Entry # 47: Monggo Sa Biyernes

322 15 3
                                    

Nakatayo ako sa tigilan ng Bus, nakadungaw ang mahal ko habang pilit ang ngiti na kumukurba sa aking labi. Walang humpay ang pagkarga ng konduktor sa mga bagahe ng pasahero at namataan ko ang kulay pink na de-gulong na suitcase na pagmamay-ari niya. Regalo ko ‘yon nang mag-isang taong anibersaryo kami, dalawang buwan na rin ang nakakalipas. Pinilit ipagsisikan iyon para makasama pa sa ilang kahon at kagamitan sa ilalim na parte ng sasakyan. Napatingala ako muli sa direksyon ng bintana, kumaway siya at saka pang-asar na dumila.

Bumalik na lang ako ng kaway. Natamaan ng tingin ko na pasado alas-dose na pala mula sa relo ko na una niya ng napansin na sa kanan ko isinusuot noong unang pagkikita namin. Sa isang kasalan kung saan siya’y isang Wedding Organizer at ako’y Photographer.

Limang oras lang kanina ay kapiling ko pa siya.

Alalang-alala ko na napakaganda niyang tignan habang masarap na natutulog sa kama. Nakabalot ng kumot na puti ang kalahati ng katawan niya at nakasuot lamang siya ng sando kaya kitang-kita ang makinis niyang balat sa braso. Dama ko sa bawat paghinga niya ang kanyang pagkakahimbing. Hinawi ko ang ilang hibla ng kanyang buhok na naglaglagan sa pagkakatagilid at pinadulas ang daliri sa pisngian niya. Minutawi ko ang pangalan niya nang mahina kasabay ng kahilingan na huwag siyang umalis. Huwag ng humiwalay sa aking piling at kung maaari ay tumigil ang oras, manatili sa isang mundo na kaming dalawa lamang. Dahan-dahan akong tumayo sa kama, kinuha ang de-film na camera at saka tinutok ang lente sa kanya. Pumitik ang shutter at ilang segundo pa’y namulat na ang kanyang mapungay na mata. Kay ganda niyang ngumiti lalo na ang pagsambit niya ng aking pangalan kasabay ng pagbati ng umaga.

Narinig ko na ang pag-andar ng makina ng Bus na siyang nagbalik ng aking diwa sa realidad na pilit kong tinatakasan. Nagsimula na rin umusok ang tambutso sa likuran, ganoon din ang patuloy niyang pagkaway at pag-ngiti.

“I love you” Mula sa kanyang mabagal na pagbuka ng bibig ay iyon ang sinabi.

Tinugunan ko ‘yon ng ngiti at walang habas na paglundag ng ang aking puso. Huminga ako ng malalim, hindi lang dahil sa tila pagkapos ng aking hininga kundi dahil alam kong mangungulila nanaman ako sa kanya.

Wala akong ibang magagawa kundi titigan siya at mag-intay muli sa Biyernes. Parang ulam na monggo, may araw na madalas kung kailan kainin – may araw kung kailan niya ako pwedeng dalawin.

Dahil kahit anong mangyari sa kaliwang kamay niya na kumakaway ngayon, sa kanyang palasinsingan, nakasuot ang isang singsing na hindi ko pangalan ang nakaukit.

Royal Rumble: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon