadagdag sa taglay niyang kagandahan.

"Pwede na," nasambit ni Aira habang pinagmamasdan ang sariling repleksyon sa malaking salamin ng kanyang walk-in closet.

Isang above the knee royal blue strapless dress na binili pa niya sa Paris noong nakaraang taon ang suot niya. Tinernuhan n'ya iyon ng kulay itim na blazer at 3-inch black stiletto. Simple lang ang gayak niya ngayon ngunit elegante pa ring tignan.

Pagkatapos ayusin ang sarili'y dinampot na ni Aira ang kanyang shoulder bag na naglalaman ng ilang personal na gamit at nagpasya nang bumaba.

"O hija, saan ang punta mo?" bungad sa kanya ni Marco na noo'y kumakain na ng tanghalian kaharap ang asawang si Marianna na katabi naman si Stella. Naroroon din ang matandang Alvarez na sina Lolo Greg at Lola Alicia.

Napahinto na rin sa pagkain ang iba pa at ipinukol ang atensyon nila kay Aira na noo'y nakatayo sa bukana ng dining area.

"May meeting po ako sa isang client dad," simpleng sagot ni Aira sa daddy n'ya.

"Aira, kumain ka na muna. Tikman mo itong niluto ng pinsan mo. Favorite mo ang menudo, di ba?" paanyaya ni Marianna kay Aira.

"Talaga Auntie? Favorite ni Aira ang menudo? Don't worry cous, dadalasan ko pagluluto n'yan," singit ni Stella na ikinakulo ng ulo ni Aira. Hindi kasi nakaligtas sa huli ang halong lambing sa tono ng pinsan na sinabayan pa ng pagyakap sa braso ni Marianna.

Against the Wind [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon