Kabanata 10

2.4M 56.8K 64.4K
                                    

[Kabanata 10]

NATAUHAN ako nang itapat ni Juanito ang kamay niya sa tapat ng mata ko na para bang ginigising niya ako sa pagkatulala. "Carmelita... Ikaw ba ay ayos lang?" tanong niya, napakurap ako. "Ako'y nagbibiro lamang." Patuloy niya na parang sinampal ako ng katotohanan pabalik sa reyalidad. 

Napatikhim ako, binitiwan na ni juanito ang kamay ko saka siya lumingon sa paligid. Narealize niya siguro na hindi niya dapat ginawa iyon. Gusto ko siya sabunutan dahil sa ginawa niyang pagpapakaba sa'kin. May araw din ang mokong na 'to.

"Sandali lang. Hintayin mo ako rito. Huwag kang aalis." Agad siyang sumunod kay ina. Napatingin ako sa kaliwa't kanan. Mukhang wala namang nakakita sa 'min. 

Ilang sandali pa ay patuloy kong pinagmasdan ang nangyayari sa paligid. Walang sinuman ang may ideya na hindi ako tagarito. Kung iisipin, kahit pa lumang panahon ito bakas pa rin sa mga Pilipino ang pagiging masiyahin. Binabati nila ang isa't isa, halos kilala nila ang bawat isa. Bigla tuloy akong napaisip, bakit ba hindi ko 'to napapansin dati? Bakit hindi man lang ako napadpad sa palengke para makita kung gaano ka-simple at kasaya ang buhay ng mga tao.

Natanaw ko na si Juanito papalapit, nakangiti siya habang mabilis na naglalakad. "Binibini, saan mo nais magtungo?" hinihingal niyang tanong pero nakangiti pa rin siya.

"Ha? Paano si ina? Hindi ba sabi niya..." hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita agad si Juanito. "Pinaalam na kita kay ina, pumayag siya na ipasyal kita rito, ako na rin ang maghahatid sa iyo pauwi." Sagot niya dahilan para matulala ulit ako. Mag-dadate ba kami?

"Sabihin mo lang sa akin kung saan mo nais magtungo. Ako ang bahala sa 'yo." Ngiti niya. Agad akong umiwas ng tingin. Bumibilis na naman ang tibok ng puso ko. Huwag kang magpapadala sa mga ngiti at sinasabi niya. Masyado lang siyang mabait at friendly. Uso rin ang matatamis na pananalita sa panahong 'to!

Sa huli, namalayan ko na lang na naglalakad na kami sa gitnang kalsada. Maraming nakakakilala kay Juanito, binabati rin siya ng lahat. Ngumingiti at bumabati rin si Juanito pabalik sa kanila. Mukhang famous siya rito. 

"Nais mo bang tumingin doon?" tanong niya sabay turo sa kanan. May isang store na puro mga baro't saya, palamuti, pampaganda at mga alahas ang tinda. Tumango ako at napanganga sa ganda ng mga bagay na naroon. 

"Pumili ka lang ng iyong maiibigan," patuloy niya, napatingin ako sa kaniya. Aba! galante pala si Juanito. "Ano bang kalimitang bagay ang naiibigan ng mga kababaihan?"

Inilapag ko na muna ang mga pampaganda at alahas na hawak ko saka hinarap ko siya. "Para kay Helena?" tanong ko sabay ngisi, ako naman ngayon ang mang-aasar sa kaniya. Napakamot siya sa ulo saka nahihiyang tumango. "Nako! Nahiya ka pa!" Nakakatuwa palang asarin si Juanito.

"Mahilig sa bulaklak si Helena. Pulang rosas ang paborito niya. Mahilig din siya magbasa, magluto, magburda, at sumayaw ng Cariñosa." Buti na lang na-interview ko na si Helena noong isang gabi, kung hindi, nganga na naman ako ngayon.

"Kagiliw-giliw talaga siyang binibini." Saad ni Juanito saka napangiti sa sarili. "Sa iyong palagay ba ay maiibigan niya ito?" tanong niya sabay abot sa'kin ng kuwintas na hugis puso at kulay ginto.

"S-seryoso ka?" Hindi ko namalayan na nakanganga na pala ako. Totoong ginto 'to, ang yaman pala talaga ng mga Alfonso!

"Nagmula pa ito sa aking lola. Ibinilin niya sa akin na ibigay ko raw ang kuwintas na ito sa babaeng handa kong ibigay angaking  puso nang walang pag-aalinlangan." Paliwanag niya. Tumango ako ng ilang ulit habang nagsasalita siya. Hindi pa rin maalis ang tingin ko sa kuwintas. Kung nakawin ko kaya 'yon at kapag nakabalik ako sa sa panahon ko, magkano ko kaya mabebenta?

I Love You since 1892 (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon