Bakit

125 5 0
                                    

Written on: March 4, 2018

Bakit ang alapaap ay patuloy na nagbibigay ng mga ulan at ang mga tala sa gabi ay nawawalan na ng kintab?

Ang oras ay unti-unting bumabagal at kita sa paglubog ng araw ang kalungkutan at ang paghihinagpis sa pagsapit ng buwan.

Bakit ang aking utak ay patuloy na lumilikha ng mga katha tungkol sa ating dalawa ngunit kasing linaw ng bukal na tubig na malayo tayo sa isa't isa?

Bakit ang daloy ng ilog ay unti-unting tumitigil at ang hangin ay unti-unting humihina?

Ang mga mababangong bulaklak ay unti-unting nalalanta ngunit ang mga puno ay patuloy na namumunga subalit mapapansin sa mga bunga na ang mga puno ay nagkakasakit.

Bakit hanggang ngayon ay wala pa ring sagot sa aking katanungan? Kung bakit hanggang doon lang tayo sa pagsaulo ng titik ng ating mga pangalan. Pero kung dito nagtatapos ang ating kabanata...wala na akong iba pang magagawa kundi ipaalam sa iyo na sa ilang beses nating pagkikita ay mahal na kita.

Hindi ko alam kung bakit sa hanggang ngayon ay ang matamis na alak ay nanatiling matamis tulad ng iyong mga salita... ng ating mga salita sa isa't isa. Tulad ng iyong pagkatao at ni isang pagkakataon ay hindi ito naging mapait ngunit tulad ng isang matamis na alak ay mananatili ito sa aking panlasa na aking patuloy na hinahanap-hanap.

Ngunit kahit ganoon pa man aking hiling ay hanggang sa kahuli-hulihan ay ikaw ay maging masaya tulad nang kung paano lumalawak ang ating mga labi sa pagngiti sa isa't isa sa tuwing tayo ay magkikita.

Words of the Broken and the LoverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon