KABANATA XIV

412 6 0
                                    

KABANATA XIV

_________

PASADO alas-nueve na nang magsalita si Warren. Ito ang unang beses na babasagin niya ang katahimikang naghari sa loob ng kotse mula noong manahimik sa kanyang kinauupuan si Aira.

"Gusto mong kumain muna? Mahaba pa ang biyahe eh. Saka medyo nangangawit na rin ako."

Bago pa man makasagot si Aira ay naihinto na ni Warren sa tapat ng isang restawran ang sasakyan. Hindi na nakatutol pa ang dalaga nang kaagad di'y nakababa na ang binata upang sana'y pagbuksan siya.

"Tsss." Alertong inalis ni Aira ang pagkakakabit ng seatbelt sa kanyang katawan. Hindi niya hinayaan pagbuksan pa siya ng binata ng pinto. Huling-huli niya ang pagkairita sa mukha ni Warren nang gawin niya iyon.

"Hindi ka ba makapaghintay na pagbuksan ka?" may kalakasang sabi ni Warren sa kanya nang tuluyan na siyang makababa.

"H-Hindi," sarkastikong tugon ni Aira.

"Don't do it again, Aira."

Napalunok si Aira nang marinig ang klase ng tonong ginamit ni Warren. May diin at awtoridad sa boses nito na hindi niya inakalang makakaapekto sa kanya. Para bang isa iyong makapangyarihang pahayag ng isang hari na kailangan sundin, na hindi maaaring suwayin. Kinagat niya ang pang-ibabang labi at wala sa sariling napatitig sa mukha ng binata.

Napansin iyon ni Warren. Nag-iwas siya ng tingin at ipinamulsa ang mga kamay sa pantalon. "Tara na sa loob," aya niya sa dalaga.

Nagpatiuna na ang binata sa pintuan ng restawran nang hindi man lamang kumibo si Aira.

"Ano? Wala ka bang balak pumasok?" tanong ng binata. Ngayo'y mas mababa na ang boses nito.

Tila nagising naman sa pagkakatulala si Aira. Nang tignan niya ang mukhang badtrip na binata'y natagpuan niya itong nasa pintuan na't hindi pa rin inaalis ang pagkakatulak ng isang kamay sa pintong gawa sa salamin. Marahan siyang naglakad papunta sa kinatatayuan ni Warren. Diretso lamang ang tingin niya at mahigpit ang pagkakahawak sa bitbit na purse bag.

Nagulat pa siya nang mas luwagan pa ng binata ang pagkakabukas ng pinto. Sa paraan pa lamang ng pagtitig nito sa kanya'y tila ipinahihiwatig na pumasok na siya. Hindi na siya nagdalawang isip at noon din ay nilagpasan nga ito.

"Thanks," bulong ni Aira. Hindi niya alam kung narinig ba iyon ng binata.

Sa isip-isip niya'y may pagka-gentleman ito kahit kung anu-anong masasakit na salita ang ibinato niya kanina. Iginala niya ang paningin sa loob ng restawran. Sa tantiya niya'y isa itong dating ancestral house na ginawang kainan. Hindi iyon maipagkakaila dahil sa adobeng ginamit bilang haligi nito at ng mga muwebles na yari sa mamahaling narra na halatang ilang dekada na rin ang tanda. Sa kaliwang bahagi nama'y natagpuan ng kanyang mapanuring mga mata ang portrait ng isang matandang babae na nakasuot ng baro't sayang katulad kay Maria Clara. Sa itsura pa lamang ng suot nitong alahas at hawak na pamaypay ay nasisiguro niyang galing ito sa isang makapangyarihang pamilya noong araw.

Against the Wind [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon