Kabanata 13

2.2M 55.8K 90.5K
                                    

[Kabanata 13]

PARANG biglang napawi ang lahat ng stress ko dahil sobrang ganda ng paligid. Naglakad-lakad kami ni Leandro sa lupain ng mga rosas.

Tiningnan ko si Leandro na deretso ang tingin sa daan. Napaisip tuloy ako, kahit papaano ang suwerte pala ni Carmelita dahil may lalaking sobrang mahal na mahal siya. Pero bakit kaya mas pinili pa rin niya si Juanito?

Napansin kong umaliwalas na ngayon ang mukha ni Leandro kumpara noong mga nakaraang araw. Mas pogi rin siya kapag nakangiti. Nangingibabaw sa pamilya Flores ang dugong Kastila nila. 

Nagulat ako nang pa-simpleng hahawakan sana ni Leandro ang kamay ko. Napatigil siya nang ilayo ko ang kamay ko, "P-patawad. Akala ko ay..." hindi na niya itinuloy ang sasabihin niya. Akala niya siguro dahil pinatawad ko na siya ay sila na ulit ni Carmelita. 

Hindi puwede! Hindi ibig sabihin pinatawad ko siya on behalf of Carmelita, pati ako masasali sa love story nila! 

Hindi ko naisip na lalo palang aasa 'tong si Leandro. Wala rin akong magagawa, pansamantalang Carmelita ako ngayon. Napatigil ako nang maisip ko na kung magtatagumpay ako sa misyon ko, hindi ko na sila poproblemahin pa kasi makakabalik na ako sa panahon ko. Tama! Think positive, Carmela! You can do this!

Magkakaroon ng happy ending sina Juanito at Helena. At may bonus pa, may happy ending din sina Carmelita at Leandro. Everybody happy!

"Ayos lang. Pero Leandro, ayoko na sana ng gulo. Magagalit sina ama at ina kapag nalaman nilang nakikipagkita ako sa ibang lalaki, kaya..." hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil tumigil siya sa paglalakad at nagsalita.

"Malapit ang ating mga pamilya sa isa't isa. Hanggang ngayon ay nalalaman nilang matagal na tayong magkaibigan. Aking hihingiin sana ang iyong kamay mo sa iyong mga magulang ngunit ikaw ay napoot sa akin nang iyong malaman na ako'y lilisan." 

Napahawak ako sa aking batok. Grabe! Kung hindi lang siguro nag-inarte si Carmelita, sana sila pa rin ngayon ni Leandro. Hindi na masasali pa sa eksena si Juanito at hindi sila mamamatay. Higit sa lahat, hindi rin sana ako nadamay at napunta pa sa panahong 'to. 

"Ngunit huwag kang mag-alala, aking gagawin ang lahat upang tayo ay magkabalikan." Patuloy niya pa dahilan para maging awkward na naman. Ngumiti na lang ako na parang napipilitan.

Bakit ba direct to the point magtapat ng pag-ibig ang mga tao sa panahong 'to? Sabagay, mas better naman iyon kaysa sa pabebe pero ang awkward talaga.

Pumitas ng isang white rose si Leandro. Tinanggalan niya iyon ng tinik at iniabot sa akin. "S-salamat" iyon na lang ang sinabi ko, ngumiti naman siya. Nagpatuloy kami sa paglalakad. 

"Kung hindi ka napoot sa akin bago ako lumisan ay balak ko sanang padalhan ka ng puting rosas araw-araw." Sabi pa niya. Napakunot ang noo ko. Imposible namang makapagpadala ng flowers araw-araw. 

Napatigil ako nang marealize ko na, mahilig pala sa white roses si Carmelita!

Tumingin ako kay Leandro saka napangisi. Mukhang alam ko na kung paano ko malalaman ang mga hilig at buhay ni Carmelita. Napatikhim ako saka pinaganda ko ang boses ko na parang nakikipagkaibigan sa kaniya.

"Uh... Leandro, kilalang-kilala mo ba talaga ako?" tanong ko dahilan para mapangiti siya. Sa isip niya siguro nagiging clingy na ulit si Carmelita. 

"Oo naman mahal... Carmelita. Sabi nga nila, kapag mahal mo ang isang tao ay iyong nababatid ang karamihan ng mahahalagang bagay tungkol sa kaniya." Pagmamalaki niya. May pa-quote pa siyang nalalaman. 

"Sige nga... Anong paborito kong ulam?"

"Pinakbet." Sagot niya. Seryoso? Hindi nga ako kumakain ng gulay e. Vegetarian ata si Carmelita.

I Love You since 1892 (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon