*Dark
Doomsday - 4:27 PM
"Pre, pasok lang ako. Mabilis lang 'to," paalam ni Bash at pumasok na sa opisina ng tatay niya.
Nagbuntong hininga ako nang maiwan ako dito sa malawak at magarbong pasilyo ng kapitolyo. Wala gaanong tao rito, marahil ay busy pa rin sila sa lahat ng nangyayari dito sa Orthil. Ang nakikita ko lamang dito ay ang mga nakasabit na iba't ibang mga litrato at kuwadro sa kulay kremang pader. Iyon nalang ang pinagbuntunan ko ng pansin.
Naglakad ako papalapit sa isang litrato at tumingala para makita ko ang kabuuan nito. Isang imahe ng isang lalake na nakasuot ng dark blue na tela, may mga kulay asul na mata ito, mapuputing balbas na may katamtamang haba. Nakataas ang kamay nito na tila minamanipula ang pitong bilog na mahika na may sari-sariling kulay. Ito'y walang iba kung hindi ang aming diyos, Laksen Erfus. Ibinaba ko ang aking tingin at doo'y nakita ko ang isang kataga,
Anything under His control, is never out of control.
Pssh, kalokohan. Kung totoo nga ang katagang iyan ay hindi na sana nangyayari itong lahat. Hindi na sana nawalan ng guro ang Valin. Hindi na sana nagkaroon pa ng dark magic. Hindi na sana ako nawalan ng mga magulang sa murang edad. At hindi ko na rin sana iniinda hanggang ngayon ang sumpang hanggang ngayon. Ang kirot na maya't mayang pumipintog sa aking leeg.
"Dark," naputol ang aking pag-iisip nang may tumawag sa akin at agad ko itong nilingon. "Ayos na, nakausap ko na si papa, tara na?"
Inumpisahan ko na ang paglalakad at sumunod naman si Bash sa akin. "Kumusta naman ang pag-uusap niyo?"
Nakangiting tumingin ito sa akin, "Natuwa naman siya sa mga markang nakuha ko. Ipagpatuloy ko lang din daw ang pagiging numero unong estudyante ko sa Mysticium class."
Tinanguan ko lang ito. Alam ko kasing nagkukumahog itong si Bash upang makapagtapos sa Valin ng nay maipagmamalaki sa kanyang ama na embahador dito sa kapitolyo. Siya ang anak nito sa labas, tanging kami lang nina Aqueo at Ean ang nakakaalam nito. Gusto niyang mapatunayan sa kanyang ama na may ibubuga siya at balang araw ay maipagmamalaki siya nito. Kaya nama'y sa aming apat, si Bash ang pinakamatalino at siguro'y pinakamatalino din sa buong Valin.
Bumungad sa amin ang mataas na tore nang kami'y makalabas sa kapitolyo. Kulay itim ito, makintab at pulido ang pagkakagawa dito na yari sa marmol. Sinisimbolo daw nito ang katatagan ng bayan ng lungsod ng Orthil. Maganda itong tignan dati. Ngunit ngayo'y may mga nakapalibot na itim na enerhiya dito dulot ng mga sumusulpot na dark magic. Hindi ko maiwasan ang magtaka kung saan ba ito nanggagaling. Halos sa kahit anong sulok ng Orthil ay may namamataan na ang mga dark magic.
"Siyanga pala," sambit ni Bash. "Kailangan kong pumunta ng Valin, pinangakuan ko na kasi si Ace na dadalhin ko siya sa Lilac exhibit doon sa bayan. Sumama ka na rin, Dark."
"Kayo nalang," walang gana kong sabi.
Tunawa ito ng marahan dahilan para mapasimangot ako. "Tol, sumama ka na. Si Ace lang naman ang isasama ko't wala ng iba. Depende nalang kung may yayayain pa siya."
"Tsk, sige na. Ikaw nalang bahala sa kanila," mahina kong tugon.
Alam naman niya na ayaw na ayaw kong may nakakasalamuhang babae. Iritado't hindi lang ako mapakali kapag may mga babae sa aking paligid. Nagsimula ito noong malaman kong isang babae ang sumumpa sa akin dahilan para magkaron ako ng marka sa aking leeg. Ito rin ang dahilan kung bakit paminsan-minsa'y nagbabago ang kulay ng aking mata.
BINABASA MO ANG
Lakserf
FantasyNaisip mo na ba na paano kung naging normal na ang mga mahika sa mundong tinitirhan mo? Naisip mo na ba paano kung may taglay kang mahika at may paraan, para ito'y iyong hasain? Bibigyan kita ng pagkakataong maranasan iyan. Dahil dito sa mundo ng La...