June 22, 2017
Ito ang kauna-unahang tula na isusulat ko para sa iyo at tulad mo buong puso kong isasalin ang aking nadarama sa isang papel na may mga salitang lukot-lukot. Tulad mo tatapusin ko ito kahit abutan man ako ng umaga, kahit pagod na ang aking mga mata. Sumulat ako at susulat ako upang linawin ang mga misteryong pinagdaraanan natin. Upang matigil na ang aking nagdurugong luha sa pagbasa ng iyong mga tula na ngayon ay maiiwan na lang na bilang isang ala-ala ng ating pag-ibig. Susulat ako hindi para tayo ay magkabalikan kundi tayo ay magkaliwanagan bago tayo mag-iwanan. Susulat ako at sumulat ako hindi dahil sa nasaktan ako kundi dahil sa mahal kita.
Hindi ko alam kung ito na rin ang huling tula na isusulat ko para sa iyo ngunit para sa iyo mahal. Para bigyang hustisya ang mga tulang sinulat mo para sa akin. Para sa puso mong biktima ng hapdi at sakit na dulot ng aking pagmamahal. Susulat ako at sumulat ako hindi dahil para isalba ang tayo kundi para malaman mon a parehas tayong bigo. Parehas tayong biktima ng pag-ibig ngunit bago tayo magsisihan kung sino ang salarin at pumayag sa iyong kasunduan nais kong sabihin na
Mahalaga ka tulad ng buwan at ng mga bituin na nagbibigay liwanag kapag natutulog ang araw. Gumagabay sa mga taong manlalakbay, binibigyan direksyon at sinisiguradong makakapunta sa paroroonan nila.
Mahalaga ka tulad ng isang bitamina na nagbibigay lakas at sustensya sa aking katawan. Mahalaga ka tulad ng aking kaarawan na kahit kailanman ay hindi ko makakalimutan. Mahalaga ka tulad ng isang alarm clock na ipinapaalala na kailangan kong gumising at maghanda sa anomang haharapin ko ngayong araw.
Mahalaga ka tulad ng aking mga damit at sapatos na binabalot ang aking katawan, pinoprotektahan ang aking mga balat sa mga duming nakakalat at kumakalat. Mahalaga ka ngunit ang iyong halaga hindi yung antigong tinatago, hindi yung mga gamit na tinatago at ilalabas kapag kinakailangan lamang.
Mahalaga ka simula ng pagkislap ng iyong mga mata nang tayo'y nagkatitigan. Noong kinuwento mo sa akin ang mga agiw sa iyong dingding, ang mga ipis na sumalubong sa akin na hindi ko napansin noong pagbisita ko. Ang mga librong kapiling mo noon ....ganoon ka kahalaga sa akin. Ikaw lang ang aking napapansin sa libung-libo taong nakakasalubong at nakakasalamuha ko na tipong kahit saan ka man tumayo ikaw lang ang aking makikita na tila bang may detector ang aking mga mata. Isang detector kung saan ikaw lang ang mapapansin.
Mahal kita ang mga katagang hindi ko nasabi sa iyo dahil sa abala ako sa pagpapakita kung gaano kita kamahal at patawad kung mahalaga lang ang nasabi ko sa iyo. Patawarin mo ako kung iyon lang ang mga katagang nasabi ko sa iyo imbis na "mahal kita." Ikaw ay isang diyamante na nakita ko noong naghuhukay ako ng sarili kong libingan. Ikaw ang bumuhay, ang nagbigay ng buhay noong malapit na ako sa sarili kong kamatayan.
Pasensya na, mahal kung iba ang lengwaheng pag-ibig ang ipinakita ko sa iyo sa puntong dumating tayo sa wakas na kahit kailanman ay hindi natin inakala. Patawad sa aking pananahimik, sa pagsabi ng mga salita na kasing-onti ng mga taong nakikinig sa balita. Patawad sa bilis ng aking pagbitaw tulad ng isang kidlat na mag-iiwan ng marka sa lupa, tulad ng pag-iwan ko ng marka sa iyong puso. Patawad sa hindi ko pananatili noong sinabi mong ubos na ubos ka na.
Ngunit maniwala ka sa akin na mahal kita. Mahal kita at hindi ko kayang masaktan ka at hindi ko inakala na ako pa pala ang mas makakasakit sa iyo kaya upang matigil na ang sakit na iyong nararamdaman ay pinalaya kita. Pinalaya kita kasi mahal kita at pipilitin ko, kakayanin ko na mawala ka dahil alam ko doon ka sasaya. Patawad kung hindi ko na ipinaglaban hindi dahil sa hindi ko na kaya ang ibang lengwahe natin sa pag-ibig kundi dahil sa narito na tayo sa puntong hindi na natin kayang isalba ang pagmamahalan natin. Mahal, pinapatawad na kita at salamat sa iyong pagpapatawad.
BINABASA MO ANG
Words of the Broken and the Lover
PoetryHighest ranked Achieved: #17 in Poetry #2 in Short Poems #5 in Spoken Poetry Poems that will bring you heart aches and love. A must read poems. ~ ~ ~ English a...