[Kabanata 28]
October na, dalawang linggo na rin ang lumipas mula nang ipatapon sa malayong lugar ang pamilya Alfonso. Ramdam sa buong bayan ang labis na kalungkutan sa sinapit ng pinakamabuting gobernador na nagsilbi sa bayan ng San Alfonso. Wala na ang sigla ng palengke, plaza at mga pasyalan, halos lahat ay apektado sa pagkawala ni Don Mariano at ng kaniyang pamilya.
"Magandang umaga sa inyong lahat... Ako'y nagagalak dahil narito kayo upang tunghayan ang inagurasyon ng magiging bagong Gobernador ng San Alfonso na si Kapitan Vicente Flores na ngayon ay tatawagin bilang Gobernador Flores" panimula ni hukom Fernandez, dumayo pa siya dito sa San Alfonso para basahin ang kautusan ng gobernador-heneral na ma-promote si Kapitan Flores.
Nandito kami ngayon sa labas sa tapat ng munisipyo ng San Alfonso, may entablado sa gitna at naroon sa itaas sila Kapitan Flores, hukom Valenciano, hukom Fernandez at iba pang opisyal mula sa kalapit bayan ng San Alfonso.
"Sa ilalim ng kautusan ng ating minamahal at kagalang-galang na gobernador-heneral na representante ng Imperyong Espanya ay mula sa araw na ito, Oktubre 14, 1891, ang bagong tagapamahala ng San Alfonso ay si Gobernador Vicente Flores" patuloy niya pa, at nagpalakpakan naman ang mga tao habang nag-shashake hands si hukom Fernandez at Kapitan Flores.
"Maraming Salamat sa mainit niyong pagtanggap...." Panimula ni Kapitan Flores. Habang nakangiti ng todo. "Alam naman natin ang masaklap na nangyari sa aking matalik na kaibigan na si Don Mariano Alfonso at sa kaniyang pamilya, ngunit huwag kayong mag-alala nais kong ipagpatuloy ang hangarin at layunin ng mga Alfonso na matagal nang namuno sa ating bayan" patuloy pa niya. Napatingin naman ako kay ama, wala namang reaction ang mukha niya. samantalang halata namang nangangamba at nalulungkot si ina. Nasa tabi ko rin ngayon si Maria at Josefina. At bakas din sa itsura nila na hindi sila masaya na si Kapitan Flores ang magiging bagong gobernador ng San Alfonso.
"Sisimulan ko ang aking magandang layunin sa pagtatag ng mga bagong opisyal na aking pinapagkatiwalaan upang masiguro na tapat at umaayon din sila sa aking prinsipyo" dagdag pa ni Kapitan Flores at naglakad-lakad siya sa gitna ng entablado.
"Nais kong italaga si Heneral Seleno Silvacion bilang punong heneral ng hukbong pangkapayaapan at pinuno ng mga guardia civil ng San Alfonso" patuloy niya, nagkatinginan naman kami nila Maria at Josefina. Alam kong nararamdaman na nila na mukhang hindi magiging maganda ang mga susunod na mangyayari.
Nagpalakpakan naman ang mga tao habang umaakyat si Heneral Seleno sa entablado at nag-shake hands sila ni Kapitan Flores. Sa sobrang ngiti ni Heneral Seleno ang sarap punitin ng mukha niya.
"Nais kong batiin si hukom Hilario Valenciano dahil siya ay makakasama na ngayon sa mga punong hukom na namumuno sa Real Audencia ng Maynila. Magiging katuwang at kanang kamay siya ni hukom Fernandez" saad pa ni Kapitan Flores, naglakad naman papalapit si hukom Valenciano at nag-shake hands silang tatlo.
So ibig sabihin bakante ngayon ang pusisyon kung sino ang magiging hukom ng San Alfonso?
"At ngayon nais kong masaya nating salubungin ang magiging bagong hukom ng San Alfonso na si... Ginoong Maximo Rosalejos" tugon pa ni Kapitan Flores. Napahawak ako kay Maria at Josefina. Bakit ganun? Bakit parang pakiramdam ko may mali sa mga pangyayari ngayon?
BINABASA MO ANG
I Love You since 1892 (Published by ABS-CBN Books)
Historical FictionSi Carmelita Montecarlos ay ang bunsong anak ng pinakamayamang angkan sa San Alfonso. Habang si Juanito Alfonso naman ay ang anak ng pinakamaimpluwensiya at makapangyarihang gobernadorcillo. Itinadhana silang mag-ibigan na pinagtibay ng kasunduan. N...