5th Night: Si Auntie Kristanna

15K 248 20
                                    

5th Night:

Serenity's POV:

Pumanaw ang auntie Kristanna kagabi. Nakakatandang pinsan siya ng aking mama.

Limampu't limang taong gulang na si auntie ngunit dalaga pa rin ito at hindi binalak mag-asawa kahit kailan. Tumanda siyang nag-iisa; pumanaw nang nag-iisa.

Ang sabi ay natural ang kanyang pagpanaw na sanhi ng depresyon. Naawa ako sa kanya kaya't agad akong nagtungo sa kanyang tahanan.

Nakaburol ang kanyang bangkay sa kapilyang ipinatayo niya mismo noonsa loob ng lupaing pag-aari niya.

Pinagmasdan ko ang kanyang katawang walang buhay na nakahimlay sa mga rosas sa loob ng isang puting kabaong.

Payapa ang kanyang mukha bagama't bakas ang kanyang edad.

Naluha ako para sa kanya. Sa mga pasakit na ni minsan ay hindi niya naibahagi kanino man.

Bakit, auntie Kristanna? Bakit pinili mo ang pag-iisa?

Tumuloy ako sa kanyang tahanan. Mistulang nagdadalamhati rin para sa kanya ang bahay na kumupkop sa kanya sa loob ng maraming taong pag-iisa. Malamlam at mapanglaw ang liwanag sa kabahayan. Makakapal ang mga kurtina kung kaya't may mga bahaging hindi naaabutan ng sikat ng araw.

Pinaghiwalay ko ang isang pares na kurtina. Sumungaw si haring araw.

Ngunit hindi pa rin iyon sapat para pawiin ang kalungkutan sa lugar na ito.

Sa silid ni auntie Kristanna mas higit kong nadama ang kanyang pighati. Di hamak na ito ang pinakamadilim na silid sa lahat. Binuksan ko ang bintana. Hinawi ko ang mga kurtina. Pumasok ang banayad na hangin. Umupo ako sa kama at dinama ang satin na tela sa aking mga daliri.

Saka ko napansin ang tila isang aklat na nakaipit sa isa sa mga unan ng kama. Kinuha ko iyon at sinuri.

Isang talaarawan iyon.

Nagsusulat sa talaarawan si Auntie?

Binuklat ko ang unang pahina at sinimulang basahin iyon.

Kristanna's POV [Diary Entry]:

Hindi ko makakalimutan ang araw na ito. Bisperas ng pasko. Nakilala ko si Dante. Disisyete anyos ako at siya ay disiotso. Sa idinaos na piging kami nagkadaupang-palad. Anak siya ng kumpare ng aking ama. Hindi ko maipaliwanag kung bakit pero parang nahulog agad ang loob ko para sa kanya. Bakit nga ba hindi? Siya ay gwapo at napakakisig, bukod pa doon, isa siyang maginoo, edukado, mabait, at higit sa lahat ay hindi mayabang.

Nang magtama ang aming paningin, lumapit siya sa akin at inaya akong sumayaw.

Hay.. Parang tumigil ang mundo sa pagitan naming dalawa. Ang bawat segundo ay katumbas ng walang hanggan.

Ngunit syempre, natapos din ang gabi. Sana ay muli kaming magkita..

****

Serenity's POV:

Hindi arawan ang petsa ng pagtatala ni Auntie Kristanna sa kanyang talaarawan. Nakasulat lamang ang mga importanteng nangyari sa kanyang buhay—partikular na umiikot ang mga tala sa binatang nagngangalang Dante..

Kristanna's POV [Diary Entry]:

Nasundan pa ang pagkikita namin ni Dante. Kanina, araw ng kapaskuhan ay naglakas-loob siyang dalawin ako sa aming bahay. Malugod siyang tinanggap ng aking mga magulang sapagkat kilala siya ng mga ito.

Nang mapag-isa kami, marami kaming napag-usapan tungkol sa aming buhay.

Marami pa akong nalaman tungkol sa kanya. Nag-iisang anak lang siya. Ang kanyang ina ay pumanaw sa panganganak sa kanya. Imbes na muling mag-asawa ay iniukol na lamang ng ama niya ang oras sa pag-aaruga sa kanya.

May napansin din ako kay Dante. Sa kabila ng kanyang sigla, hindi ko maiwasang mapaisip kung mayroon ba siyang sakit na dinaramdam.

Maputla kasi siya na hindi ko napansin kagabi.

Inaya ko siya sa aming hardin upang mamasdan niya ang mga tanim kong iba't ibang kulay na rosas. Paborito niya ang kulay pula.

Humingi siya ng pahintulot upang pumitas ng isa. Pumayag naman ako.

Isinabit niya iyon sa likod ng aking tainga. Abut abot ang kilig na naramdaman ko nang mga panahong iyon.

Kahit kailan, habang nabubuhay ako ay hindi ko kakalimutan ang araw na ito bukod pa sa pagsilang ni Jesus.

****

Serenity's POV:

Nakaipit sa pahinang iyon ang ilang pirasong talulot ng natuyong rosas. Kulay tsokolate na ang dating pulang kulay nito. Maselan na iyon dahil sa tagal na ng panahong nakaipit nito sa talaarawan. 

Kristanna's POV [Diary Entry]:

Ito ang araw na naghayag sa akin ng pagtangi si Dante. Nagpapasalamat ako sa Diyos at dumating na ang araw na hinihintay kong sabihin niyang iniibig niya ako.

Inamin ko rin sa kanya na iniibig ko rin siya.

Sasaglit lang na panahon at kakakilala pa lamang namin. Ngunit papapigil ba ang tibok ng mga pusong sadyang pinagpares ng tadhana?

Nagyakap kami. Damang dama ko ang tibok ng kanyang puso at ang init ng kanyang pagmamahal. Matutuwa ang aking mga magulang kapag nalaman nilang kami ay nag-iibigan!

Di iilang beses kong narinig mula mismo sa kanila ang mga pahayag na botong boto sila kay Dante upang maging kasintahan ko. At kung papalarin daw ay sana siya na nga ay maging aking asawa!

Salamat sa panginoong lumikha at ibinigay niya ang lahat ng kaligayahang tinatamasa ko ngayon. Perpekto na ang aking buhay, wala na akong mahihiling pang iba.

****

Serenity's POV:

Sa kalagitnaan ng pagbabasa ko, hindi inaasahang mapaluha ako. Ang auntie Kristanna ko ay minsan palang nakaranas ng walang kapantay na kaligayahan. Subalit bakit nauwi ang lahat sa kalungkutan?

Sino ang nag-alis ng kaligayahan sa auntie ko?

Si Dante, nasaan si Dante? Iniwan ba niya si Auntie? Pinagpalit sa iba?

Binuklat ko sa susunod na pahina ang talaarawan—

Kristanna's POV [Diary Entry]:

Di na rin nagtagal ay ipinagkasundo na kami ng aming mga magulang. Kami ni Dante ay nakatakdang magsama habambuhay bilang mag-asawa.

Ito na sana ang isa sa mga pinakamasayang araw sa buhay ko.

Kung hindi lamang nangyari ang isang pangyayaring hindi inaasahan.

Aksidente kong nakitang sumuka ng dugo si Dante habang patungo siya sa kasilyas ng aming bahay.

"May sakit ka?" tanong ko.

Umiling siya.

Nag-aalala na ako nang husto.

Nawalan siya ng malay sa harapan ko!

Ngayon ay isinugod siya sa hospital. O Diyos ko, sana ay walang masamang mangyari kay Dante..

****

Serenity's POV:

Nalungkot ako sa nangyari kay Dante. Sana ay ayos lamang siya at wala sanang nangyaring masama sa kanya!

Binuklat ko ang sumunod na pahina. May nakalagay na petsa subalit isang salita lang ang nakalagay. Ganun din sa mga sumunod na ilan pang pahina.

Sa palagay ko ay gustong magsulat ni Auntie nang mga panahong iyon subalit hindi niya magawa. May nangyari kaya?

Ang sunod na pahina ay may tala na. Pero batid ko ang mga bakas ng luha na humalo sa tinta ng panulat niya..

Kristanna's POV [Diary Entry]:

Pumanaw na si Dante. Ang pinakamamahal ko, wala na siya!

Dumaan ang mga araw. Naiburol siya at ngayon ay galing kami mula sa paghatid sa kanya sa kanyang huling hantungan.

Nang mga nakaraang araw ay gusto kong sumulat dito. Subalit hindi ko kaya.

Hindi ko kayang isulat ang paghihirap na dinanas ni Dante habang iginugupo siya ng kanyang sakit.

Narooroon lamang ako sa kanyang tabi. Wala akong nagawa kundi ang panoorin ang kanyang paghihirap.

Naroroon din ako nang sumuko na siya sa kamatayan.

Naroroon pa rin ako sa kanyang tabi nang inaalayan ng pari ng misa ang kanyang bangkay.

Naroon din ako at isa sa mga unang nagtabon ng lupa sa kanyang ataul na anim na talampakan ang lalim mula sa aking tinutuntungang lupa.

Ang sakit. Bakit pa siya ibinigay sa akin kung mawawala din siya kaagad. Bakit hindi ko naisip na hindi siya laan para sa akin? Bakit ang buong akala ko ay sa akin lamang siya?

Marami akong mga katanungan Panginoon ko. Bakit?

****

Serenity's POV:

Parang kinurot ang puso ko. Namatay ang pinakamamahal ni auntie!

Iyon ang pinakamasakit sa lahat bagaman hindi ko pa nararanasan.

Hindi na ba talaga nalimot ni Auntie si Dante at hanggang ngayon ay ito pa rin ang mahal niya?

Bakit ganun? Mabait naman ang auntie niya.

Kapag kapalaran ba talaga ang nagtakda ng isang trahedya, totoo bang wala na tayong pwedeng gawin para maiwasan ang ayaw nating maganap?

Bumalong ang aking luha at napagtanto kong hiram lang natin ang lahat. Maging ang mga panandaliang ligaya sa ating buhay.

Ngayon ay masaya na siguro si Auntie Kristanna, sa piling ng Panginoon at sa piling ng kanyang pinakamamahal na si Dante.

Sigurado akong nagkita na sila ngayon at masaya na panghabambuhay.

Muling nadako ang aking pansin sa talaarawan. Hindi pa doon nagtatapos ang mga tala ni auntie. Marami-rami pa siyang isinulat.

Bubuklatin ko na sana ang susunod na pahina nang biglang bumukas ang pinto.

"Serenity! Nandito ka lang palang bata ka! Halika na at pinapatawag ka na ng mga magulang mo! Uuwi na daw tayo!" si yaya Mameng iyon.

Kaagad kong isinara ang talaarawan ni auntie Kristanna at itinago sa aking likuran. Kipkip ko iyon hanggang sa aking pag-uwi sa mansion.

Ngayon lamang ako nagkaroon ng interes sa buhay ng auntie ko na tumandang dalaga.

Inipit ko ang talaarawan sa ilalim ng aking unan.

Nandun lamang siya, nag-aabang ubang mabasa ang iba pa niyang iniingatang mga kwento at sikreto.

Kalaunan ay nawala sa isip ko ang talaarawan. Tambak kasi ang mga takdang aralin ko. At nagsusumiksik pa sa malaking bahagi ng isipan ko si Loki.

Tama. Si Loki.

LOKI: The War of 8 Vampire Heirs (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon