Chapter 8

1.5K 66 105
                                    

*Seig

"Tss. Ano'ng ginagawa mo dito?" tanong ni Rake sa katabi niya habang hindi inaalis sa amin ang tingin.

Oo, naaalala ko si Rake. Dati ko na siyang naging estudyante. Misteryoso't tahimik, pero alam kong may mabuti siyang puso lalo na sa kaibigan niyang si CJ. Nabalitaan ko na lang matapos niyang maka-graduate ay nilisan nito ang Orthil. Mabilis din kumalat ang balitang iyon at ang dahilan nito sa Valin. Isa siya sa pinahahalagahan kong estudyante. Masakit bilang isang guro ang makitang nagkakaganito siya ngayon nang dahil lamang sa pagmamahal.

Hindi naman sumagot ang katabi nito, tinitigan lamang siya sabay baling sa amin ng tingin. May kung anong kumislot sa katawan ko sa pagtitig niya sa akin at kasabay nun ay ang pagtindig ng aking mga balahibo. Ang mga berdeng mata niya. Wala akong nakikita dito kung hindi iisang bagay lamang, ang pumatay.

Sa pagbasa ko sa isip ni Rake, nandoon lahat ng emosyon niya, galit, poot, ang sakit na nararamdaman niya. Ang pagka-uhaw nito sa paghihiganti. Ngunit sa pagbasa ko sa isip ng kasama niya'y, blangko lamang ito. Kahit ano ay wala akong makita, mabasa o malaman tungkol sa nararamdaman nito. Kinutuban ako ng masama nang dahil doon.

"Lexie, ikaw na bahala kay Rake," utos ko.

Kunot noo itong tumingin sa akin, "Huh? Sir, mas maganda kung magtutulungan na lamang tayo."

"Sumunod ka nalang sa sinasabi ko," ma-awtoridad kong tugon. Siguro'y nakita niya ang determinasyon ko kaya nama'y tumango na lang siya. May roon lang ako gustong malaman sa taong ito. Marahil ay makukuha ko iyon sa oras na kami'y maglaban.

Nakatayo lang sila habang titig na titig ito sa amin ni Lexie na pawang hinihintay ang una naming hakbang. Mahirap man makipaglaban dito sa loob ng Orthil habang iniiwasang madamay pa ang sibilyan ay kailangan naming gawin ito.

Mula sa aking bulsa ay kinuha ko ang isang piraso ng papel at sa paghiwalay ng aking paa ay naglaho ako at lumabas sa likod mismo ng aking kalaban. Akmang ilalagay ko ang papel sa kanyang likod ngunit sa mabilis nitong paglingon ay nagawa nitong pigilan ang aking kamay. Sa gilid ng aking mata ay nakita kong nagbato ng bilog na purong mahika si Lexie sa direksyon ni Rake at agad itong tumakbo papalayo upang umilag dahilan para mapaghiwalay namin silang dilawa.

"Sige na, Lexie! Ako na bahala sa isang 'to," sambit ko habang tuloy sa pakikipaglaban ng lakas ang aking kamay sa pagpigil ng kalaban ko. Rinig ko ang mga mabibilis na yabag mula sa likod ko at napagtanto na nagsisimula nang maglaban sila Rake at Lexie.

Kumuha ang kalaban ko ng buwelo mula sa kanyang kaliwang binti at tinuhuran ako ngunit agad akong naglaho muli papunta sa kanyang likod. Titirahin ko na sana siya ngunit tila nabasa nito ang aking galaw at agad itong sumipa patalikod na nagawa nitong tamaan ang aking sikmura dahilan para mapaatras ako.

Dahan-dahan itong lumingon at nakita kong muli ang mata nitong nanlilisik na tila uhaw sa sarili kong dugo. Kinilabutan ako sa nakita ko. Ano nga bang meron ang isang 'to na ikinababahala ko noong una ko palang ito nakita?

Nabulabog ang aking pag-iisip nang marinig ko ang mga hugong ng mga bato mula sa aking likuran dahilan para kusang lumingon ang aking katawan. Doon ay nakita ko ang isang malaking batong marahas na lumipad tungo sa akin. Tumalon ako para maiwasan ang atakeng iyon. Nang makatayo ako muli sa aking paa ay agad akong lumingon at kasabay nun ay ang malakas na pwersang sipa mula sa aking kanang pisngi ang sumalubong sa akin na ikinatalsik ko.

Pumintog ang sakit dito, agad nakalasa ng parang kalawang ang aking dila at kasabay nun ay ang pagagos ng dugo palabas sa aking bibig. Pilit kong binangon ang aking katawan habang nakapikit ang kanang mata ko sa kabila ng sakit at hilo. Bigla nalang nanlaki ang aking mata nang makita kong pinalilibutan na ito ng nagliliparang bato habang umiikot ito sa kanya, at sa pagtaas ng kanyang kamay ay sunud-sunod itong humagis sa aking direksyon.

LakserfTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon