14th Night: Ang Katawan Ni Odin

11.6K 184 16
                                    

 14th Night

Loki's POV:


Iba ang pakiramdam ko ngayong gabi.


Ang lakas ng loob ko.


Si Tyr na naging tagapagsanay ko dati, na tinitingala ko dahil napakahusay niyang mandirigma, parang kayang-kaya ko na siyang paslangin ano mang oras ko naisin.


Hindi siya kakikitaan ng takot. Pero hindi rin siya tanga upang sagupain ako.


Nagpalinga-linga ako. Sagabal ang mga tao. Ano kaya kung isa isa ko silang patayin?


Nakakaaliw. Hindi nila alam na tumigil ang oras nila, at kung mamamatay sila, lalong wala silang malalaman.


Sandali..


Tumigil ang oras ng mga taong nandirito?


Hindi iyon saklaw ng kapangyarihan ni Tyr!


May iba pa bang Aesir na nandirito ngayon?


Sino—

Naitulak ko ang tao sa kaliwa ko dahil inilagan ko ang surpresang atake ni Tyr.


Hinawi niya ang mga taong nasa gitna ng bulwagan sa pamamagitan ng malakas na hangin.

****
Tyr's POV:


May mangyayaring hindi maganda kapag hindi ako kumilos.


Nakita kong pinagmamasdan ni Loki ang mga tao dito sa bulwagan. Wala siya sa tamang huwisyo kaya malamang ay balak niyang isa isang patayin ang mga nandirito.


Mahirap kumilos sa ganitong sitwasyon lalo na at hindi inaasahan.


Hinawi ko ang mga tao upang hindi sila matamaan sa gagawin kong mga pag-atake mula ngayon.


"Humanda ka."


Sa aking mga palad, naipon ang malakas na presyon ng hangin. Nag-anyong sibat iyon at ipinukol ko kay Loki.


Bago iyon tumama sa kanya ay naghiwa-hiwalay sa isanglibo pang maliliit na talim.


Sinangga niya iyon gamit din ang hangin.


Tapos ay bigla na lamang siyang nawala.


"Hanggang diyan ka na lang ba talaga Tyr?"


Nasa likuran ko na siya. Isinandal niya ang kanyang baba sa aking balikat.


"Sa naaalala ko, hindi ka ganyan kahina."


Hindi ako sumagot. Sa ngayon ay iniisip ko kung ano ang gagawin kong pag-atake dahil hindi ko na magagamit ang hangin laban sa kanya.


Si Loki ang maestro ng pagbabalatkayo. May kakayahan siyang gayahin ang kapangyarihan ng kahit na sino.


May ilang beses ko na rin siyang nakita noon na nanggagaya ng anyo.


Para siyang hunyango.


Pumikit ako at sa pagdilat ko ay kulay pula na ang aking mga mata.


Bumubulwak ang mga ugat sa aking mga braso at—


"HUWAG MO'NG GAGAWIN YAN TYR."


Nagpakita sa harap ko si Odin. Kahit kailan ay hindi ko pa siya nakasama sa aking misyon.


Siya ang pinakaunang prinsipe ng mga bampira. Walang nakakaalam kung gaano siya kalakas. Kung mayroon man, matagal na niyang pinatay.


Sa ngayon ay hindi na siya aktibo sa pakikipaglaban sa hindi matukoy na dahilan. Ang pinakahuli niyang misyon ay patungkol sa mga lahi ng taong-lobo.

LOKI: The War of 8 Vampire Heirs (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon