Spoken Poetry: Ayoko na

436 6 0
                                    

Written on: June 5, 2017

Ayoko na pero gusto ko pa.

Ayoko na pero mahal pa rin kita gusto kong sumuko pero maya't maya ay para kang diwata na magpapakita na lang bigla.

Sasakupin ang mundo kong nanahimik at gagambalain ang aking kaluluwang nanaginip.
Pagkatapos ay ni isang tinig ay hindi mo man lang maimik at ang mga sigaw ng aking damdamin ay unti-unting maiinip.

Maiinip sa puntong gugustuhin ko na muling makita ang iyong mahika na nagiging tala sa kadiliman at muling matutunaw ang aking puso sa kamanghaan ng iyong kapangyarihan. Maiinip sa puntong baka muli kong buuin ang pagkawasak ng mundo na minsan mong iniwanan at binitawan.

Gusto kong sumuko ngunit iba ang tinitibok ng aking puso. Ang tibok na akala ko ay matagal nang naglaho at pilit kong aabutin ang iyong puso na kahit karagatan ay aking lalakbayin at sa huli ay hanggang abot-tanaw lamang pala ang pagmamahal na aking inaasam-asam.

Pakiramdam ko tuloy na nasa isang sumpa ako. Ang sumpang mahalin ka sa bawat oras na makita ka. Ang sumpa na maging ang boses mo ay parang isang napakagandang piyesa na kapag narinig ko ay sadyang mahuhulog ako sa iyo.

Mahal, ayoko na pero ang kalikasan ay pilit na nililigaw ako papunta sa iyo. Ang hangin na dinadala ang pabango mo sa akin at pilit na nililigaw sa mga lugar na minsan na nating naapakan. Ang mga puno at bato na may ukit ng ating mga pangalan. Mahal ika'y minsan na, na naging Diyosa sa aking puso, ang nagpaikot ng aking mundo ngunit pakiusap na ako'y tigilan mo na sa kadahilanan na kahit ilang tubig pa ang aking igibin ay hindi mo pa rin malalaman kung gaano kahalaga ang pagpatak ng aking mga luha na iyong binibigay.

Na kahit ilang beses pa akong magpabalik-balik sa lugar na ating pinanggalingan ay hindi mo malalaman ang sakit na aking nararansan. Ang mga sakit na aking tinitiis sa mga salita mong matatamis na sa huli ay wala rin palang mararating.

Ngunit kahit ganoon, kahit ilang beses kong itanggi ay hindi ko pa rin maialis sa aking puso at isipan, ang kahilingan na sana sa ibang panahon, na may panibagong tadhana ay ikaw ay muli kong iibigin at sa muli nating pagkikita, sa pagkakataon na iyon ay ako rin ay iyong mahalin.

Subalit kahit anong pilit na pag-udyok ng ating pag-iibigan ay tutol pa rin sa atin ang tadhana pero ang mas masakit ay sa pagkatapos ng lahat ay mas tutol ka pa sa ating pagmamahalan kaya mahal pakiusap, tama na at ayoko na kaya huwag mong pilitin na gusto ko pa kasi ang sa iyo lamang ay magamit ang aking puso para lang sa kagandahan ng iyong mahika.

Tanggap ko na hanggang dito na lang ang tayo. Ang aking inaasam-asam na ating pag-iibigan.


Words of the Broken and the LoverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon