[Kabanata 5]
"FELICES Fiestas mis amigos" (Happy Fiesta my friends) bati ni Don Mariano Alfonso saka itinaas ang wine glass na hawak niya.
"Tayo'y magsimula nang kumain" patuloy niya habang nakangiti. Naupo sa tabi niya ang kaniyang pamilya. Nagulat ako nang umupo si Juanito sa tapat ko. Napatingin muna siya sa'kin bago siya nagsimula kumain.
Naalala ko tuloy ang mga nakakahiya at pinagbabawal na gawin ng babae sa lalaki na ginawa ko sa kaniya noong unang gabi na nagkita kami. Naalala pa rin kaya niya? Dapat ba ko mag-sorry? No way.
Hindi ko alam pero parang naiilang ako sa kaniya. Mas presentable ang hitsura at porma niya ngayon. Bakas na bakas sa kaniya ang isang disenteng anak ng kilala at mayamang pamilya.
"Carmelita, ang iyong pagkain ay..." bulong ni Josefina na nakaupo sa kanan ko. Huli na nang mapansin ko na nahulog sa plato kong adobo at namantsahan ang puting sapin ng mesa.
Pa-simple kong hinulog sa sahig ang isang pirasong karne ng adobo at ipinatong ko ang aking plato sa bahagi ng mantsa para kahit papaano ay matakpan ito. Nagulat naman si Joesfina sa ginawa ko, nginitian ko na lang siya.
Ilang saglit lang, naramdaman ko na may gumagalaw sa ilalim ng mesa at may tumama sa binti ko. Yumuko ako upang silipin ang ilalim ng mesa at laking gulat ko nang makita ang puting aso ni Juanito, si Sampaguita!
Agad akong napatayo sa gulat dahilan para matamaan ko ang mesa at maalog ito. Nahulog sa sahig at plato at baso ko. Napatigil din ang lahat at napatingin sa akin. Tumigil din sa pagtugtog ang orkestra.
"Carmelita anak, anong nangyari?" narinig kong tanong ng lalaking may bigote, naalala ko na siya pala si Don Alejandro na tatay ni Carmelita. Agad tumayo si Doña Soledad at inalalayan ako. Pinagpagan niya ang damit at kamay ko, "Ikaw ay kumilos nang marahan, Carmelita" paalala niya.
Dumating na ang ilang kasambahay at nilinis ang nabasag na plato at baso sa sahig. "Hija, ikaw ba ay nasugatan?" tanong ni Don Mariano. Napalunok na lang ako sa kaba, nakatingin pa rin silang lahat sa akin at sobrang tahimik.
Napatikhim ako, ituturo ko sana ang ilalim ng mesa kung saan nagtatago ang aso ni Juanito pero nahagip ng mata ko ang likod ni Juanito na dahan-dahang naglalakad sa gilid hila-hila ang aso niya upang itakas ito.
Gusto kong isumbong si Juanito pero nakatakas na siya. Muli akong tumingin sa kanila lalo na gobernadorcillo. Tumingin ako kay Madre Olivia na tahimik lang na nakaupo sa aking, wala siyang reaksyon. Gusto ko siyang kalabatin baka-sakaling tulungan niya ako makaisip ng paraan paano lulusutan ang nakakahiyang sitwasyon na ito.
"Don Mariano. May mga bakas po ng paa ng aso sa sahig" sabi ng isang kasambahay na naglinis ng nabasag na plato at baso. Napahawak na lang sa noo si Don Mariano, "Juanito!" sigaw niya, agad namang tumayo ang babaeng nasa tabi niya na sa tingin ko ay asawa niya. Sumenyas ito sa orkestra na muling tumugtog ng musika.
"Kapitan Corpuz. Iyong hanapin si Juanito" utos ni Don Mariano sa isang lalaki na matangkad, malaki ang tiyan at may bigote na halos ka-edad niya rin.
"Sir...Ah! Eh, Don Marino... Ah! Mariano, may langgam po kasing kumagat sa paa ko kaya napasigaw ako" palusot ko, kahit papaano ay natakot din ako sa reaksyon niya lalo na nang isigaw niya ang pangalan ni Juanito sa harap ng maraming tao. Strict pala ang parents ni Juanito.
"Ngunit paano nangyaring may bakas ng paa ng aso..." hindi na natapos pa ni Don Mariano ang sasabihin niya dahil agad nagsalita ang babaeng nasa tabi niya. "Mariano, iyong narinig ang sinabi ni Binibining Carmelita, huwag mo na sana pagdudahan pa ang kaniyang tugon" wika ng babae saka ngumiti sa akin. Kung hindi ako nagkakamali ay baka siya ang nanay nila Juanito na si Doña Juanita Alfonso.
BINABASA MO ANG
I Love You since 1892 (Published by ABS-CBN Books)
Historical FictionSi Carmelita Montecarlos ay ang bunsong anak ng pinakamayamang angkan sa San Alfonso. Habang si Juanito Alfonso naman ay ang anak ng pinakamaimpluwensiya at makapangyarihang gobernadorcillo. Itinadhana silang mag-ibigan na pinagtibay ng kasunduan. N...