Kabanata 40

1.9M 45.7K 92.8K
                                    



[Kabanata 40]


"B-binibini... Ipinaaabot po ni Esmeralda ang bagay na ito sa inyo" narinig kong tugon nung isang babae na mukhang magiging bagong tagapagsilbi ko. maliit, payat, bilugan ang mukha at kayumanggi ang kaniyang balat. Nakayuko siya sa'kin ngayon at mukhang kinakabahan siya. "K-kung may kailangan pa po kayo, nandito lang po ako sa labas ng kwarto niyo" paalam niya pa, inilapag na niya yung maliit na kahon sa tapat ng pinto ko at isinara na agad nung dalawang guardia personal yung pinto ng kwarto ko.

Bantay sarado ako ngayon, nagdagdag pa si Don Alejandro ng madaming mga guardia personal sa hacienda Montecarlos at pati ang kwarto ko ay binabantayan na rin ngayon ng mahigpit. Nakatulala lang ako ngayon sa tapat ng bintana ko at kanina ko pa pinagmamasdan ang malaking gate ng hacienda Montecarlos sa di-kalayuan. Tanghali pa lang ngayon pero makulimlim ang paligid, nababalot ng makapal na itim na ulap ang kalangitan habang bumubuhos ang ulan.

Hindi ko naman mapigilan ang pagpatak ng mga luha ko habang pinagmamasdan ang buhos ng ulan sa labas. Halos tatlong araw pa lang ang lumipas matapos ang hindi ko inaasahang pangyayari na makapagbabago ng tuluyan sa buhay ko.


Hanggang ngayon hindi ko pa rin matanggap na... wala na si Juanito.

Napapikit na lang ako habang patuloy na umaagos ang mga luha ko. napayakap na lang din ako sa sarili ko habang dinadama ang napakalamig na hangin mula sa pagbuhos ng ulan. Sa pagkakataong ito, wala na akong kakampi pa, wala na ang mga taong nakakaunawa sa nararamdaman ko dahil ngayon ay mag-isa na lang ako.

Napatayo ako at napadungaw sa bintana ng marinig ko ang pagmartsa ng mga guardia personal sa labas ng bahay at hinahatid nila ngayon si Esmeralda papalabas ng hacienda Montecarlos. Parang unti-unti namang nadudurog ang puso ko habang pinagmamasdan ang kalagayan ni Esmeralda, may katandaan na siya, hinang-hina na siya sa paglalakad habang pilit iniinda ang mga sugat at pasa na natamo niya ng mahuli din siya nila Natasha na pinagtatakpan ako.

Basang-basa siya ngayon sa ulan habang yakap-yakap ang kaniyang mga bagahe na nakalagay sa isang bag na gawa sa banig. Galit na galit si Don Alejandro nang malaman niya na tinutulungan ako ni Esmeralda na makipagkita kay Juanito kung kaya't hindi siya nagdalawang-isip na palayasin si Esmeralda sa hacienda Montecarlos na kung saan nagsilbi siya ng mahabang panahon.

Napalingon sa akin si Esmeralda sa huling pagkakataon, kahit malayo at kahit malakas ang buhos ng ulan, kitang-kita ko sa kaniyang mga mata ang nais niyang sabihin sa akin... alam niyang alam ko na ito na rin ang huling pagkikita namin, hindi man niya sabihin, hindi ko man marinig mula sa kaniyang bibig, alam kong nais niyang ipabatid sa akin ang salitang... Paalam.

Naramdaman kong biglang kumirot ang puso ko nang dahan-dahan na siyang tumalikod sa akin at naglakad papalabas ng gate. Sa pagkakatong iyon, alam kong masakit para sa kaniya ang talikuran ang naging buhay at tungkulin niya dito sa hacienda Montecarlos. Hindi ko tuloy mapigilang sisihin ang sarili ko, hindi niya dapat naranasan ang lahat ng ito kung hindi dahil sa'kin.

Napalingon ako doon sa kahon na iniwan ng bagong babaeng magiging tagapagsilbi ko. Sa bawat hakbang ko papalapit sa kahon na iyon ay ramdam na ramdam ko ang bigat na pinapasan ngayon ng puso ko.

Napaupo na ako at dahan-dahan kong inalis ang takip ng kahon. Parang tumigil ang pag-ikot ng mundo ko at napatulala ako sa laman ng kahong iyon... ang sunog na diary.

Sa mga oras na ito, parang namanhid ang buong katawan ko at hindi na ako maawat sa pag-iyak habang yakap-yakap ng mahigpit yung sunog na diary ni Carmelita.

I Love You since 1892 (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon