"SIYA"
Lahat naman binigay ko sayo hindi ba?
Lahat naman ay isinakripisyo ko para sayo 'di ba?
Ngunit ang hindi ko maintindihan, ay kung bakit naghanap ka pa ng iba?
Hindi ba pwedeng ako lang sapat na?
Sabi mo ayaw mo na,
sabi ko gusto ko pa.
Kahit ang sakit, pero mahal kita! Kaya pasensya, mahal ko pasensya na.
Pasensya na dahil gusto mo ng bumitiw pero ako'y nakakapit pa.
Pasensya na dahil gusto mo ng kumawala pero ako'y nakayakap pa.
Pasensya dahil gusto mo ng makalimot pero inaalala pa rin kita.
Pinili kong manatili kahit mas liligaya ka piling niya.
Pinili kong manatili kahit ang inaasam mo ay hindi ako kung 'di siya.
Pinili kong manatili dahil mahal kita,
at pinili kong manatili na pinapaniwala ang sarili ko na mahal mo rin ako kahit sa loob-looban ko alam kong hindi naman pala.
Nanatili ako dahil akala ko maibabalik ko pa,
ang mga maliligayang araw na sinisinagan ng araw tuwing ika'y nakikita.
Ang matatamis na ngiti na ngayon ay nasa nakaraan na.
Ang mga tawanan na hindi maalis-alis sa aking isipan na parang ikababaliw ko na.
Mahal ko,
sana maintindihan mo kung bakit ang hirap para sa akin ang kumawala sa taong minundo ko na dapat ay nanatiling tao lamang.
Minundo kita,
minahal kita,
nagpakatanga habang minamahal mo siya.
Ang dami kong isinakripisyo liban pa sa mga emosyon na aking nadarama.
Sana maintindihan mo kung bakit ang hirap na pakawalan ka.
Nasa 'yo ang buong pagkatao ko na kailangan ko upang buuin muli ang sarili ko pero hindi ko magawa-gawa dahil hindi ko pa mahanap ang sagot sa kung bakit mo ako pinagpalit sa iba kahit lahat ay ibinigay ko na.
Hindi ko masunog-sunog ang tulay na tinatawid ko pa dahil hindi ko mahanap-hanap ang sagot sa pag-iba ng iyong nadarama.
Mahal,
pasensya na.
Ako na ang nagmahal sayo ng lubos lubos,
pero kasalanan ko pa.
Ako pa rin ang may sala.
Ang daya mo.
Iniwan mo akong ganito,
tapos tinangay mo pa ang buong pagkatao ko.
Parang awa, mahal ko.
Ibalik mo ang mundo ko,
'yung mundo na bago ka pa dumating ay nariyan na.
'Yung mundong masaya kahit wala ka pa.
'Yung mundong kumpleto kahit nag-iisa.
Para kung sa gano'n,
makuha mo na rin ang kalayaan na iyong inaasam na mangyayari lamang kung hahayaan mo akong pakawalan ka.
Pero anong sabi mo?"Wag mo akong iwan. Mahal pa kita."
Kaya ngayon, ako'y gulong gulo na,
at ang masaklap,
ay mahal pa rin kita.
Kaya ako'y nanatili pa kahit ang sakit nang makita kitang mas masaya sa piling niya.
'Yung ngiting hindi ko pa nakikita,
'yung paraan ng pag-iyak mo sa kanya na sana bumalik pa siya.
Nanatili ako kahit ang sakit kasi alam kong nanatili ka dahil iniwan ka niya at kailangan mo ng may magmamahal sa 'yo at ako itong si tanga na nagpapakamartyr at hinahayaan kang saktan mo ako ng paulit-ulit,
pero ngayon sa harap harapan mo sasabihin ko sa 'yo,"Oo, noong una'y panaginip lang kita,
kaya nga ako'y sabik na sabik na antukin para makapiling ka.
Pero ngayon ako'y ubos na,
ang dating panaginip ngayon ay bangungot na.
Pero 'wag mo sanang kalilimutan na mahal na mahal kita.
Pero tama na,
ayaw 'ko na.
Dahil ako'y walang wala na."© OhDandani
Follow me on Instagram! @ohellaella
BINABASA MO ANG
Tagalog Spoken Word Poetry
PoetryIsang pagtitipon ng mga obra - A compilation of my masterpiece. #23 April 3, 2017 #6 April 14, 2017