Chapter 34

55 2 0
                                    

KINABUKASAN ay hindi pa rin bumubuti ang lagay ni LJ. Nasa 21,000 na ang platelet count ng bata. Panay ang iyak ni Anette habang pinagmamasdan ang anak niyang nakaratay, pero wala siyang magawa. Si Lawrence naman ay hindi sumusuko sa paghahanap ng donor na mayroong AB negative. Abala ito sa pagkontak sa mga kakilala na pwedeng makatulong sa paghahanap ng dugo na ka-match ng kay LJ. Parehong tuliro ang mag-asawa kaya hindi nila napansin ang pagdating ni Kiel.

"Kamusta ang anak ko?" Nag-aalalang tanong ng binata.

"Ano'ng ginagawa mo dito?" Agad siyang hinarang ng galit ni Lawrence.

Inawat ni Anette ang asawa. "Lawrence, wag kang mageskandalo dito!"

Kinagulat ng natutulog na sanggol ang mga nagtatalong boses kung kaya nagsimula itong umiyak. Mabilis namang pinatahan ni Anette ang anak habang ang asawa ay kusang nanahimik.

"Ano'ng nangyari sa kaniya? Pagbalik ko sa bahay, wala na kayo..." Tanong ni Kiel.

"Dengue." Pinigilan ni Anette ang maging emosyonal. "Kailangan niya ng dugo. Pero hindi kami makakita ng donor."

"Anong blood type nya?"

"AB negative" Tugon ng ina ng bata.

"AB negative ako"

"Hindi kukuha ng maski isang patak ng dugo sayo si LJ" Pagtutol ni Lawrence. "Kaya kong makahanap ng dugo para sa anak ko." Hindi man sumisigaw ay ramdam ang diin ng kaniyang bawat salita.

"Hindi lang isang patak ng dugo ko ang nasa katawan ni LJ ngayon. At alam mo yan." Mabilis na sagot ni Kiel.

"Pwede ba? Hindi natin kailangang magpaligsahan dito." Sita ng babae. "Ang kailangan natin, magtulungan para sa bata."

"Gagawin ko ang lahat para sa anak ko."

"Ako ang ama ni LJ! Kung ipipilit mo yan, kakaladkarin kita palabas ng kwartong ito!" Pagbabanta ni Lawrence.

"Kiel, hindi ngayon ang oras para pagusapan yan" Pakiusap ni Anette. Alam niyang hindi niya kayang pagsabihan si Lawrence. Pero higit pa roon, ayaw niyang may makarinig sa kanila tungkol sa sensitibong usaping iyon. "Mabuti pa, tumuloy ka na sa blood bank para magpa-screen ng dugo."

Nakahinga ng maluwag ang babae nang makalabas ng silid si Kiel. Habang ang asawa naman ay naiwang nag-ngingitngit pa rin sa galit.

Sarado ang kamao ni Lawrence habang nakatingin sa pintuang pinaglabasan ng binata. Hindi ako papayag. Hindi ikaw ang sisira sa tungkulin at mga pangarap ko. Hindi ikaw, Kiel.

101 Ways to Love AnetteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon