ANICKA'S POV
HINDI siya makapaniwala na ito ang Tyron na minahal niya, at patuloy na minamahal.
Kanina, ay desidido na siyang ayaw niya na muna itong maka-usap. Masyado pa siyang emosyonal, at hindi iyon makatutulong sa kanya. Ngunit nang masiguro niyang hindi ito aalis doon nang hindi siya nakaka-usap, at pakiramdam niya, habang hawak niya ang pera nito ay may obligasyon talaga siya rito, ay ipinasya niyang tapusin na ngayong gabi ang kung anumang nag-uugnay sa kanila.
Ngunit hindi pala magiging ganoon kadali iyon. Hindi niya pala ito basta matatakasan.
"Iiwan kita ngayon para mag-isip, Anicka. Pag-isipan mo ang mga sinabi ko." iyon lang ay tumayo na ito at walang lingong tinungo ang pintuan.
Naiwan siyang nakatulala sa bag nitong naglalaman ng pera.
Kaya ba niyang isakripisyo ang sarili para sa mga kasamahan?
Alam niya ang mga suliranin ng mga kasamahan niyang binanggit nito. Kaya nga laking tuwa ng mga ito nang magbago ang may-ari at madagdagan ang sahod na tinatanggap nila, pati na rin ang mga benipisyo.
Ngunit paano naman siya?
Paano niya pakikitunguhan ang tatlong buwang iyon sa piling ni Tyron?
Habang dumadaan ang mga araw na kasama niya ito, pakiramdam niya ay lalo niya itong minamahal.
Kaya niya pa ba?
Pabuntong-hiningang tumayo siya at lumakad paakyat ng hagdan, patungo sa silid niya. Agad siyang namaluktot ng higa sa ibabaw ng kama.
Ang daming gumugulo sa isip niya.
Bandang huli ay naisip niyang ituloy na lamang ang kasunduan.
Bahala na.
Titiisin na lamang niya ang sakit. Mas hindi maaatim ng konsensya niyang mawalan ng hanapbuhay ang mga kasama, nang dahil sa kanya.
Kung tutuusin ay kasalanan niya naman talaga ito. Siya naman talaga ang lumapit dito. Maaari niyang tinanggap na lamang sana ang tulong na iniaalok ni Albert sa una pa lang, disin sana ay wala siya sa sitwasyon niya ngayon.
Ngunit mas pinanaig niya ang pagmamahal niya kay Tyron, kaysa sa matinong kaisipan.
Hindi kailangang may madamay pa sa kagagahan niya. Mabilis lamang naman ang tatlong buwan. Pagkalipas ng tatlong buwan ay malaya na siya.
Nakatulugan na niya ang pag-iisip.
TYRON'S POV
NANGUNOT ang noo niya nang pagdating niya sa bahay ni Anicka ay may nakaparadang itim na sasakyan sa harap ng gate. Agad siyang bumaba ng sasakyan at deretsong pumasok sa bahagyang nakabukas na gate. Nakita niyang nakabukas din ang pinto ng mansyon. Tila iniwan talaga iyong nakabukas.
Lalong lumalim ang kuryosidad niya kung sino ang bisita ni Anicka.
Nang makalapit siya sa pinto ay may naririnig siyang mga tinig. Ang isa ay agad niyang nakilalang kay Anicka, ngunit ang boses ng lalaki ay hindi pamilyar sa kanya. Lumapit pa siya ng kaunti at lalong luminaw ang usapan.
"At kaninong Poncio Pilato mo naman nakuha ang ganyang kalaking halaga, Anicka? Malibang ibinenta mo ang sarili mo sa isang mayaman, wala akong maisip na pagkukunan mo ng ganyang kalaking halaga." narinig niya sabi ng boses ng lalaki.
"Hindi n'yo na po problema iyon. Ang importante ay nariyan na ang pera n'yo, walang labis, walang kulang." matatag ang tinig na sabi naman ni Anicka.
Noon niya napag-pasyahang pumasok. Nakita niyang kausap ni Anicka ang isang lalaking nakasuot ng amerikana. Nasa gitna ng lamesita ang bag na naglalaman ng pera, na ibinayad niya kay Anicka. Base sa narinig niyang usapan, ay tila alam na niya kung ano ang nangyayari.
Kapwa nagulat ang dalawa nang makita siya. Nakita niyang naging malikot ang mga mata ni Anicka.
"Hindi mo ba ako ipakikilala sa bisita mo?" tanong niyang sa lalaki nakatingin habang lumalapit kay Anicka. Agad niya itong hinapit sa baywang nang makalapit siya.
"Hindi na kailangan, paalis na talaga siya." pormal na sabi nito na tiningnan ang lalaki.
Ngunit hindi nito pinansin si Anicka at nakangising inilahad ang kamay. "Alex Montelibano,"
Tinitigan niya lamang ang kamay nito at bumaling kay Anicka. Nagkibit lamang ito ng balikat at tila walang pagkapahiyang ibinaba ang kamay.
"Kung hindi ako nagkakamali, sa iyo nakuha ni Anicka ang malaking halagang iyan?" nakangisi pa ring tanong nito.
"Oo. Ako ang kasintahan ni Anicka at sa akin nga nanggaling ang perang iyan." tiim-bagang na sabi niyang nakipag-sukatan ng tingin dito. "Yaman din lamang at bayad ka na, sa tingin ko ay wala na tayong dapat pang pag-usapan. Makakaalis ka na." malamig niyang sabi.
Sandali pa muna silang nagsukatan ng tingin bago ito nagkibit ng balikat at dinampot ang bag sa lamesita.
"Maswerte ka, hija, at mukhang malaki ang pagkagusto sa iyo ng binatang ito, para bigyan ka ng ganito kalaking halaga. Sayang, akala ko pa naman..." sadya nitong ibinitin ang sinasabi at hinagod si Anicka ng malisyosong tingin bago tumigil sa braso niyang nakapulupot sa baywang ni Anicka.
BINABASA MO ANG
Your Love is my Revenge (Completed)
Ficción General"I want to sell my body to you." sabi ni Anicka na deretsong nakatingin sa mga mata ni Tyron. "What?! Why me?" kunot-noong sabi nito. "Dahil sa iyo ako may malaking kasalanan. So you could have your revenge, and move on." matatag pa rin niyang sagot...