A/N: Gaahh! Isa na lang! Lintek, isa na lang pwede na akong maiyak sa tuwa! Hahahahaha! xD jk
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
*Rinoa
Habang papalapit ako nang papalapit sa rooftop ay mas lalo lang lumalakas ang hindi ko maintindihang kadiliman mula sa aking puso. Ramdam ko din sa buong paligid ng Valin ang nagkakalat na dark magic na sa tingin ko'y anumang oras ay may mangyayari nang hindi maganda. Bumibilis ang tibok ng aking puso sa lahat ng aking nararamdaman. Ito rin ang naramdaman ko kanina nang sumabog ang itim na usok, ngunit mas malakas at matindi ito ngayon.
Kasalukuyan akong nasa palapag na ng Mysticium at laking pasasalamat ko na ni minsan ay hindi nagpakita sa akin ang mga Shadows na nagkalat rin dito. Tuloy tuloy lang ako sa pagtakbo dahil na rin sa lubos kong pag-aalala sa aking mga kasamahan doon sa rooftop. Hindi ko mawaglit sa aking isip na napakalakas nga't nakakagimbal ang mahikang nagmumula doon.
Mula sa kawalan ay bigla akong napahinto at napasinghap dahil sa isang pwersang bumalot sa aking dibdib na tila pinipigilan ako nitong gumalaw. Napasandal ako sa pader ng pasilyo habang pilit pinapakalma ang aking sarili. Malimit na akong makaramdam ng ganitong klase ng sakit na sa paulit-ulit nitong paglabas ay nakuha ko na kung tuwing kailan ito lumalabas. Umaatake lang ito sa tuwing may masamang nangyayari.
Pinilit ko ang aking sarili na umusad pa dahil na rin sa aking pagkabahala. Bumalik ako sa aking pagtakbo tungo sa hagdang maghahatid sa akin sa rooftop. Nang marating ko ang tapat ng pinto ay agad kong hinawakan ang doorknob upang buksan na ito. Hindi ko inaasahan ay tila nilamon ako ng kadiliman na agad kong ikinasindak. Nagdilim ang paningin ko, kinulabutan ako, lumabas mula sa aking katawan ang malalamig kong pawis.
Tanging mga hininga ko lang ang aking naririnig sa makipot na daang ito. Muli kong pinakalma ang aking sarili upang maibalik ang dati kong lakas. Alam kong sa pagbukas ko ng pintong ito ay malalaman na ang kasagutan sa tanong ko. Kung saan nanggagaling ang kakaiba kong nararamdaman, kung ano na ang nangyayari sa mga kasamahan ko doon. Pinalakas ko ang aking loob at tuluyan na itong binuksan.
Kusang umawang na lang ang aking bibig sa tumambad sa akin. Natulala ako. Mga malaki't makapal na yelo ang namataan ko at sa mga ice spike na iyon ay kita kong nakasampay na at tila walang malay na lahat ng kasamahan ko. Silang lahat, wala na sila.
Walang sigla akong naglakad papalapit sa kanila. Habang papalapit ako'y natunghayan ko ang pag-iipon ng bilog at makapal na dark magic sa kabilang dulo at sa harapan nito'y lumulutang lang ang nakatalikod na lalake. Marahil siya ang pinuno ng umatake sa amin, maaaring siya ang pumaslang sa kanila.
"Tulad ng aking nakita, darating ka," panimula nito gamit ang malalim nitong boses. Hinarap ako nito at hindi ko inaasahan ay parang may kung ano ang pumasok sa aking isip at agad ko siyang nakilala.
"Laksen... Erfus?" bulong ko sa aking sarili habang nakasapo ang aking palad sa aking ulo.
"Ako nga, Rinoa. Hanggang ngayon ay hindi mo pa rin ako binibigong mapahanga sa angkin mong mahika," sabi niya habang gulong-gulo pa rin ang aking utak.
Iba't ibang tanong na ang gumuhit sa aking isip. Siya ang diyos namin? Hindi ba't patay na siya? Paano siya nabuhay? Ano'ng ginagawa niya dito? Bakit siya nag-iipon ng dark magic?
Malakas na tawa ang pinakawalan nito dahilan para maputol ang aking pag-iisip. "Rinoa! Malakas man ang mahikang mayroon ka ay hanggang ngayon, hindi mo pa rin ba magawang kontrolin ito?"
"A-ano'ng ginagawa mo dito?" tanong ko at pinadiin ang aking kamay sa aking ulo upang maibsan man lang ang sakit na namumutawi rito. "Bakit buhay ka pa?"
BINABASA MO ANG
Lakserf
FantasyNaisip mo na ba na paano kung naging normal na ang mga mahika sa mundong tinitirhan mo? Naisip mo na ba paano kung may taglay kang mahika at may paraan, para ito'y iyong hasain? Bibigyan kita ng pagkakataong maranasan iyan. Dahil dito sa mundo ng La...