Entry # 18: Gaano Kahalaga

716 32 18
                                    

Ilang taon na nga ba akong nabubuhay? Napaisip ako sandali. At napagtanto ko na hindi ko na rin pala maalala.

Nakakatawa.

Naalala ko tuloy yung isang pangyayaring hindi ko inaasahang mangyayari sa aking buhay.

Sadyang nakatambay lang ako sa isang shop kasama ang iba pang tulad ko rin, naghihintay ng mga taong darating at umaasang kanilang kukupkupin. Hanggang sa dumating ang isang magandang babae. Mahaba ang kanyang itim na buhok na naka-ponytail, nakasuot sya ng salamin sa mata at meron syang braces sa ngipin. Nakasuot sya ng white polo blouse na may black vertical stripes at ang suot nyang pang-ibaba ay jeans at black doll shoes.

Maamo ang hitsura nya na hindi. Mukha kasi syang mataray pero mabait.

At nung araw na yun, sya ang nag-iisang pumili sa'kin at inampon ako.

Magkatabi kami sa loob ng sasakyan nya. Nasa driver's seat sya at nasa passenger seat naman ako. Hindi magkamayaw ang damdamin ko sa sobrang saya. Ito na yun. ito na yung hinihintay ko matagal na. Ang magkaroon ng sariling pamilya. Ang maramdaman kung paano alagaan. Kung paano ingatan.

Sa pagtira ko sa kanyang bahay na bahay ko na rin, nasubaybayan ko ang kanyang buhay. Kasama nya kanyang mga magulang na may edad na rin pero malalakas pa naman. Napag-alaman kong isa pala syang guro sa elementarya. Kaya pala ganun ang suot nya noon.

Araw-araw nya akong pinapainom ng tubig. Hindi nya kinakalimutan yun. Natutuwa ako sa concern na binibigay nya sa'kin. Hindi ko rin naman kasi inasahan na mapabilang ako sa pamilyang ito. Yun bang maalaga at mapagmalasakit.

At habang tumatagal ang pananatili ko dito kasama sya, ang dami kong natutunang bago.

Na dapat ang lahat ng bagay, pinapahalagahan. Maliit man ito o malaki. Maganda man ito o pangit. Kahit na hindi ito permanente dito sa mundo. Dahil ang isang bagay, nabubuo dahil sa isang layon.

Hanggang sa isang araw, isinama nya ako sa pinagtuturuan nyang paaralan. Napakalaki nito kahit hindi ko man personal na naikot. Napakapresko ng hangin na humahaplos sa aking katawan. Medyo malakas ang ingay na dulot ng mga mag-aaral dahil hindi pa nagsisimula ang mga klase. Merong iba na naghahabulan kahit na alas-syete pa lamang ng umaga. Meron din namang mga nagwawalis-walis sa labas. At ang halos ang iba ay nasa loob na ng kani-kanilang mga klase.

Pumasok kami sa isang classroom at humina ang ingay sa loob noon. Nakita ko ang magagandang mukha ng iba't-ibang mag-aaral, lalaki man o babae,  na nasa ikalimang baitang na. Pero wala namang pumansin sa akin. Pero ayos lang din yun. Ang mahalaga, ako nag-eenjoy sa mga bagong nakikita ko.

At tulad nung una kong makita ang babaeng kumupkop sa 'kin, may pagkastrikto pala sya sa pagtuturo at mataimtim namang nakikinig ang lahat sa kanya. Talaga palang may disiplina sya sa sarili at nagawa nyang maibahagi iyon sa iba. Lalo akong humahanga sa kanya. Pero hindi rin nawawala ang biruan. Oo nga naman at maiinip ang mga estudyante nya kung puro seryoso lagi ang pinag-uusapan. Panandalian nya akong iniwan sa klaseng iyon dahil mukhang lumilipat ng kwarto ang mga guro.

Nakatumbok lang ang aking atensyon sa mga mag-aaral. May iba sa kanila na nagbubulungan, may ilan na rin na mukhang natutulog. Napakagaling magtago ng mga batang ito. May namataan rin akong papel na pinagpapasa-pasahan nila sa tuwing nakatalikod ang guro at nagsusulat sa pisara na kanilang pag-aaralan. Pero syempre, meron ding mga bata na determinadong matuto dahil tutok na tutok sa sinasabi ng guro at abala sa pag-intindi ng mga tinuturo.

Tapos pumasok sa isip ko. Parang gusto ko ring mag-aral. Madami akong gustong matutunan. Pero ano nga bang magagawa ko kung ganito lamang ako? Pero sabi nga nila. Makuntento ka kung ano ka. Maging masaya ka sa kung anong meron ka. Wag ka nang humanap ng iba pa kasi ang hindi mo alam, yung nasa harap mo yun na pala yung pinakatuktok ng buhay mo.

Dumating ang tanghalian at hindi pa rin sya bumabalik. Nakaupo ako sa ibabaw ng kanyang mesa at patuloy pa rin na pinagmamasdan ang mga mag-aaral sa klaseng ito. Ang iba sa kanila ay nananghalian na, ang iba nagkukwentuhan, ang iba natutulog, ang iba nagsusulat at nagbabasa, at yung iba pa eh naglalaro ng kung anu-ano. Pero nangingibabaw yung mga naghahabulan sa loob ng kwarto. Nakakatuwang tingnan ang mga masasayang mukha nila. Halatang aliw na aliw sila sa kanilang ginagawa.

Pero sa mga oras na yun, doon din muli nagbago ang takbo ng buhay ko.

"Hala kayo! Anong ginawa nyo?"

"Uy! Hindi ako yun ah."

"Pag yan nakita ni Ma'am, lagot kayo."

"Siya kaya yung nakatama."

"Hinahabol mo kasi ako tangek!"

"Wag na kayong magsisihan. Ayusin nyo na lang yan bago dumating si Ma'am."

"Uy! Sinong may tape sa inyo?"

Hindi ko alam kung anong dapat na maramdaman ko. Dapat ba akong maglit sa ginawa nila? Pero ano namang karapatan ko? At kung mayroon nga akong karapatan, paano ko naman mapaaabot sa kanila iyon?

Mag-aala-una na ng hapon at malapit nang magsimula ulit ang klase. Dumating na rin sya. Napakatahimik ng lahat. Medyo nagtagal bago nya napansin ang nangyari sa 'kin.

"Anong nangyari dito?"

Tahimik pa rin silang lahat. Nalulungkot ako dahil walang naglalakas-loob sa kanila na umamin. Lumigid ang mga mata nya sa harap. Naghihintay pa rin sya ng sagot sa kanila. Alam ko, hinahabaan nya pa ang pasensya nya.

"Naglalaro po kasi sila dito."

Sa wakas may nagsalita na rin, nasa harap sya nakaupo sa tapat mismo kung nasan ako nakaupo: ang teacher's table.

"Bakit kayo naglalaro dito?"

Nararamdaman ko ng hindi na sya makapagpigil dahil tumataas na ang tono ng boses nya. Tahimik pa rin ang buong kwarto.

"Anong kasalanan ng vase na yan sa inyo para ganyanin ninyo?! Nandyan lang yan. Wala naman syang ginagawa sa inyo, tapos kayo, ano? Hindi ginawa ang classroom na 'to para gawin ninyong playground."

Tumingin sya sa'kin. At nakasalamin sa kanyang mata ang halo-halong inis, galit, awa, at sakit. Hanggang sa kinuha nya na ako at buong pwersang ibinato sa sahig. Tuluyan na akong nasira. Nagkapira-piraso. Hindi ko man nakita ang mga reaksyon ng mga bata pero siguradong nabigla silang lahat. Napakalas ng kalansing na aking dinulot. Gustuhin ko mang umiyak pero hindi ko kayang gawin. Siguro naisip nya, hindi na ako maibabalik sa dati. Kahit na pinagdikit-dikit nung mga batang yun ang katawan ko gamit ang adhesive tape, hindi pa rin ako buo. Naiintindihan ko sya. Sya na nag-alaga sa'kin. Sya na nagbigay halaga sa'kin.

Nagkaroon ako ng halaga sa mundo simula nung likhain ako ng isang manlililok, at nagtuloy na tumira sa tindahan para hintayin kung sino ang maaaring gumamit sa 'kin. At lalong naging makabuluhan ang buhay ko ng bilhin nya ako. Nabigyan ko ng lulan ang magaganda at mababangong bulaklak na madalas nyang binibili. At sa tuwing nakikita nya ang mga bulaklak na yun, napapangiti sya. Hindi ko tuloy maiwasan na makaramdam ng saya rin dahil may pakinabang ako sa mga ngiti nyang yun.

At sa pinakahuli kong misyon, ako ang naging instrumento nya para turuan ang mga batang iyon. Ng asal, ng disiplina, at ng pagmamalasakit at pagbibigay halaga sa iba't-ibang mga bagay.

Royal Rumble: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon