"ANG HULING ALAS"
Sabi nila love is sweeter the second time around
Sabi nila everyone deserves a second chance
Eh paano kung paulit-ulit na?
Paano kung namihasa?
Kasi, sabi rin nila, kapag ika'y nagmahal dapat mag-iiwan ka ng alas para hindi ka maiiwan sa kawalan ng wala, ng sira.
"Mahal, sorry." Ang linyang madalas mong sinasabi
"Mahal, pasensya hindi na mauulit." Ang linyang palaging lumalabas mula sa iyong bibig
At dahil mahal kita, at dahil ako'y isang tanga
Kahit lagpas na sa pangalawang pagkakataon
Binibigay ko pa rin sa 'yo 'yon
Kasi nga mahal kita
At kung maaari, sana magtagal tayong dalawa
Sana wala ng away, iyakan, lungkot, tampuhan at kung maaari puro na lang saya
Pero hindi naman pwede 'yon 'di ba?
Kaya nga inimbento ang salitang sorry para magpatawag ka,
Dahil ang Diyos nga nagpapatawad ako pa kaya?
Pero ano ba talaga ang ibig sabihin ng salitang sorry?
Kasi kung totoong pinagsisisihan mo ang ginawa mo,
Hindi mo na ulit uulitin 'to.
Hindi mo lulubusin ang pasensya ko at paulit-ulit na saktan ang damdamin ko
Dahil kung totoong mahal mo 'ko, at nagsisisi ka sa mga kasalanan mo,
Hindi mo 'ko lolokohin ng paulit-ulit na para bang tanga ako.
Oo, tanga ako, inaamin ko
Pero hindi mo naman kailangang ipahalata sa buong mundo na isa akong tanga, 'di ba?
Hindi mo naman kailangang magwalangya para lang magpakatanga ako at masaksihan ng buong mundo.
Tanga ako dahil nagmamahal ako
Pero mas tanga ako dahil ikaw ang minahal ko
Tanga na kung tanga, kung ikaw lang ang pag-uusapan kahit 'di lang tanga, kahit martyr pa
Gano'n kita kamahal.
Naroon ako sa puntong patatawarin ka kahit ilang beses mo na akong pinaiikot
Naroon ako sa puntong magpapakatanga kahit ilang beses ka nang nagloko at nagsinungaling sa harapan-harapan ko.
Pero, mahal. Tao lang din ako.
Gusto kong ibigay sa 'yo ang lahat, ang pagmamahal ko kahit ibig sabihin nito'y ako'y masasaktan
Gusto kong makasama ka kahit na diyan!
Sa puso mo, alam ko hindi lang ako
Pero dahil isa akong tanga na hahabulin ka, ayos lang!
Kaya kong kumapit kahit wala nang espasyo diyan sa puso mo
Kaya kong maghintay hanggang sa may pumara sa puso mo
Gano'n kita kamahal.
Pero, hindi ko maintindihan kung bakit hindi pa rin sapat
Bakit ang hirap para sa 'yo na pahalagahan naman ako
Kahit minsan lang
Kahit katiting lang
Kahit kaunting espasyo diyan sa puso mo!
Kahit sa sulok na lang ako!
Kahit makiupo sa dulo, o makitayo malapit sa pinto
Kahit alam kong sobra na, pero nandito na 'ko eh.
Ang lapit ko na, kahit lahat sila ang sinisigaw ay "Bitaw na! Tama na! Niloloko ka lang niya. Buksan mo ang iyong mga mata bwisit ka!"
Tinaya ko pa rin ang lahat.
Isinugal ko pa rin ang lahat.
Kahit hindi ko naman alam kung mananalo ba 'ko
Kahit hindi ko naman alam kung may daya ba 'tong larong ito
Kasi ramdam ko, na sa una pa lang talo na ako
At 'yung alas na sinasabi nilang itira ko para sa sarili ko?
Sa totoo lang, gusto kong magtira para sa sarili ko
Gusto kong patunayan sa 'yo at sa sarili ko na hindi ka kawalan
Na kung sakaling mawala ka hindi ko pa makikita si kamatayan
Pero ngayon,
Magpapakatanga muna ako
Hahayaan muna kitang ubusin ang pasensya ko
Hahayaan muna kitang saktan ang puso ko ng paulit-ulit hanggang sa magsawa na ako sa kakahabol sa 'yo.
Hanggang sa mapagtanto ko na may marami pang iba.
May marami pang iba na handang itaya ang baraha nila para sa 'kin
At sa isipan ko, baka ika'y burahin
Pero sa ngayon, maglalaro pa muna 'ko
Nagsugal na ako pero ngayon,
Ito na ang huling alas na aking itataya, aking isusugal, para sa 'yo.© OhDandani
Follow me on Instagram! @ohellaella
BINABASA MO ANG
Tagalog Spoken Word Poetry
PoetryIsang pagtitipon ng mga obra - A compilation of my masterpiece. #23 April 3, 2017 #6 April 14, 2017