Ngayong Gabi

159 3 0
                                    

Written on: October 31, 2017

Ngayong gabi ay ang pagluluksa ng pag-ibig na wagas na naiuwi sa wala.
Ang ihip ng hangin ay ang simbolo ng pagkapatay ng apoy sa isang puso ng tao.
Ang mga tala sa langit ay unti-unting nawawala
        isang pahiwatig na kahit ano pang taos pusong paghiling ang gawin ay kahit kailan man ay hindi na iyon matutupad.

Dalhin man ng mga alapaap ang nagbabadyang mga luha
        ay kahit kailanman ay hindi ito mapapadpad sa taong minsan ay hindi kayang suklian ang isang walang hanggan na pagmamahal.
Giliw, mga rosas na sumisigaw ng pag-ibig ay may mga nagtatalasang mga tinik na nakakasakit
         isang pagprotekta sa kanila upang hindi mapitas at mamatay sa kagandahan ng pagmamahal.

Ngayong gabi ay ang pagdating ng bagyo na may kasamang kidlat at kulog
         sumisigaw sa paghihinagpis, sinisigaw ang mga hinanakit ngunit kahit ano pang paraan ay wala nang mababalikan.
Sapagkat isa lang ang nagmamahal nang walang katapusan
           ngunit mahaba pa ang gabi na puno ng pagdaramdam.

Ang mga tunog ng kuliglig ay muli na namang nanahimik
             nakikisabay sa pakikiramay sa pagkamatay ng isang pag-ibig.
Ang mga alitaptap ay nagtatago na sapagkat sumuko na ito sa paghahanap ng isang babaeng puno ng karikitan.
Sumuko na sa pag-ilaw sa mga kasintahan sapagkat isa na lang ang nagmamahal.

Ngayong gabi ang una at ang kahuli-hulihang pagdama ng talim ng pagmamahal.
Ang wakas ng mga hikbi na naging musika sa ilalim ng gabi.
Ang katapusan ng mga tala na saksi sa mga matatamis at mapapait na ala-ala na dinala ng tunay na pag-ibig
              at ang katapusan ng isang walang hangganang pagmamahal na nagbunga sa kawalan.

Words of the Broken and the LoverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon