Hindi ko nga inabutan ang school bus. Ang resulta matagal akong naghintay sa regular bus na bibihirang dumaan sa street na malapit sa amin. Every 30 minutes siguro ang interval at late na late na ako. Sayang dahil paboritong subject ko pa naman ang unang klase. Ang totoo may kotse ako, kakabili lang ni Papa, regalo sa akin pagka-enroll na pagka-enroll ko palang sa senior high, kaya nga lamang sa unang araw ng pasok ko absent si Manong Rudy, ang personal driver ko. Hindi ko naman siya masisi dahil valid naman ang reason kung bakit wala siya, may sakit ang anak at walang ibang magbabantay. Single dad kasi ito. Isa pa matagal na si Mang Rudy na family driver namin, hindi pa ako pinapanganak driver na siya ni Mama.
Tsk. Nasaan na ba ang bus na 'yan? Kung kelan hinihintay saka naman ang bagal dumating. Tumataas na ang araw, nanlilimahid na ako sa sariling pawis ki-aga-aga. Nakalimutan ko pa man ding magpulbo at magpabango. Hindi pa ako nakakarating sa school ang dugyot na nitong bagong uniform ko. Kunsabagay, e ano naman, para namang may papansin sa ayos ko sa school. Buong high school ko hindi naman halata ang existence ko sa campus. Hindi naman ako ang tipong cheerleader-slash-queen bee material na pinagkakaguluhan ang outfit of the day, aka OOTD. Isa lang naman akong hamak na paso sa school na naghihintay lang ng graduation sa pinakatahimik at mapayapang paraan. Matalino ako, in fact, kasali ako sa honor list ng klase ko pero hindi din naman ako yung pinakamatalino. Kumbaga nasa middle lang. Kaya nga hindi ako pansinin kasi mediocre.
Inayos ko ang pagkakabuhol ng string na kurbata ko sa leeg. Tch. Nalukot na pala ang laylayan ng damit ko. Matagal pa ba talaga ang bus? Mag-Grab nalang kaya ako? Kaso nagtitipid ako eh. Kahit naman sobra-sobra ang allowance na binibigay sa akin nila Mama at Papa ay gusto ko pa rin naman maging responsable sa perang pinaghirapang kitain ng mga magulang ko. Kahit malaki ang pag-aaring kompanya ni Papa at maituturing kaming kabilang sa alta-sosyedad, hindi nila ako pinalaking waldas sa pera at puro luho. Tsk. Hindi na ako magga-Grab, late na din naman ako.
Naramdaman kong parang may nakatingin sa akin sa bandang kanan ko, uminit ang pisngi ko dahil doon kaya napapihit ako. Nanlaki ang mga mata ko at nanghina ang tuhod ko nang makita ko kung sino ang paparating, naglalakad patungo sa gawi ko. Hindi naman siya nakatingin sa akin. May kausap siya sa telepono, nakalagay sa magkabila niyang tainga ang isang puting headset. Nakauniform siya ngunit wala siyang dalang bag, sa halip nakapaikot sa katawan niya ang handle ng bag ng gitara sa likuran niya. Mas lalo akong pinagpawisan, hindi ko alam kung tatakbo ba ako o tatalikod nalang para hindi niya ako mapansin. Ayokong makita niya ako, maraming taon ko na siyang iniiwasan at isinumpa kong matatapos ang senior high na hindi nagbabangga ang landas namin kahit na kapitbahay ko pa siya!
Pumikit ako. Parang tuod na nanigas ang katawan ko. Naamoy ko ang pamilyar na pabango niya na nanuot sa ilong ko. Kahit nakapikit ako saulado ko bawat anggulo ng mukha ni Caden Arguelles. Hindi siya isang tipikal na teenager, siya ang tipo ng binatilyong kahit na saan magpunta ay parang diamanteng nagniningning ang kagwapuhan. Perpekto ang mukha nito, perpekto ang pangangatawan at nakakalusaw ng katinuan ang kanyang mga ngiti. Matangkad si Caden sa karaniwang teenager na kaedaran nito. Manipis ngunit matipuno ang pangangatawan dahil active ito sa lahat ng uri ng sports. Hindi ganoon kaputi ang balat niya na nagbigay sa kanya ng lalaking-lalaking awra. Maliit ang pisngi ni Caden, bahagyang manipis ang mga mata na parang Koreano, katamtaman ang tangos ng ilong na bagay na bagay sa mala-pusong hugis ng kanyang mukha. Manipis at natural na mapula ang kanyang mga labi. May dimple siya ngunit hindi ganoon kalalim. Lumalabas lamang ito kapag nakatawa siya ng abot tainga. Maitim at unat ang buhok ni Caden, may kahabaan kaya naman natatakpan noon ang matingkad niyang mga mata. Suma-total, siya ang modern prince charming na pinapangarap ng halos lahat ng babae sa loob at labas ng campus.
Pasimple akong humakbang sa tagiliran ko para lumayo at bahagyang tumalikod. Pero papalapit nang papalapit ang amoy niya. Sana mabura na ang mukha ko, sana hindi niya ako makilala!!
"Miss, sasakay ka ba?" tanong ng isang may edad na lalaki na nagpamulat sa akin. Driver iyon ng bus na nakaparada sa harapan ko. Kelan pa ito dumating? Ni hindi ko man lang narinig gawa ng sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko. Unang hinagilap ng mga mata ko si Caden. Ang kapitbahay kong labis kung magpatambol ng dibdib ko. Nauna na pala siyang sumakay sa bus. Nakaupo na rin siya at mukhang ako ang wala nang mauupuan. Sinulyapan ko ang relo ko, hay wala na akong choice, kapag hindi pa ako sumakay pati pangalawang subject ko hindi ko maaabutan.
Atubili akong umakyat ng bus, pilit na sinisipat ng mga mata ko ng palihim kung napansin ba ako ni Caden o hindi. Malamang nakita niya ako at kagaya ng lagi niyang reaksyon kapag nagkakaharap kami—dedma. Mabuti na 'yon para hindi ako mas lalong malugmok sa kahihiyan. Nang umandar na ang bus, kumapit nalang ako sa hawakan nang maigi upang hindi ako masubsob sakaling magpreno ito nang malakas.
Dahil nga madami nang tao at panay pa ang pasakay ng pasahero ng driver, hindi na tumatalab ang aircon ng bus. Mas lalo akong pinagpawisan. Nagkatulakan pa kaya wala akong choice kundi mag-adjust nang mag-adjust ng pwesto. Nabubunggo, nasisiko pa ako. "Aray! Dahan-dahan naman po sa pagtulak!" Napatingin ako sa lalaking nakaupo sa harapan ko. Ganun nalang ang panlalaki ng mata ko nang marealized kong si Caden iyon. Nakarating na pala ako sa pwesto niya dahil sa panunulak ng mga pasaherong sumakay.
Tumayo si Caden. Napaawang ang labi ko dahil ilang pulgada nalang ang layo ko, mahahalikan ko na ang dibdib niya. Matangkad siya masyado kaya hanggang balikat niya lang ako. Kapit na kapit ang pabango niya sa ilong ko, pakiramdam ko tuloy hinahalukay ang tiyan ko, hindi ko alam ang mararamdaman ko.
"Sit here." sabi niya.
"Ha?" teka bakit ba ako ha nang ha. Hindi niya ako kinakausap. There's no way in the world he would notice me or offer me his seat.
"I said you can sit here." hinawakan niya ako sa pulsuhan, nakipagpalit siya ng pwesto sa akin. Ako ang pinaupo niya at siya ang tumayo sa gilid ko. Nagbaga ang parte ng braso ko na nadapuan ang kamay niya. Napalunok ako ng ilang beses. Pakiramdam ko hihimatayin ako.
Tinanggal niya ang earphones niya. "Pakihawak." sabay abot sa akin ng gitara niya.
Hindi ako nakaimik. I couldn't even look him in the eyes the whole time. Kelan pa ako pinansin ng isang Caden Arguelles? Magkapitbahay kami all our lives, iisa ang playground na nilalaruan namin noon at palaging bisita nila Mama ang mga magulang niya kapag may special occasion, pero ni minsan hindi niya ako inimikan o tinapunan man lang ng tingin.
Nakokonsensya ba siya? Kasi masyado naman na yatang late itong biglaan niyang pamamansin sa akin. Baka hindi niya ako nakilala. Baka sa tagal na panahon na iniwasan ko siya nakalimutan na niya ang mukha ko. Tama. Baka gano'n nga. Hindi ko namalayan na ang higpit na ng hawak ko sa gitara niya sobrang lukot na ang lalagyan niyon.
"We're here. Let's go." kaswal niyang yaya sa akin na para bang friends kami noon pa. Kinuha niya ang gitara na nakapatong sa lap ko para makatayo ako. Nauna siyang lumabas ng bus at pansin kong gumagawa siya ng daan para sa akin sa gitna ng mga nakatayong pasahero.
Gulong-gulo ang utak ko. Bakit niya ba kasi ako pinapansin? Bakit niya ako kinakausap?! Mahaba-habang lakarin ito papunta sa main gate ng school namin hindi ko alam kung bibilisan ko ang paglalakad para maunahan ko siya o babagalan ko para maunahan niya ako. Basta hindi kami pwedeng magkasabay na ganito!
"We need to hurry; we're going to be late on our first subject."
Ayan na naman siya kinakausap na naman ako. FYI sa kanya, late na ako sa first subject ko at malapit na din sa second.
"Bakit mo ba ako kinakausap?" hindi ko sinasadya, nasabi ko nalang. Nagsalubong ang elegante niyang mga kilay sa akin. Bahagya pang naningkit ang mga mata.
"Bakit hindi?"
"Hindi naman talaga tayo nag-uusap di ba? Bakit bigla mo akong kinakausap ngayon?"
"Hindi tayo nagkakausap dahil walang pagkakataon. We live next to each other, but I hardly see you, so.."
Napabuntong-hininga ako. Hindi niya napansin na iniiwasan ko siya? Paano niya naman mapapansin eh wala naman siyang pakialam sa akin? Hay! Ako lang 'tong heightened masyado ang pagka-feeling! Sinulyapan ko ang relo ako. Well, ano pa nga ba. Late na talaga ako.
BINABASA MO ANG
The Boy I Love to Hate
Dla nastolatkówYou Belong With Me by Taylor Swift. This is the song that best fits neighbors Caden and Thea. He's popular. She's not. He's the school famous Quarterback. And she's just a fan girl. She's in love with him since forever. But unlike the song, they're...