KABANATA XV

394 6 0
                                    

KABANATA XV

Play fair. Don't hit people. Say you're sorry when you hurt sombody. 

-- Robert Fulghum

___________

NAPAPITLAG si Aira nang lumapat sa kanyang kaliwang braso ang isang malambot na unan. Nilingon niya si Warren na kahit nagmamaneho sa paliko-likong daan ng Kennon road ay nagawa pang iabot sa kanya ang unan na iyon. Kanina pa niya iyon napansin sa backseat ngunit hindi nga lang niya pinangahasang hiramin dahil hanggang ngayon ay hiyang-hiya pa rin siya sa kanyang inasal.

"B-Bakit?" mahina ang boses na tanong ni Aira.

"Gamitin mo 'yan. Baka sumakit ang braso mo sa pwesto mo," sagot ni Warren. Saglit niyang sinulyapan ang dalaga at muling itinuon ang pansin sa daan.

Kahit naroroon pa rin ang lamig sa boses nito ay hindi mapigilan ni Aira ang pagsibol ng isang ngiti sa kanyang mga labi. Kaagad niyang niyakap ang ipinahiram na unan at inihilig doon ang ulo upang maikubli ang pagkakangiti.

"T-Thanks."

Hindi niya alam kung bakit pero sa isang iglap ay nawala ang kanina pa niyang iniindang antok. Kung kanina'y isang pitik na lamang ay babagsak na ang mapupungay niyang mga mata, ngayon naman ay gising na gising ang sistema niya. Tila nakasaid siya ng isang puswelo ng matapang na kape.

Paminsan-minsan ay sinisilip niya ang nakasaradong bintana. Wala siyang maaninag sa kadiliman kung hindi ang road signs sa magkabilang panig ng kurbadang kalasada. Ang tanging nasisiguro lamang niya'y sa kaliwa nila ang bangin na kung may liwanag sana'y isang magandang tanawin.

Nang lumaon ay ramdam na nila ang lamig ng simoy ng hangin na pumapasok sa maliit na puwang ng bintanang hinayaang bukas ng binata.

"We're here," sambit ni Warren pagkatapos ng mahigit isang oras pa na biyahe.

Nilingon lamang ni Aira ang binata na ngayon nga'y nakikipag-usap sa isang lalaki sa bintana ng Ford Ranger. Sa palagay niya'y ito ang katiwala sa bahay na nasa kanilang harapan. Hindi nakaligtas sa kanyang mga mata ang walong letrang gawa sa bakal na nakadisenyo sa nakabukas na gate. Madrigal.

"Twelve thirty na pala. Ihahatid na kita sa kwarto mo. Nando'n na rin ang mga gamit mo."

"Nando'n na mga gamit ko?" balik tanong ni Aira sa kakapihit lamang na binata.

Napasimangot na lamang siya nang tuluyan na itong bumaba sa sasakyan nang hindi manlang sinasagot ang kanyang katanungan.

"Sungit!" utas niya nang masigurong nakasarado na nga ang pintong binabaan ni Warren. Iniayos na lamang niya ang iTouch na inilabas kanina at isinuksok iyon sa shoulder bag.

Napahawak ng kanyang dibdib si Aira nang tumunog at biglang magbukas ang pinto sa kanyang kaliwa.

"Kagulat ka naman!" komento niya nang mabungaran ang tila naiinip na si Warren. Ang buong akala niya'y magtutuloy-tuloy na ito sa loob. Ni hindi man lang kasi nito pinansin ang tanong niya bago lumabas.

Against the Wind [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon