CHAPTER 42
Kanina pa ako nakatingin sa cellphone ko. Naghihintay ng text at chat galing kay August. Hindi kasi siya nagrereply sa akin kanina pa. Busy kaya siya? May practice ba sila? May hindi ba siya matapos na codes?
"Kanina ka pa nakatingin sa cellphone mo, ah." Ani Dustin. Hindi kasi talaga ako mapakali kapag hindi nagsasabi sa akin si August. Sanay kasi akong nagpapaalam siya lagi tuwing may ginagawa siya.
"Hindi kasi nagrereply si August, e."
"Baka naman masakal mo siya niyan?" Tanong ni Dustin sa akin. Dalawa pa lang kami ngayon ni Dustin sa Restaurant na pinagkakainan naming grupo. Dito kasi kami madalas gumawa ng thesis dahil pwedeng tumambay. Dito ko rin noon sinagot si August.
"Hindi naman siguro." sagot ko rito. Maluwag nga ako kumpara kay August. Si August nga ang madaling magselos kaya medyo mahigpit siya sa akin. Which is okay lang naman kasi wala din naman akong mga pinupuntahan, e. University saka Apartment lang naman ako kadalasan dahil nga puno kami ng school works.
Ilang minuto pa kami naghintay ni Dustin bago dumating ang mga kagrupo naming sina Ara at Shane. Nag-umpisa naman kami kaagad na gawin yung mga pinapagawa. Pinaulit sa amin yung financials dahil mali ang ginawa ni Ara.
Nakakastress na kasi nagkakainitan na kami ni Ara dahil sa financials na ito. Ayaw kasi niya akong pakinggan. Mali na nga ang ginagawa niya ay pinipilit niya pa.
Napairap na lang ako dahil wala na naman kaming nagawa. Mas matagal pa kaming naghintay ni Dustin kaysa ginawa naming apat para sa thesis.
"Ganito na lang, gagawa tayong dalawa." Sabi ko kay Ara.
"Hindi nga kasi. Itong isang chapter nga ang gagawin mo."
"Hindi nga 'yan magagawa kung walang financials. Pinapatagal mo, e." I said. Pumipitik na talaga yung pasensya ko. Nasasagad na talaga ako. Ilang gabi na kaming puyat dahil sa iba't ibang school works tapos maggaganyan pa siya. "Sige i-uwi mo. Pero this time tapusin mo ng tama."
"I-email ko sa'yo mamaya." Pagkatapos ay nagmadali na siyang umalis. Magmula kasi noong nabarkada siya sa ibang grupo sa block namin ay ganyan na siya. Laging nagmamadali tapos nagiging irresponsible na siya. Siya pa naman yung leader namin.
"Matulog ako sa apartment niyo mamaya." Ani Shane sa akin. "Tapusin natin before deadline. May dala naman akong damit. Ikaw ba Dustin?"
"Sige uwi na lang ako kapag natapos natin."
"Okay ganun na lang, punta na muna ako sa org tapos sunod na lang ako sa apartment niyo mamaya."
Tumingin ako kay Dustin kasi sa totoo lang ay stressed na ako. May mga hindi pa kami natapos na parts tapos baka mag-dota na naman siya. Hindi ako yung leader sa grupo pero nagmumukhang ako talaga yung concerned ngayon.
"Hindi naman magagalit yung boyfriend mo, diba? Para magawa na natin yung ibang part." Umiling ako kahit sa totoo lang ay alam kong magagalit si August. Wala na kasi talagang choice. Hindi naman namin dala yung laptop ngayon. "Gawin na natin ngayon."
"Sorry guys, ah. Promise sunod ako. Mabilis lang talaga 'to." Paalam ni Shane pagkatapos ay umalis na rin ito.
***
Gumagawa kami ng thesis ni Dustin sa may sala. Wala pa rin sina Monica at Kristin sa apartment ngayon dahil katulad namin ay stressed na rin sila sa thesis paper nila.
Actually ay nakakarami na kami ng gawa. Hinihintay na lang namin si Shane saka yung isisend sa amin ni Ara na edited na financials.
Si Dustin na yung tumayo nang may kumatok sa pinto. Iniexpect na rin kasi namin si Shane na darating na dahil nagtext na siyang malapit na siya.