Spoken Poetry: Ako at Ikaw

482 6 0
                                    

Written on May 8, 2017


At ang salitang ginagamit sa pagkonekta ng mga bagay o tao. Ako at ikaw ang salitang paborito ko na tila ba ay parang mga himig na sumasayaw. Ako at ikaw ang pares na perpekto sa mga paningin ng mga tao. Ako at ikaw, ang panata, ang pangako natin sa isa't isa. Ako at ikaw, tayo, ang sandalan ng isa't isa at walang makakapagpahinto sa ating mga pangarap. Ako at ikaw, tayong dalawa hindi susuko at ang wakas lamang natin ay ang kasalang walang hiwalayan.

Ako at ikaw habang buhay na magsasama ngunit isang araw napagpaalam ka na lang bigla "Huwag mo na akong hintayin" ang mga katagang iniwan mo bago ka lumisan at araw-araw tinatanong ko sa sarili ko kung bakit kita dapat kalimutan. Araw-araw para akong bingi na hinahanap ang iyong mga tinig, parang bulag na naghahanap ng iyong presensya. Pasensya na mahal pero hindi ko kaya ang iyong pasya. Ang iyong pasya na basta mo na lang akong iwan sa ere na walang kahit anong dahilan. Araw-araw hinihintay ko pa rin ang iyong pagdating kahit sa bawat araw na iyon ay ang puso ko'y nakakadama ng kaunting sakit.

Ayos lang sa akin na mawalay tayo sa isa't isa basta tayong dalawa ay nagmamahalan pa rin ngunit ang matagpuan kong ika'y may ibang kaakit ay parang nabiyak ang aking dibdib sa hapdi. Hindi na pala ako at ikaw..... kundi ako, ikaw at siya....

Kay bilis humupa ng mga pangakong ginawa natin, ang ating pagmamahalang walang katapusan. Ngunit nakalimutan ko na hindi lang dalawang bagay o tao ang pinagkokonekta ng salitang "at." Pwede nga palang dalawa, tatlo, apat at kung hanggang saan ang kaya.

Ako, ikaw at siya..... SIYA ang taong sinabi mong mas nakakapagpasaya sa iyo kaya binura mo ako sa iyong puso at hindi binigyang linaw ang iyong pag-alis na walang kahit anong mang dahilan o pasabi. Kaya iniwan mo ako na naniniwala sa nakakasilaw nating pag-ibig at hinaayaan mo akong mag-igib ng pag-asa na babalik ka. Wala nang ako at ikaw... wala nang tayo....kundi siya at ikaw ... kayong dalawa at naging taga-masid na lang ako tulad ng mga taong nakatingin sa inyo.

Puso ko'y nawawarak, kaluluwa ko'y unti-unting nawawala at isipan kong nabaliw sa katotohanang pinagpalit mo ako sa iba. Mahal, hindi ba sapat ang ibinigay kong pagmamahal na dapat mong burahin ang ako at ikaw at palitan ng siya at ikaw. Mahal sa bawat pag-alis mo sa kung saan man ikaw pumunta ay hindi kita pinaghihinalaan ng kung ano man. Sa bawat oras ng iyong pagod at pagtalikod mo sa akin para mauna na sa kwarto ay iniintindi ko. Sa bawat pagbigkas ng mga salita sa iyong bibig ay aking pinakikinggan at wala akong pinalalagpas. Mahal lahat ng gusto mo ay aking ginugunita, hindi ko sinasabi na mas lamang ako sa iyo. Sinasabi ko na ang pagmamahal ko ay totoo.

Totoo sa puntong kahit anong kasalanang gawin mo sa akin ay nasa tabi mo pa rin ako, na kahit ilang beses mong durugin ang aking puso ay sa iyo pa rin ako. Na kahit ilang beses mo akong paluhain ay hindi ako magsasawang mahalin ka. Totoo ang aking pagmamahal sa puntong kahit pagod na ako ay gagapangin ko pa ang pagmamahalang ito kasi naniniwala ako sa tayo...sa ating dalawa.

Hindi ba sapat ang tayo kaya mas ginusto mo ang kayo? Sabihin mo sa akin kung paano ako tatayo nang wala ka sa tabi ko. Mahal nagmamakaawa ako na pakinggan mo ang tibok ng puso ko at baka sakali ay maabot pa natin ang dulo ng ating mga pangarap. Nagbabakasakali na may pag-asa pa ang tayo, na pwede pa ang dating tayo. Nagbabakasakali na pwede pang maibalik ang tamis ng ating pagmamahalan... ang pagmamahalan na sinasabi nating walang hangganan. Mahal ang alam ko lang ay mahalin ka sapagkat sa pagmamahal ko sa iyo ay nakamit ko ang lahat. Ang lahat ng ako, pinakita mo sa akin ang mga kulay na minsan ay hindi ko pa nakikita o nahahawakan. Ang mga kulay na bago sa aking paningin at tinuruan mo ako kung paano iyon gamitin.

At sa lahat ng oras ako at ikaw, parehas na nagtutulungan, laging nasa tabi ng isa't isa pero sa iyong paglisan, sa iyong pamamaalam. Araw-araw kinakaya ang paglalakad nang mag-isa dahil mahal kita. Gabi-gabi pinipilit makatulog na hindi ka kapiling ngunit ang mga unan ay patuloy lamang na nadidiligan ng aking mga luha. Ang pagmamahal ko ay patuloy na sumisibol sa aking puso tungo sa iyo paki turuan naman ako kung paano ka makakalimutan ng kusa. Kung sa bawat sulok ng lugar na puntahan ko ay hindi ka nawawala sa akin puso at isipan. Kahit ilang beses akong magpalipat-lipat, kahit ilang beses akong magpakahirap ang puso ko'y tumitibok lamang para sa iyo. Pakisabi anong gagawin ko kung ito ang sinisigaw ng utak at puso ko.

Patuloy na iniisip kung bakit hanggang dito na lang tayo. Patuloy na nag-iigib ng pag-asa mula sa langit. Patuloy na umaasa na marinig ang aking dinggin.

Ito ba ang tadhanang ipinagtagpo sa ating dalawa? Hanggang dito na lang ba talaga ang tayo? Ako'y hirap na hirap na kaya pwede ba akong makiusap na bigyan mo ako ng huling pagkakataon na makapiling kang muli. Huling pagkakataon na iparanas mo na ako pa rin ang mahal mo kahit sa isang saglit. Ang huling pagkakataon na maramdaman ang pagmamahal na namamaalam sa paraan na iyon ay baka tuluyan na kitang makalimutan dahil nakamit ko na ang aking kagustuhan...nakamit na ang huling pangarap nating hindi inakala. Pwede bang mahiram muna kita para masabi na matamis ang katapusan ng ating pag-ibig.

Words of the Broken and the LoverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon