Written on: May 31, 2017
Pangarap ko na makalimutan ka.
Makalimutan ang paghiwa mo sa aking dibdib.
Kalimutan ang init ng iyong mga labi, ang mga haplos mong nanlalamig.
Kalimutan ang himig ng iyong katahimakan para manahimik na ang sigaw ng aking karagatan, ang mga alon na sumisigaw ng pag-ibig.
Pangarap kong kalimutan ka para hindi na ako magsasawa na mangarap sa mga tala na magkaroon pa ako ng pag-asa na makamit muli ang iyong tamis ng pagmamahal.
Kaya Mahal, pangako mo sa akin na huwag mo na akong iisipin upang hindi ko na marinig ang boses mo sa hangin na hanggang ngayon ay pinipilit na ikaw ay aking ibigin dahil sa bawat kabog ng aking dibdib tungo sa iyo ay nagkakapasa at namamaga sa sakit ang aking puso.
Pangarap kong makalimutan ka upang tumahan na ang mga tunog ng tampisaw ng tubig sa aking silid-tulugan.
Mahal, ayoko nang mangarap dahil sa buong buhay ko ay iyon na lang ata ang aking ginawa at ngayon ay wawakasan ko na ang pangarap.
Ang mga pangarap natin na parang gunit-gunit na tela na pinipilit na tahiin, pinipilit ayusin, pinilit na magmukhang bago.
Ang aking mga pangarap na manatili ang init ng ating pag-ibig at ang pangarap na ikaw ay mawala na parang bula sa aking puso at isipan, mawala na parang kahit kailanman ay hindi ka sumagip sa aking mundo. Na kahit kailanman ay hindi ikaw ang naging araw sa aking kalangitan, ang buwan na nagbigay liwanag sa aking kadiliman.
Kaya mahal para hindi na maging parang sirang plaka ang aking mga pangarap, pagkatapos ng kadiliman ng gabi na ito ay haharapin ko ang sinag ng araw na tuluyang wala ka na.
Haharapin ko ang mga daan na minarkahan nating dalawa na wala nang marka, na wala na ang mga iniwang pag-ibig na nararamdaman natin noong tayo pa. Haharapin ko ang kinabukasan at ang mga susunod pang mga araw na wala na ikaw.
BINABASA MO ANG
Words of the Broken and the Lover
PoetryHighest ranked Achieved: #17 in Poetry #2 in Short Poems #5 in Spoken Poetry Poems that will bring you heart aches and love. A must read poems. ~ ~ ~ English a...