Chapter 4

3.6K 91 98
                                    


*Aqueo

"Ahmm! Mhmmm... Sarap! Isa pa!"

Ramdam ko ang mga sakit na kumikirot sa aking sentido. Pinagbabaling baling ko ang aking ulo sa sakit.

"Mhmm! Sarap talaga! One more, please?"

Gusto ko nang imulat ang aking mga mata, ngunit tuwing susubukan ko ay napapaungol ako sa sakit. Pawang may kung anong tumitibok sa aking ulo at sa bawat pagtibok nito'y kirot ang binibigay sa akin.

"Hahahay, sarap! Isa-

"Rinoa, akin na nga iyan. Ako na bahala diyan."

Teka, nasaan ba ako? Ang ingay! Bigla ay narinig ko ang malalakas na ubo at kasabay nun ay ang mga tawanan.

"Ano ba, Angel!? Papatayin mo ba ako!?"

Ang ingay talaga nitong si Ean, oh. Dagdag sakit lang sa- si Ean? Walang anu-ano'y bumalik ang imahe niya na duguan habang nakahandusay sa damuhan, wala ng buhay. "EAN!!" napabalikwas ako mula sa aking kinahihigaan at kasunod nun ay ang mabibilis at takot kong hininga.

Agad akong pinagpawisan ng malapot nang naalala ko lahat ng nangyari. Mula sa kanyang pagsugod hanggang sa mawalan ako ng malay. Ang mga kaibigan ko, lahat sila'y sugatan nang dahil lamang sa isang misteryosong tao. Kung tutuusin ay talo siya sa bilang namin, pero nagawa nito kaming labanan mag-isa.

"Oh, p're? Utang ka?" sabi ni Ean na nakahiga sa bukod na higaan.

"Aqueo!" napatingin ako sa aking kaliwa at agad kong nakita si CJ na mukhang nag-aalala. "Buti't gising ka na. Jedi, patawag naman si Ms. Elsa," utos nito sa kaibigan at agad naman itong tumakbo sa pintuan at lumabas.

Nagpalibot ako ng tingin at nakita ko ang mga iilang kama, puting pader at kisame. Nakaupo si Angel sa tabing higaan ni Ean habang may hawak itong tasa at kutsara at nakatayo sa tabi niya si Rinoa. Pag-baling ko ng tingin sa isa pang higaan ay namataan ko si Dark na nakaupo at nakatakip ng kumot ang kalahati niyang katawan. Sa tabing higaan ko'y si Dib at kasalukuyang kinakausap nila Scarlet at Yusha. Doon ko lang napagtanto na nasa clinic pala kami.

"Hoy, ayos ka lang ba?" kunot noong tanong ni CJ.

"Ano'ng nangyari?" takang tanong ko.

Bumuntong hininga ito at hinila ang upuan upang umupo roon bago nagsalita, "Nakita nalang daw kayo kanina nila Scarlet na nakahandusay at sugatan sa kakahuyan ng Orthil. Nagulat nga kami nang mabalitaan namin na sinugod daw kayo dito."

"Si Bash, ano nangyari sa kanya? Nasaan siya?"

"Nasa Lilac floor si Bash, nagpatawag pa sila Ms. Elsa ng mga Lilac seniors at kahit pa students palang para sa kanya, kasama din si Ace. Ngayo'y binibigyan na siya ng cure para sa pagiging bato niya," pagpapaliwag ni CJ.

Sumandal ako sa aking hinihigaan at nagpakawala ng taimtim na hininga. Napaluwag ng mga sagot ni CJ ang mga bumabagabag sa aking isip, nagpapasalamat ako na walang nangyaring masama sa amin ng aking mga kaibigan.

Muli, ay nagflash ang imahe ni Ean na duguan na tila patay na. Napakunot ang noo ko. Sa aking natunghayan, walang pag-aalinlangan, na mabigat ang sinapit niyang pinsala. Pero ang pinagtataka ko'y heto siya, nakikipagkulitan at ang ingay-ingay tila walang nangyari.

Tumikhim ako at tuminging muli kay CJ upang magtanong, "Si Ean, pano siya naligtas?"

Isang maliit na ngiti ang gumuhit mula sa kanyang labi. "Bago pa siya pumasok dito sa clinic, sinabi na ng isang Lilac senior na patay na daw si Ean. Masyado daw maraming dugo ang nawala sa kanya at bukod dito'y may natamaang organs din daw. Halos maiyak na nga si Angel kanina, eh. At kahit galit pa ang karamihan sa kanya nang dahil sa nangyari, marami din ang nalungkot."

LakserfTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon