Jeremy's Deck of Cards

63 6 2
                                    

Kahon ng lalagyan ng baraha ang nakitang nakatayo sa itaas ng mesa. Wala na sa loob ang laman nito dahil hawak hawak ito ng isang guro na binabalasa ito. Iniwan niya ang Joker sa mesa katabi ng kahon, kasama ng libro na hawak hawak niya kanina. Katabi rin nito ang ilang makukulay na papel, kumikinang na plastik, pula at puting pulbos, at isang pinakintab na baril na tinanggalan na ng gatilyo. Kaharap ng lamesa ay ang dalawang upuan na may malambot na salungpwetan na gawa pa sa kulay pulang tela. Dito nakaupo ang dalawang binata na napuno ng bugbog at sugat na nahalo sa makukulay na papel at confetti. Itinigil ni Elias ang pagbabalasa at inilagay sa mesa ang baraha. Sumandal siya sa mesa, ang dalawang braso na sumusuporta sa kanya.

"Sino ba ang may sabi sa inyo na magandang biro ang magdala ng baril?" Tanong ni Elias na isa-isang tinignan ang dalawa.

Pero walang sumagot sa kanya. Halatang hindi nakikinig ang dalawa sa mga salitang sinasabi niya. Nakikita sa mga mukha nila ang pagkabagot; si Edison humihikab, mga mata na gusto nang matulog. Binibilang naman ni Christian ang mga daliri ng kanyang mga kamay, sinisigurado na sampu pa ito. Pareho silang hindi makatingin ng diretso sa gurong nagtatanong sa kanila. Kinuha ni Elias ang laruang baril.

"Alam niyo ba na ang parusa nito ay kasing-tulad ng pagbibiro ng bomba? Pwede kayong makulong," dagdag niya.

Tumigil sa pagbibilang si Christian na inayos ang upo. Tinignan niya si Elias. Siya ang may dala ng baril kaya siya ang sinasabihan nito. Wala paring paki-alam si Edison na patuloy sa pagpunas sa tumutulong dugo galing sa ilong gamit ang sarili manggas. Ibinaba ni Elias ang baril na kinuha ang baraha para balasahin ito muli. Ano ba ang inaasahan niya? Na maka-usap ang dalawang binata ng matino?

"Ano ba ang iniisip ng Jeremy na iyon at tinanggap kayo. Hindi ito mental hospital," bulong niyang sabi pero nilakas ang boses para marinig ng dalawa.

Tatlong katok ang tumunog sa pinto bago ito bumukas. Pumasok si Reed na may bitbit na puting kahon na may pulang krus. Tinignan niya muna si Elias na nasa harapan, palakad-lakad habang nag-iisip ng parusa na ibibigay sa dalawa. Tumango lamang ang guro na hinayaan siyang makapasok. Hinanap ni Reed sa kwarto ang hinahanap niya at natagpuan ang dalawang binata na punong puno ng sugat at bugbog. Nakita pa nga niyang hinihigop ni Edison ang dugo pabalik sa ilong niya na para bang sipon lang. Napailing siya sabay lagatik sa dila bago lumakad papunta sa direksyon nila.

Una niyang pinuntahan si Edison. Inilapag niya ang hawak na kahon sa sahig, binuksan, kumuha ng mga gamit na kailangan, at ginamot ang mga pasa at sugat sa mukha ng binata. Nanonood lang si Christian magiging sunod na gagamutin. Hindi gumagalaw si Edison habang nilalagyan ng tapal ni Reed ang mukha niya, pinapanood ang mukha ng naglilingkod sa kanya. Napansin ito ni Reed at tinitigan siya pabalik.

"Hindi ka ba hihingi ng tawad sa akin?" Bulong ni Reed na tumigil muna para hawakan ang bawat gilid ng mukha ni Edison para diretso ang tingin sa mga mata. Kahit lumipas man ang panahon at magbago ang lahat, hindi pa rin maiwasan ni Reed na magandahan sa mga mata ni Edison. Kahit na may lahi itong dayuhan, hindi naging kulay asul ang mata nito, o naging berde; kundi ito ay kulay malalim na itim. Kulay itim na kung matagal mong titignan ay tila ba nahuhulog ka sa walang hanggang balon...

"Papatawarin mo pa rin naman ako kahit hindi ko gawin," bulong pabalik ni Edison. Inikot na lang ni Reed ang kanyang mga mata, tanda ng pagsang-ayon sa sinabi sa kanya. Gumalaw siya uli, nilagyan ng bulak ang butas ng mga ilong ni Edison. Naalala niya ang mga nangyari kanina sa cafeteria na halos nagpawala sa katawang lupa niya. Hindi niya ito inaasahan. Paano na lang kaya kung totoong baril ang hawak ni Christian? Marahil wala na si Edison, ang utak basag dahil sa balang pumutok rito.

Pinupulot ni Reed ang mga nagkalat na upuan dahil sa away na sumiklab. Tinutulungan siya ng ibang estudyante na nakita ang mga pangyayari at nagmagandang loob na pumulot ng basura. Nang inakala niya na tapos na ang lahat ay siyang biglang pagtilapon ni Christian sa sahig. Hindi niya nakita ang nangyari pero alam niya na si Edison ang may gawa nito na sumugod na parang kalabaw. Agad tinakbuhan ni Reed si Edison para awatin ito pero sadyang malakas ang binata na halos si Reed ay napatumba.

School Of PhobiaWhere stories live. Discover now