[Kabanata 42]
Etoy Aqui (I Am Here)
Hindi ko na mapigilan ang panginginig ng buong katawan ko. Gulat akong nakatitig ngayon sa harapan ng salamin habang ang mga salitang iyon ay patuloy na naghahatid ng takot sa aking puso't-isipan.
Kailanman ay hindi ako natutong makaintindi ng wikang Kastila. Ngunit sa pagkakataong ito kahit ang sarili ko ay hindi ko na makontrol.
Dahan-dahan akong napatingin sa aking mga kamay na ngayon ay may mga sugat at tusok ng karayom. Ika-2 na ng Pebrero ngayon, tatlong araw ang lumipas nang hindi ko man lang namalayan. Nagulat ako nang biglang may humawak sa braso ko dahilan para mapaatras ako "Binibini? Ayos lang po ba kayo? Nito kasing mga nakaraang araw hindi niyo ako kinakausap, nagulat nga po ako noong paggising niyo noong isang araw ay hindi niyo po ako kilala" malungkot na sabi ni Belinda at napayuko siya.
Tama! Si Theresita ang huling naging tagapagsilbi ni Carmelita, noong isang linggo lang nagtrabaho dito si Belinda kung kaya't hindi siya kilala ni Carmelita.
"A-ano bang nangyari sa akin p-pagkatapos natin manood ng selebrasyon ng Bagong Taon ng mga Intsik?" maging ang mga lalamunan ko ay halos matuyo na rin ngayon dahil sa kaba. Napatingin naman sa akin si Belinda at parang nagtataka yung itsura niya.
"Po? Hindi niyo na po maalala Binibini? Napagalitan nga po ako at ang mga guardia personal na kasama natin dahil nahimatay po kayo sa gitna ng selebrasyon" sagot ni Belinda. Bigla kong naalala yung gabing iyon, kinalabit ako ni Maria at tinuro niya si Juanito na nandoon din sa selebrasyon, nagkatinginan kami ni Juanito at ngumiti siya sa akin pero hindi niya magawang makalapit sa amin dahil kasama namin si Belinda at ang mga guardia personal. Pero ilang sandali lang, bigla akong nahilo at pumasok ang alaala ni Carmelita sa isipan ko.
"Kung kaya't mukhang mahihirapan na po tayong magpaalam muli kay Don Alejandro dahil nag-alala po talaga siya ng sobra" sagot ni Belinda. Hindi maaari!
Posible kayang nakausap na ni Carmelita si Don Alejandro?
Agad akong napahawak sa braso ni Belinda "A-ano pang nangyari? Ikwento mo ang lahat sa akin" utos ko sa kaniya dahilan para mas lalong magtaka yung itsura niya.
"Masama pa rin po ba ang pakiramdam niyo Binibini? Mas mabuti po kung magpahinga----" hindi na niya natapos yung sasabihin niya kasi bigla akong nagsalita.
"A-ayos lang ako... sabihin mo sa akin ngayon kung anong mga nangyari matapos akong mawalan ng malay sa selebrasyon" pakiusap ko pa sa kaniya. Magsasalita na sana siya kaya lang biglang dumating si Maria at may dala-dala itong tsaa.
"Oh! Gising ka na pala Carmelita, Heto nagdala ako ng tsaa upang mas lalo kang ganahan sa iyong pagbuburda" nakangiting tugon ni Maria at inilapag niya yung tsaa sa mesa ko. "Belinda, tulungan mo muna ang iba sa kusina, hindi pa rin sila tapos ngayon sa paghuhugas ng mga pinagkainan" tugon ni Maria kay Belinda, agad naman itong nag-bow at umalis na.
Napatingin ako sa labas ng bintana, sobrang dilim sa labas kahit pa kabilugan ng buwan ngayon. "Carmelita, natutuwa akong makita na nagbabalik na muli ang hilig mo sa pagtatahi" nakangiting tugon ni Maria at lumapit siya sa akin. Gulat akong napatingin sa kaniya, ibig sabihin nakausap at nameet na niya ulit ang totoong kapatid niya.
"Alam kong gabi na at dapat ka ng matulog ngunit kailangan kitang makausap, naalala ko kasi ang sinabi mo sa akin kagabi na hindi mo hahayaang magtagumpay ang taong sumira sa ating pamilya" tugon ni Maria at parang biglang tumigil ang pagikot ng mundo ko dahil sa narinig ko.
Ano? Hindi hahayaan ni Carmelita magtagumpay ang taong sumira sa kanilang pamilya?!
Ako ba ang tinutukoy niyang sumira sa kanilang pamilya?
BINABASA MO ANG
I Love You since 1892 (Published by ABS-CBN Books)
Fiksi SejarahSi Carmelita Montecarlos ay ang bunsong anak ng pinakamayamang angkan sa San Alfonso. Habang si Juanito Alfonso naman ay ang anak ng pinakamaimpluwensiya at makapangyarihang gobernadorcillo. Itinadhana silang mag-ibigan na pinagtibay ng kasunduan. N...