Entry # 5: Last Five Minutes

641 33 15
                                    

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, nagigising ako sa pagsigaw ng Mama ko. Nakakarindi. Nakakairita pero nakakatawa. Yung bunso kong kapatid ang sinisigawan niya, inuutusan ng kung anu-ano kaya ayokong maagang nagigising eh.

“Vince! Vince! Yung mga halaman diligan mo nga. Vince, ano ba? Para ka namang walang naririnig. Tsaka mo na rin gisingin ate mo. Tanghali na nakahilata pa rin sa kama niya.”

‘Pag narinig ko na ang line na yun, babangon na ako. Maghihilamos. Bababa at sasabihing, “Kanina pa kaya ako gising, ngayon nga lang ako bumaba.”

“Kumain ka na at maglinis.”

Uma-umaga, ganiyan ang sitwasyon. Nakakasawa. Nakakaumay pero masaya. Mahal na mahal ko kaya silang dalawa pati na rin si Papa na nagtatrabaho sa Saudi para matustusan ang mga pangangailangan namin.

‘I miss you, Honey! Take care.’ Tuwing titingnan ko ang phone ko, automatic na may ganiyang message. Kaya lang hindi ako nagrereply. Galing kasi kay Troy, manliligaw ko. Kaibigan ko siya dati.

Hindi ko kasi siya mahal eh. Dalawang buwan na siyang nanliligaw. Sinabi ko naman na baka masayang lang lahat ng effort niya, makulit pa rin.

Ang love kasi parang pag-ubo yan. Hindi pwedeng pinipilit dapat kusa mong mararamdaman yung urge na ubuhin at ayun mapapaubo ka. Hindi naman pwedeng pilitin yung lungs na umubo eh gaya ng hindi magpapapilit ang pusong magmahal.

Nung isang araw, sinubukan kong umubo nang umubo na pilit, ang sakit pala.

‘See you!’ Every weekend naman akong nakakatanggap ng ganiyang text mula sa best friend kong si Faye. Siya lang ang nag-iisa kong best friend. Marami akong kaibigan. Marami rin ang plastic sa kanila.

Hindi ko alam kung anong mayro'n sa akin. Hindi naman ako plastic ah pero ba't ang daming taong mapagkunwari? Ang dami ko ng nahuli na nagsalita ng kung anu-ano tungkol sa akin kapag di ako kaharap.

Si Faye lang talaga ang pinagkakatiwalaan ko. Alam niya lahat. Sinasabi ko sa kaniya. Ganoon din naman siya sa akin eh. Tuwing weekend, nagbo-bonding kami at kasama na roon ang paglalabas namin ng saloobin sa isa't isa.

Dahil sa pag-uusap namin tungkol sa mga problemang pinagdaraanan ng bawat isa, may na-realize ako. Ang problema parang hasaan. Hindi nandiya-diyan para papurulin ang patalim kung hindi para patalimin pa ito lalo.

Meron pa akong isang bagay na na-realize, ngayon-ngayon lang. Ang buhay pala parang pagkain lang ng paborito mong pagkain. Kahit gaano pa ito kasarap, nauubos din.

Masakit para sa aking makita na umiiyak ang mga taong mahalaga sa buhay ko. Yung tipong halos mawalan ng malay si Mama, grabeng sugat sa puso ko yun. Yung tipong nakikita kong tahimik na umiiyak si Papa, parang gusto ko na lang pumikit. Ba't ba kailangan ko pang makita lahat ng 'to?

Namimiss ko na ang alarm clock ko – pagsigaw ni Mama. Kung pe-pwede lang akong magreply sa text ni Troy. Sasabihin ko sa kaniyang miss na miss ko na rin siya.

Basta kaibigan mo pala, plastic man o totoo, pupunta para sa'yo. Sayang, sayang hindi ko sila lahat pinahalagahan. Kaagad ko silang hinusgahan. Eh ako rin naman ah, may pailan-ilang beses ko na silang binackstab. Hindi rin ako perpekto. Teka, ba't ngayon ko lang naisip 'to?

Kasama ng mga kaibigan ko si Faye. Halata ang labis na kalungkutan sa kaniyang mukha. Sana makahanap siya ng panibagong best friend na masasabihan ng mga problema niya.

Nakita kong dahan-dahang ibinababa ang katawan ko habang ang lahat ng naroroon ay nag-iiyakan. Napangiti ako kasi alam kong isa lamang itong parte ng buhay nila kung saan sinubok sila ng panahon para mas lalo pa silang maging matatag.

Ako, masaya na ako. Wala akong galit kahit na kanino. Tanggap ko kung anuman ang naging kapalaran ko. Nakakatawa na akala ko may bumato lang sa ulo ko tapos sa isang iglap nawala na lahat. Bala pala yun. Sayang hindi na ako umabot ng 2014. Limang minuto na lang eh.

Royal Rumble: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon