Entry # 44: May

292 5 4
                                    

Ano kayang mangyayari sa akin pag namatay ako?

Makikita ko ba yung ilalagay na picture ko sa banner ng lamay ko? Sana maganda kasi makikita ng lahat ng dadalaw sakin yun eh. Pati ng crush ko.

Ano kayang magiging itsura ko sa kabaong? Makikita ko kaya?

May iiyak kaya? Malulungkot?

May manghihinayang ba?

Magiging multo rin ba ako?

San kaya ako maggagala? Sa langit o impyerno?

May pupuntahan ba talaga ako pagkatapos ko mamatay? Hindi pa ba dun magtatapos? Wala ba talagang katapusan?

Maraming beses ko nang naisip lahat ng iyon. Maraming beses ko na kasing ginustong magpakamatay. Hindi kasi ako honor student, at ni minsan hindi ako naging honor student, kaya para sa mga magulang ko isa lang akong kahihiyan. Kinakahiya nila ako na kulang na lang ay ibalik nila ako sa tiyan ng nanay ko at ikulong na doon habang buhay. Wala rin naman akong mga kaibigan at ni walang lumalapit sa akin sa mga kaklase ko.

Madalas mag-isa ako.

Magkakasama kami sa iisang bahay o iisang classroom, pero mag-isa pa din ako. May sariling mundo.

Gusto ko talagang matapos na lahat, mawala na iyong nararamdaman kong awa sa sarili pati iyong hirap. Ang bigat bigat na kasi sa dibdib.

Kung mawawala naman ako, wala naman kasing may pakealam.

Pero ewan ko ba kasi kahit alam kong ganon, hindi ko nagawang tapusin ang buhay ko. Hinding hindi ko makaya.

Noong una, hindi ko alam kung bakit. Pero kalaunan, napagtanto ko na.

Napasali ako sa isang grupo ng magkakaibigan. Pinasabak nila ako sa simpleng initiation, natanggap ako, at simula non hindi na ako naging mag-isa, hindi na ako naging malungkot, at nakalimutan ko ang lahat ng mga problema, kung meron nga.

Simula nang makilala ko sila nagbago talaga ako at ang buhay ko. Natuto din akong maggala at magpagabi ng uwi. Natuto na rin akong magsinungaling at magpalusot sa mga magulang ko para lang mapayagang gumala kasama sila. Marami akong natutunan sa kanila, na lahat ay nagpasaya sa akin.

Mabuti na lang hindi ko ni minsan natuloy ang balak kong pagsusuicide.

Kung ginawa ko yon ay hindi ko mararanasan iyong saya. Yung saya na pinapangarap kong matagal na. Sinadya siguro akong gawing duwag, para hindi ko makayang gawin yung matagal ko nang binalak.

Dati pakiramdam ko walang saysay ang buhay ko, pero nang makilala ko sila nagkaroon ako ng panghihinayang sa buhay ko at sa mga masasayang bagay na pwede naming magawa.

Mabuti na lang talaga.

Mabuti na lang nakilala ko sila bago dumating ang araw na 'to. Buti na lang naranasan ko nang maging masaya. Buti na lang naranasan na ng mga magulang kong umakyat sa stage at sabitan ako ng medalya. Buti na lang naranasan kong makapagpasaya at mahalin.

Hindi ako nagsisisi na nagsinungaling akong may project akong gagawin sa bahay ng kaklase ko. Hindi rin ako nagsisisi na nagpagabi ako masyado. Hindi ako nagsisisi na nakipag-inuman ako at umangkas sa motor ng lasing ko nang katropa.

Nagi-guilty ako nang onti dahil pinapaiyak ko sila ngayon pero hinding hindi ako nagsisisi at magsisisi.

Handa na rin naman kasi akong malaman ang sagot sa mga tanong ko. Sa wakas nga't malalaman ko na. Parang tanga pero, may parte ng sistema kong nasasabik sa pagsuko ng katawan ko.

Nararamdaman ko ano mang oras ngayon, matatapos na lahat ng to. Hindi ko na makikita ang pag-iyak ni Mama, Papa at ng mga kaibigan ko. Hindi ko na rin maririnig yung pag-iyak nila't pagtawag sa pangalan ko.

"May. Sige ka panget na picture mo ang idi-display namin sa lamay mo."

"Huwag kang pipikit please! Ano ka ba, pinapaiyak mo kami! Why so mean?"

"Mainit sa impyerno, gaga! Tama na yang arte, May."

"I'm so sorry, Baby. I love you so much. Please forgive us, forgive mommy, baby."

Gusto kong matawa sa pinagsasabi nila, pero wala eh, hindi na talaga kaya.

Hindi ko na kinaya.

Royal Rumble: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon