Entry # 54: Adobo

240 6 5
                                    

Walong taong gulang na ang batang lalaking iyon. Lagi siyang nagsasarili at tila may sariling mundo. Naglalaro mag-isa, nagsasalita mag-isa at tumatawa siya mag-isa.. Tuwing nasa klase ang batang lalaking ito, siya ang naging tampulan ng tukso dahil sa pagiging mataba nito.

Napabuntong-hininga siya habang nakatingin sa mga kaklase niyang nagkukwentuhan. Naririto siya sa likuran ng klase, kumakain mag-isa. Nais man niyang lumapit sa mga nagkukwentuhan ay hindi maaari. Aasarin lang siya ng mga ito kaya mabuti na lang na manatili siya rito sa puwesto niya. Tanghalian na at ang ulam niya ay adobong baboy, ang paborito niyang ulam. Isinusubo niya ito nang biglang lumapit sa kanya ang isa sa mga kaklase niya na madalas siyang tuksuhin.

“Bakit ka kumakain ng kapwa mo baboy?” nakangisi at mapang-uyam na turan nito.

Tumahimik na lamang siya at ibinaba ang kutsarang hawak. Walang emosyon niyang tiningnan ang kaklase niya habang patuloy ito sa pagtawa sa pagkain niyang adobo.

“Sige, condolence na lang sa kapatid mo na kinakain mo ngayon.” At umalis ito habang humahagikgik muli sa kanya.

Napapikit siya sa mga salitang ito. Araw-araw ay ganito ang senaryo. Kahit anong ulam niya, ikokonekta nila ito sa pagiging mataba niya. Iniligpit na niya ang baunan at inilagay na sa bag. Nawalan na siya ng gana.

“Boy! Gawin natin itong adobo! Hindi ba, paborito mo iyon? Pulutan namin ito mamaya.” wika ng kapitbahay niyang si Mang Julio.

Dumako ang paningin niya sa asong hawak ng lalaki. Maliit lamang ito at tuta pa lang. Kulay tsokolate ang balat nito at halatang askal base na rin sa itsura nito ngayon. Naaawa siya dahil parang humihingi ng saklolo ang pagtahol ng aso kaya’t umiling siya kay Mang Julio.

“Huwag po sana, Mang Julio. Tingnan mo oh, nakakaawa siya. Pakawalan niyo na lang po siya.”

“Ha? Sayang naman! Ang taba ng tutang ito. Masarap gawing adobo.” Pinisil pa nito nang malakas ang katawan ng aso. Napangiwi ang bata nang marinig ang tahol ng pag-iyak ng tuta.

“Huwag niyo po siyang gawing adobo! Akin na lang po siya! Ako mag-aalaga sa kanya!” sambit ng bata habang umaasang nakatingin sa matanda.

“Hindi ba’t pinagbabawal ng iyong ina ang aso sa bahay niyo? Noong namatay ang huli niyong aso, sobra ka raw nalungkot noon at halos hindi na maka-usap.”

“Itatago ko po siya roon sa bakanteng lote at sisiguraduhin ko pong hindi mamamatay ang tutang iyan. Please po? Please? Hindi naman po malalaman ng nanay.” pagmamakaawa ng bata sabay pinagdaop ang mga palad para mapakitang nais niya talagang makuha ang tuta.

“O, sige na nga.” Nagdadalawang-isip pa rin na inabot sa kanya ni Mang Julio ang aso. Nagpasalamat siya rito at nagtungo siya sa bahay nila upang kumuha ng karton. Mabuti na lamang at wala ang ina niya noon kung hindi, tututol ito sa pag-ampon niya sa aso.

Inayos niya ang karton nang makarating siya sa bakanteng lote. Ito ang magiging tulugan ng tuta. Tila tuwang-tuwa ang aso dahil sa pagwagayway ng buntot nito sa kanya. Dinidila-dilaan din nito ang kamay ni Boy na siyang ikanatuwa ng bata.

“Ang bibo mo naman, tuta.” Nakangising sabi niya sa aso. Hinimas niya ang ulo ng tuta at parang nagustuhan naman nito.

“Ano itatawag ko sa’yo?” Napa-isip siya kung ano ang pwedeng ipangalan sa tuta. Tutal, kung hindi dahil sa kanya, baka maging pulutan ang kawawang tuta.

“Adobo! Iyan na lang itatawag ko sa’yo.” Napalakpak ang matabang bata habang nagtatakbo ang tuta sa bakanteng loteng iyon.

Iyon ang naging simula ng magandang pagkakaibigan nilang dalawa. Sa tuwing matatapos ang klase nila, kaagad siyang pumupunta sa bakanteng lote para makalaro ang tuta. Nagtataka rin ang nanay niya dahil dala-dalawang baunan ang ginagamit niya. Ang isa ay para kay Adobo, ang isa ay para sa kanya. Hindi niya rin binabanggit sa ina na sa bakateng lote siya naglalagi. Natatakot siyang baka matuklasan ng nanay niya ang pag-aalaga niya sa aso.

Kilalang kilala na rin siya ni Adobo. Kapag dumarating si Boy, malalakas na tahol ang sinasalubong ng tuta at kaagad itong lumalapit sa bata upang dilaan ang sapatos nito. Sinusuklian naman ni Boy ang pagbati ng aso sa pamamagitan ng paghimas sa katawan nito. Itinuring niya nang matalik na kaibigan si Adobo.

“Ayaw ka naming kagrupo! Ang taba mo kasi.” Naghagikgikan pa ang iba nilang kaklase dahil sa sinabi ng lider ng grupo. Napayuko siya sa kahihiyan. Wala siyang grupong mapuntahan. Ayaw nilang lahat sa kanya.

Nagtungo na lamang siya sa upuan niya. Hindi na lang siya sasali sa group presentation. Bakit pa kasi kailangan pumili ng sariling grupo? Wala naman siyang kaibigan para magkaroon sila ng sariling grupo. Lumapit na siya sa lahat ngunit ayaw nila sa kanya.

“Adobo, nalulungkot ako kasi ayaw ng mga kaklase ko sa akin.” Naiiyak na sumbong niya kay Adobo. “Huwag mo akong iiwan ha?  Ikaw na lang kaibigan ko. Kahit mataba ako, gusto mo pa ring makipaglaro sa akin. Magiging magkaibigan tayo habambuhay!” Mahigpit niyang niyakap ang aso. Kumakawag ang buntot ni Adobo habang yakap-yakap niya ito. Iniharap niya sa kanya ang aso at dinilaan siya nito sa pisngi. Natatawang binitawan ni Boy si Adobo at inilagak ang tuta sa higaan nito.

Kailangan na niyang umuwi. Kakatapos lamang ng hapunan nila at dinalhan niya lang ang alagang tuta ng pagkain.  Kumaway na siya paalis sa aso at umuwi na. Itong pagkakataon ang ayaw niya - ang mamaalam kay Adobo. Gusto niya na nga itong iuwi dahil nais niya itong makatabi sa pagtulog at madalas pa niya itong makakasama. Napabuntong-hininga na lang siya habang naglalakad at unti-unti na ring humihina ang tahol ni Adobo.

“Saan ka galing, Boy?” Tanong ng tatay niya sa kanya. Kasama nito ang mga kapitbahay niyang lasinggero rin at namataan niya si Mang Julio na tumutungga ng alak.

“Diyan lang po sa kaibigan ko.” Umalis na siya at nagtungo sa kanilang bahay dahil ayaw niyang malaman ng tatay niya na nag-aalaga na naman siya ng aso.

Uwian na niya. Dadaan muna siyang bahay at kakain dahil nagugutom na talaga siya. Naabutan niyang may adobo sa hapag. Ganado siyang kumuha ng plato at kutsara at sinimulan na niyang lantakan ang pagkain. Anong klaseng adobo kaya ito? Masarap ang lasa. Bilib talaga siya sa nanay niya dahil kahit anong sahog ay kaya niya itong mapasarap.

Mauubos na niya ang lahat ng ulam nang dumating ang kanyang ina.

“O, Boy, nandito ka na pala! Masarap ba iyang adobo? Naubos mo na, ah!” natatawang wika ng nanay niya sa likuran ng upuan niya. Nilunok niya muna ang pagkain saka sumagot.

“Opo, nay. Ang sarap. Anong klaseng adobo po ito? Kahit hindi po siya baboy, ang sarap pa rin.” Nakangising sabi niya.

“Mabuti naman at nagustuhan mo. Aso iyan. Nakita lang iyan ng tatay mo kanina sa bakanteng lote. Pulutan daw nila ito mamayang gabi kaya huwag mo nang ubusin ang nasa ref ha?” Umakyat na ang ina niya sa itaas.

Natigilan siya at natulala. Hindi! Hindi ito maaari! Kaagad siyang tumayo at tumakbo patungong bakanteng lote. Unti-unti siyang lumapit sa karton at napaiyak nang makitang wala si Adobo sa loob.

Napahagulhol ang kawawang bata. Wala na siyang kakampi. Wala na siyang mapagsasabihan ng hinaing niya. Wala nang makikipaglaro sa kanya. Wala nang didila sa pisngi niya at aabang sa bawat pagdating niya galing eskwela. Wala, wala na siyang kaibigan.

Nanatili siya roon hanggang sa maggabi. Nang wala na siyang luhang mailabas, tumayo na siya at umuwi. Napatigil siya saglit nang makitang nag-iinuman ang ama niya at mga kapitbahay niya at napatitig sa adobong naroroon. Nag-iwas na siya ng tingin at nagtungo sa kusina nila upang kuhanin ang plato at kutsilyo. Mukhang wala ang nanay niya. Umakyat siya sa kwarto niya at isinara ang pinto. Hinubad niya ang suot na tshirt at nahiga sa kama.

“Adobo, magkakasama pa rin tayo. Pasensya na at nakain kita kanina. Hindi ko alam na ikaw iyon. Magiging magkaibigan tayo habambuhay, hindi ba?”

Sinimulan na niyang hatiin ang tiyan niya upang kunin ang laman ni Adobo. Hindi niya hahayaang mawala ang nag-iisang kaibigan niya.

Royal Rumble: Round One EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon