Chapter 16.1

25.8K 525 6
                                        




ISANG linggo nang hindi nagpapakita si Tyron kay Anicka. Mula ng araw na iyon, na wala sa loob na nasabi niyang mahal niya ito, ay hindi na siya mapakali.

Nakita niya ang pagkagulat sa mga mata  nito sa sinabi niya. Hindi na lamang siya muling kumibo at wala sa sariling nagbihis na, at nagpasyang umalis. Ngunit bago siya lumabas ng pintuan ay iniwan niya ito ng isang mariing halik sa labi at marahang halik sa noo. Tila nakapaloob sa mga halik na iyon ang lahat ng gusto niyang sabibin, ngunit hindi niya alam kung papaano. Tahimik naman nitong tinanggap iyon at matamang nakatigin lang sa kanya.

Aaminin niyang naduduwag siya. Naduduwag siyang aminin sa sarili na makalipas ang maraming taon, ay hindi pa rin nagbabago, o, hindi man lamang nabawasan ang pagmamahal niya para dito.

Siya pa rin ang dating Tyron, na abot hanggang langit ang pagmamahal dito.

Ngunit paano kung katulad noon, ay masaktan na naman siya?

Paano kung ginagawa lamang nito ang mga bagay na iyon upang magbayad ng kasalanan, katulad ng sinabi nito?

O, nang dahil sa binili niya ito?

Makakaya pa ba niyang sa ikalawang pagkakataon ay umasa na naman at masaktan?

Ipinasya niyang hindi na muna magpakita rito upang limiin ang nararamdaman. Maaaring masyado lamang siyang nadadala ng makamundong pagnanasa niya para dito.

Makita pa lamang niya ito ay gusto na niya itong ikulong sa mga bisig niya at halikan, hanggang kapwa na sila maubusan ng hininga.

Nasa ganoon siyang pag-iisip nang dumating si Rachel.

"Hi, babe. Kanina pa kita hinahanap."

Napabuntong-hininga na lamang siya at lumakad patungo sa mini bar sa sulok at nagsalin ng alak. Isang mabilis na lagok ang ginawa niya at muli na namang nagsalin ng panibago. Naramdaman niyang pumulupot ang mga braso ni Rachel sa baywang niya, mula sa likuran.

"Babe, malapit na akong umalis. Two weeks lang ang ibinigay ni Dad na bakasyon sa akin. Don't you really wanna come with me?"anito at malambing na inihilig pa ang ulo sa likod niya at lalong idinikit ang dibdib sa kanya.

Ewan niya kung dahil lang sa nainom, o, dahil sa isang linggo na siyang walang babae ay nakaramdam siya ng init ng katawan.

Ahh... maaaring init nga lamang ng katawan ang nararamdaman niya para kay Anicka. Kapag napatunayan niya iyon ay agad siyang sasama kay Rachel pabalik ng New York, at kalilimutan na lamang ang lahat ng tungkol kay Anicka.

At least, kay Rachel, alam niya kung ano lang ang gusto niya. Hindi komplikado ang mga bagay-bagay, hindi katulad kay Anicka.

Inisang lagok niyang muli ang laman ng baso, bago ibinaba iyon sa bar counter at mabilis na humarap dito. Agresibo niyang sinakop ang nabiglang mga labi nito.

Nanlaki ang mga mata nito sa gulat. Ngunit sandali lamang iyon. Naramdaman niya ang pagngiti nito sa mga labi niya, bago gumanti ng ganoon ding intensidad na halik. Agad na umakyat ang mga braso nito sa batok niya at lalo pang idiniin ang pagkakahugpong ng kanilang mga labi. Nang kinakapos na siya ng hininga, ay sandali niya munang binitiwan ito upang sumagap lamang ng hangin at muli ring sinibasib ito ng nagbabagang halik, na buong puso naman nitong tinanggap at tinumbasan. Maya-maya pa ay naramdaman niyang itinataas na nito ang suot niyang tshirt, itinaas niya naman ang dalawang kamay at nag-paubaya. Nang maalis ang pang-itaas niya ay agad na naglikot ang mga kamay nito sa katawan niya. Humahagod, dumadama... pumipisil. Hindi tumatagal sa iisang lugar.

Mariin ang pagkakapikit niya. Pilit na kinakapa ang sensasyong nararamdaman niya kapag si Anicka ang kanyang katalik. Pilit niyang hinahanap ang masarap na kilabot na nadarama, tinititigan pa lamang niya ang hubad nitong katawan.

Ngunit halos magmaka-awa na si Rachel upang isakatuparan niya ang pag-angkin dito ay wala pa rin siyang maramdaman. Sa una lamang ang init na naramdaman niya. At iyon ang tinatawag niyang init ng katawan.

Nang pumasok ang imahe ni Anicka sa isip niya ay tila binuhusan ng malamig na tubig ang lahat ng apoy na pilit nitong nilikha, kani-kanina lang.

Hindi niya namalayan kung papaanong nakahiga na siya sa couch, at naka-ibabaw na ito sa kanya.

Akmang itutulak niya ito nang mula sa gilid ng mga mata niya ay may mapansin siyang nakatayo sa pinto. Nanlaki ang mga matang mabilis niyang itinulak si Rachel na muntik pa nitong ikahulog sa couch at dali-daling tumayo. Inikot niya ang mga mata upang mahanap kung saan inihagis ni Rachel ang t-shirt niya. Nang matanawan ay agad niya iyong dinampot at nagkukumahog na isinuot.

Tumikhim muna ito bago nagsalita. "S-sir, m-may... dala po a-akong mga papel na kailangan n'yong pirmahan, para makapag-withdraw ng pera, pambayad sa mga delivery ng mga bagong school supplies na darating para bukas." anitong tila may bikig sa lalamunan habang nagsasalita. Iniiwasan din nitong salubungin ang mga mata niya.

"M-mahal... I can--"

"Pirmahan n'yo na po, Sir, at kailangan ko pa pong humabol sa bangko dahil maaga po ang dating ng mga delivery bukas, kaya kailangang ngayon pa lang maihanda ko na ang pera." putol nito sa sasabihin niya at iniabot ang hawak na folder ngunit sa baba pa rin nakatingin.

Pabuntong-hiningang inabot niya ang folder at dinala sa malapit na lamesita at pinirmahan. Ni hindi niya na binasa pa ang nilalaman niyon. Pagkatapos ay muli siyang lumapit dito at muling iniabot ang folder.

"S-sige po, Sir, salamat. Aalis na po ako." iyon lang at mabilis na itong tumalikod.

Ngunit bago pa man ito makahakbang ay hinawakan na niya ang braso nito.

"Aayusin ko lang 'to, pupuntahan kita sa bahay mo mamayang gabi, we'll talk." akmang hahatakin niya ito palapit sa kanya upang halikan sa noo nang itukod nito ang kamay sa dibdib niya at marahan siyang itulak palayo.

Mahinang tango lang ang isinagot nito, mariing hinatak ang brasong hawak pa rin niya at tuluyan nang umalis.

Nanlulumong bumalik siya sa sala. Naroon pa rin si Rachel at tahimik na nakamata sa kanya. Maya-maya ay tumayo ito at lumapit sa kanya.

Your Love is my Revenge (Completed)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon