12th Night: Premonisyon ng Ragnarok

11.7K 208 8
                                    

12th Night


Odin's POV:



Nandirito ako ngayon sa tahanan ng tatlong propeta ng panahon. Si Urd, ang propeta ng nakaraan; Si Verdandi, ang propeta ng kasalukuyan; at si Skuld, ang propeta ng hinaharap.


Mga bampira din sila na nakatira sa isang bukal sa Asgard. Magkakambal ang tatlong ito at hindi mapaghihiwalay kailanman.


Subalit ngayon, ang tanging sadya ko ay si Skuld lamang.


Nakatayo ako sa gitna ng napakalawak na bulwagan kaharap si Skuld. Para sa akin, siya ang pinaka-kapakipakinabang sa kanilang tatlo. Si Verdandi naman ang pinakawalang kwenta; ang tanging silbi lamang niya ay mamagitan sa nakaraan at hinaharap.


"Malinaw na ba ang nakita mong premonisyon?" tanong ko.


Nakikita ni Skuld ang hinaharap subalit hindi niya ito maipahayag ng diretsahan. Gumagamit pa siya ng talinhaga at mga simbolo.


"Nakatakda na ang isang kamatayan. Subalit ito ang tatandaan mo, ang Ragnarok ay siguradong mangyayari; at walang sinuman ang makapipigil dito."


Ragnarok.. Ang kaguluhan na susundan ng kapayapaan.


"Skuld, nagbibiro ka ba? Wala akong nakikitang dahilan para mag—"


"Bakit ka nag-aalinlangan Odin? Hindi ba't ikaw ang pinakamalakas na Aesir?"


"—Bampira man ako, alam kong dati akong tao. Hangga't maaari ay hindi ako pabor sa digmaan—"


Tumikhim si Skuld. "—Tapos na ang oras ng ating paghaharap. Magandang araw sa iyo."


Tinalikuran niya ako pagkasabi niya nun. Pero hindi pa man din siya nakakalayo ay bigla siyang natigilan. Humarap siyang muli sa akin.


Blangko ang kanyang mga matang nagkulay ginto.


****

Skuld's POV:


Isang beses sa isang araw lamang ang limitasyon ng kakayahan kong makasilip sa hinaharap subalit pagtalikod ko kay Odin, isang premonisyon ang dumalaw sa aking isipan.


Maling tiwala sa sariling kakayanan, malagim na katapusan.


Iyon ang aking naging interpretasyon.


Pumihit akong muli paharap kay Odin.


"May problema ba Skuld?"
 aniya.


Dapat ko pa bang ipabatid ang aking nakita?


Ayokong mapahamak si Odin.


"Mag-iingat ka. May isang pares ng pangil ang babaon sa iyong balat. At ang malalakas na kuko ay sasakmal sa iyo."


Kitang kita kong napaisip si Odin.


"Sino, Skuld?!"


Umiling ako. "Hindi ko matutukoy. Ngunit tila hindi natin siya kauri. Hindi rin siya isang tao—"


"—Maraming salamat."


Siya naman ang tumalikod sa akin. Itinaas ko ang aking kamay upang hawakan ang kanyang balikat. Bago pa man makadampi ang aking palad ay naglaho na siya.


Kayhirap abutin ni Odin.


Masaya na lang akong isipin na mayroon pang dahilan upang makipagkita siya sa akin.

LOKI: The War of 8 Vampire Heirs (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon