*Ace
Patulog na sana ako nang isa ako sa mga pinatawag na Lilac student. May nangyari daw masama sa isa naming guro, si Mr. Seig. Agad akong nabahala at nag-alala.. Walang anu-ano'y kumaripas ako tungo sa Lilac floor ng Valin kung nasaan ang aming clinic.
Nakita ko ang iba sa mga kakilala ko doon, sina Char, Jedi at Reigh. Kasama rin nila ang isang lalake na kasalukuyang pinapatahan ang umiiyak na si Jedi. Halata sa kanilang mga mukha ang pagkabalisa, ang pag-aalala.
"Ace!" tawag sakin ni Char at tumakbo papalapit. "Nasa ER na ang iba, pumunta ka na doon," Tinanguan ko lang siya at agad pumasok sa ER.
Ang iilang senior ng Lilac na nandoon ay nagkakagulo na, rinig ko rin ang sunud-sunod na utos ng isa sa kanila. Nakapalibot sila sa OR table, mga natataranta't natatakot. Mula sa ECG machine, ay rinig ko ang putol-putol na tunog. Nakahinga ako ng maluwag.
"Oh, andiyan na pala ang isa sa mga pinatawag natin. Tumulong ka na dito!" ma-awtoridad na tugon ng isa sa kanila kaya agad kong pinusod ang aking buhok at sinuot ang iba pang kagamitan upang makapaghanda na.
Sa paglapit ko sa OR table ay nanlaki ang aking mata at bumaliktad ang aking sikmura sa natunghayan ko. Mabilis kong iniwas ang aking tingin at napalunok.
"Ace, kung gusto mo maging magaling na healer, lakasan mo ang loob mo," madiing sambit ng katabi kong senior. Bakas sa mukha nito ang panghihikayat na gawin ko ang aking makakaya. Sa pag-obserba ko sa mga kasama ko'y doon ko lang napagtanto na ako lamang ang estudyante palang at lahat sila ay nakalahad ang parehong kamay sa katawan ni Mr. Seig at doo'y lumalabas ang kumikinang na kulay lilang mahika. Mapapasubo ako nito.
Tumingala ako at madiing pinapalakas ang aking loob habang nakakuyom ang aking mga kamao. Kaya ko 'to. Kailangan kong gawin ito hindi lang para sa aking pangarap, kundi para na rin sa aming guro. Sa aking pagbuntong hininga ay pinagmasdan ko ng buong tapang ang katawan ni Mr. Seig. Pinigil ko ang aking sarili sa pagsuka. Pinigil ko ang mga kamay kong nanginginig. Nagtanong ang aking isip. Paano pa siya nabubuhay?
Halos hindi na makilala ang kanyang duguang mukha, wala na itong hulma. Ang katawan naman nito'y durog na. Puro dugo na lang ang aking nakikita. Sa kabila ng lahat ay tumitibok pa rin ang kanyang puso batay sa ECG monitor. Paano nangyari ito? Bakit pilit parin nila itong ginagamitan ng healing magic? Masakit man para sa akin, ay alam kong wala ng pag-asa pang mabuhay si Mr. Seig base sa kalagayan nito.
"Huwag kayong titigil," saad ng isa sa mga senior. "Habang tumitibok pa ang puso niya ay may pag-asa pa. Hindi mamamatay si Mr. Seig!" dagdag nito sa kanyang boses na nanginginig na at nagpapahiwatig nang umiyak.
Tama siya. Hindi man namin maibabalik ang dating katawan ni Mr. Seig, ay hindi ako dapat mawalan ng loob na ito'y mabubuhay parin. Dali-dali kong ipinatong ang kamay ko sa kamay niya at naglabas na rin ng mahika. Kita kong mabagal na umiikom ang mga sugat doon. Ang katabi ko nama'y pinapahilom ang sugat sa kanyang tagiliran at kasabay non ay ang pagayos nito sa puwesto ng buto ni Mr. Seig.
Kumapit lang kayo, sir. Para saan pa't tinawag kaming healer kung hindi namin kayo mabubuhay? Pinapangako kong gagawin namin ang lahat.
"H-hindi!" bulalas ng isa sa kanila na kumuha sa aming atensyon. Nakatingin ito sa katabing machine. Pagtinging ko roon ay nakita ko ang isang mahaba't tuwid na guhit. "HINDI!" malakas na sigaw nito at nagsimulang humagulgol ng iyak.
Magsisimula na sanang pumatak ang aking mga luha nang biglang bumukas ang pinto at iniluwa nito ang isang babae. Si ate Rinoa. Mabilis itong tumakbo papunta sa amin at kusa namin siyang binigyan ng daan. Nabuhayan ako ng loob sa presensiya niya. Kung nagawa nitong buhayin muli si kuya Ean, ay alam kong magagawa niya ulit ito.
BINABASA MO ANG
Lakserf
FantasyNaisip mo na ba na paano kung naging normal na ang mga mahika sa mundong tinitirhan mo? Naisip mo na ba paano kung may taglay kang mahika at may paraan, para ito'y iyong hasain? Bibigyan kita ng pagkakataong maranasan iyan. Dahil dito sa mundo ng La...