Entry # 9: Ningas-Kugon

530 15 11
                                    

"Allan, alam mo ba kung ano ang ningas-kugon?" Biglang tanong sakin ni Jessa.

"Hindi." Nakatungong sa mesa kong sagot. Sa mesa kung saan una kaming nag-date.

Naalala ko pa, kung gaano ako nahihiyang i-date siya sa lugar na 'to. Cheap. Pero ang ikinaganda, tahimik dito at maaliwalas tignan lalo na kapag gabi dahil sa mga maliliit na ilaw na nag-mistulang parang alitaptap sa paligid. Bulaklak ng rosas, mabangong kandila, kasama ng masarap na pagkaing hinahain nila sa mesa. Sulit na para sa isang manliligaw na estudyanteng kagaya ko at isang napakaromantikong lugar para sa mga nag-iibigan.

Si Jessa ang unang babaeng nai-date ko dito at hindi ako makapaniwalang sinagot niya ako sa gabing iyon. Classmate ko siya simula pa noong elementary, itong college lang nahulog ng lubos ang loob ko sa ngiti niyang hindi nakakasawang tignan.

Naalala ko pa kung paano ko kinukuha ang atensyon niya, lagi ko siyang tinutukso. Sa tuwing dadaan ako sa harap ng mukha niyang nakalabas ang maputing ngiping nakangiti, parati kong sinasabing, "Sheeet, nasisilaw ako!"

Noong una, tinaasan niya lang ako ng kilay. Pero nang kalaunan, napalabas ko rin ang kumukutitap niyang ngiti.

Nung naging kami, araw-araw kong sinasabi sa kanyang, "Mahal kita forever, babe." At simple niyang binabalik 'yun na nakangiti pa ang labi na, "I love you too."

Sweet kami sa isa't-isa, nilalanggam kung nilalanggam. Ramdam ko nga na ibinigay niya ang buong pagmamahal niya para sakin at hindi ko alam kung naramdaman niya rin bang buo ang ibinigay ko sa kanya.

Alam ko sa sarili kong hindi, matapos ang ilang buwan na nakakita akong mas higit pa sa kanya. Si Mariel,  perpekto siya para sa ibang kalalakihan at kasama ako dun.

Nagsimulang mahulog ako sa napakagandang mukha niya noong naging ka-groupmate ko siya sa isang subject. Minsan niya akong kinausap habang ako'y nakatingin sa mapang-akit niyang mga mata. At sa hindi inaasahan, naakit talaga ako. Sobra.

Simula noon, lagi ko nang tinititigan si Mariel. Nasa kanya lagi ang baling ng tingin ko, ang pinakamahirap pang sitwasyon ay kapag nasa tabi ko si Jessa na laging nakayapos sa akin.

Ramdam ko naman na gumagawa ako ng sala kay Jessa, pero hindi ko talaga maiwasan si Mariel lalo na noong may nag-text sa akin na nagpakilala bilang siya.

"Hi Allan. C Mariel poh i2. :)"

Halos hindi nga ako makapaniwala, siya pa talaga ang kumuha ng number ko sa iba. Wala akong alinlangan na ni-replyan siya kahit na jejemon pa siya o ano. Wala rin akong paki-alam kay Jessa sa sandaling iyon dahil kaya ko namang itago sa kanya ang cellphone ko. Ang gusto ko lang, magkaroon kami ng magandang komunikasyon ni Mariel.

"Musta. Alam mo bang crush kita." Agaran kong pagtatapat sa kanya sa text.

Siya na kasi ang nagpakita ng motibo, tatanggi pa ba ako? Ang babae kasi minsan, nadadaan sa mabilisan, gaya ng mga dati kong girlfriend ko, kahit si Jessa.

Medyo natakot pa ako nung una sa ginawa kong pabara-bara dahil inabot ng ilang minutong wala siyang reply, pero laking tuwa ko ng nag-text siya sakin na hindi ko talaga inaasahan.

"(>///<) same po sayo."

Para akong tumama ng jackpot sa lotto, tuwang-tuwa na lalong nahuhulog sa kanya kahit sa text lang.

"Gusto mo magdate tayo ngayon?" Sunod kong text.

At sa hindi na namang inaasahang sagot niya na, "Sure! Basta libre mo eh. :D" 

Hindi ko na pinakawalan ang pagkakataong iyon. Buti na lang at may natira pa akong allowance na kasya pa doon sa lugar kung saan una kong idi-nate si Jessa.

Naghihintay ako sa mesa at ti-next si Mariel kung nasaan na siya. Nang nag-reply siya sakin na, "Almost there. :)", Napatext-back agad ako sa kanya na, "Sobra akong excited na makita ka."

Ngunit nawala ang excite ko, nang biglang tumambad sa harap ko ang mukha ni Jessa. Halos wala akong masabi, parang umurong ang dila ko sa sandaling iyon. Napakalungkot ng kanyang mukha na kinuha ang cellphone at nag-text.

Nagulat na lang ako na nagreply sakin ang number ni Mariel at makita ang text nitong, " :( "

Umupo si Jessa sa mesa at kusang lumabas na lang sa bibig ko ang salitang, "Jessa, magpapaliwana—"

"Allan." Bigla niyang sabat. "Alam mo ba kung ano ang ningas-kugon?"

"Hindi." Nakayukong sa mesang sagot ko, hiyang-hiya na tumingin sa kanyang mga mata.

Nagsimula ulit siyang magsalita, tono ng boses na mas lalong lumamig. "Kugon, ito yung halaman na kapag pinalingas, magbibigay ito ng magandang apoy... pero sa simula lang, sa simula lang ito maganda."

"Naiintindihan mo ba ako?" Dugtong niya. "Ningas-kugon ka, Allan. Sa umpisa ka lang magaling."

Sinalo ko lahat ng nakakasaksak niyang mga salita. Tanggap ko sa aking kalooban, tanggap ko na sa lahat naman talaga ng relasyong pinasok ko, sa umpisa lang ako magaling. Tinatagan ko ang aking loob para tignan ang mukha niya, ang harapin ang aking pagkakamali.

"Ngayon, Allan..." Bigkas ng kanyang ngiting-pilit na labi. "Sabihin mo nga yung araw-araw na sinasabi mo sakin na Mahal kita forever, babe."

"Jessa, hindi ko naman sinasady—"

Natigilan na lang ako nang inilapit niya ang kanyang kamay sa may sinding kandila sa mesa.

"Itigil na natin 'to, Allan." Pinatay niya ang apoy ng kandila gamit ang kanyang daliri na hindi man lang natakot mapaso. "Ako na ang papatay ng ating relasyon... relasyong sa una lang maganda."

---

Royal Rumble: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon