Entry # 45: His Hope

323 13 8
                                    

Bagong taon pero walang kahit anong pagbabago. Walang saya, walang lungkot—napakatabang ng buhay ko. Wala akong maramdaman. Wala ba talagang pag-asa?

Sinindihan ko ang isang stick ng yosi at humithit-buga. Kasabay kumawala ng usok mula sa bibig ko ang problemang kanina pang naglalaro sa isip ko. Unti-unting namanhid ang pagkatao ko.

Wala sa sariling naglakad-lakad ako. Walang maramdamang matinding sikat ng araw ang balat ko. Walang maramdamang matigas na kalsada ang mga talampakan ko. Walang maramdamang kahit na ano hanggang sa kusang tumigil maglakad ang mga paa ko. Nasaan na ba ako?

Nasa tapat pala ako ng eskwelahan niya. Naalala ko ang maamo niyang mukha at ang matamis niyang ngiti. Ilang taon na nga ba kaming hindi nagkita? Nagtalo ang nararamdaman ko tungkol sa pagbalik niya. Nalito ang isip ko kung gusto ko na ba siyang makita ulit o hindi.

Napabuntong-hininga nalang ako. Hindi ko na alam.Ang alam ko lang, mayroong mawawala sa akin sa oras na dumating siya. Handa na ba akong pakawalan ang bagay na iyon?

Dinukot ko ang kaha ng sigarilyo mula sa bulsa ng pantalon ko. Siguradong isang stick lang ulit ang katapat nito. Pucha. Ubos na?

Lumingon ako sa paligid. Nakakita ako ng tindahan sa tapat ng eskwelahan. Madali akong nakatawid. Alas-tres palang kasi. Mamaya pa ang labasan ng mga estudyante.

Sinilip ko kung may tumatao sa tindahan. Nakita ko ang isang dalaga sa loob. Nakaupo siya at nakaharap sa napakakapal na libro. “Hope nga.” Nagbaka-sakali lang ako. Para kasing ang hirap niyang istorbohin. Bahala na. Kung marinig niya ako, e di thank you.

Narinig niya yata ako kasi huminto siya sa ginagawa niya. Dahan-dahang humarap ang dalaga. Lumakas ang kabog ng dibdib ko. Hindi ko iyon pinansin. Binaling ko ang atensyon ko sa dalaga. Nakakunot ang kanyang noo.“Ha?”

Hindi ko napigilang ngumiti nang bahagya. Bingi ba siya? “Pabili ng Hope. Isang kaha.”

Hindi naman pala siya bingi. Kumuha siya ng isang kaha. “Naninigarilyo ka?” Tanong niya habang binibigay ang yosi. Tumango lang ako. Sa totoo lang, wala ako sa mood para makipag-usap kahit kanino.

“Ilang taon ka na ba? Pwede ka na ba d’yan?” Tumawa ako kahit sa totoo lang, nakukulitan na ako sa kanya. Mausisa at matanong siya.

“Oo naman. I’m already 20. Ano bang akala mo?” Sana naman, wag na siyang magtanong pa. Sana suklian na niya ako nang makaalis na rin ako.

“Ah, wala.” Umiling siyang halos mabali ang kanyang leeg. “Mukha ka kasing menor de edad. Tapos, wala rin sa hitsura mo ang pagiging smoker.”

Ang daming alam ng babaeng ‘to. “Ano ba ang hitsura ng smoker?” Napangisi nalang ako nang parang natameme siya. Nakita kong namula ang kanyang mga pisngi. Mas bagay sa kanya ang ganoon. Napalitan naman ang ngisi ko ng isang ngiti.

“Basta. Masama yan. Nakakapanget.” Napakapilit niyang sagot.

“Sa tingin mo ba, panget ako?” Hindi maalis ang ngiti ko. Sobrang gulat ang hitsura niya. Nanlaki ang kanyang mga mata. Napaawang ang kanyang bibig.

Noon ko lang naalalang hindi pa pala ako nagbabayad. Paano nga naman siya makakapagsukli? “Here.” Nag-abot ako sa kanya ng sandaan. Nagdikit ang mga balat namin. Nagsitayuan ang mga balahibo ko. Bumilis ang tibok ng puso ko.

Binilang niya ang hawak niyang barya habang lumalapit sa akin. “Naku! Kulang na ‘tong panukli.” Ngumuso siya sa mga garapon sa harap. Pinapipili niya ako ng pwedeng pandagdag sa sukli.

Tinuro ko lang basta ang isang lalagyan. “Ayun nalang.” Binigay niya sa akin ang sukli ko kasama noong tatlong piraso ng tsokolate. Ipinasok ko sa bulsa ng pantalon ko ang mga ito.

Royal Rumble: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon