Halata namang matatalo si Christian sa Jack en Poy nila ni Edison pero sinubukan pa rin niya. Una na siyang umakyat nang tinawag na ang mga manlalaro sa platform. May mga taong nag-asikaso sa kanya at tinulungan siyang ayusin ang safety equipment sa katawan niya. Ito ay ang isang pares ng goggles bilang proteksyon sa mata at sound proof headphones para sa tainga. May ibinigay pa silang vest na nagbabakasakaling matamaan sila ng bola at mapupunta lamang sa vest ang sakit nito.
Nang matapos, ipinaliwanag sa kanila ang mga baril na nakalagay sa lamesa. Mabilis ang Speed Shooting at kailangan nila ng maraming bala para tamaan ito. Sinabi sa rules na tanging limang daang skeets ang ihahagis nila. Pero hindi ibig sabihin na limang daan lamang talaga ang mahahagis. Siyempre, sa loob ng limang minuto, kailangan nila ng maraming skeet balls. Limit lamang ang limangdaan para sa pagkuha ng perfect score.
Kinuha ni Christian ang isang baril at tinignan ito. Halos pulbura lamang ang bala na inilagay nila. Wala itong laman at tanging laruan lamang. Pinag-aralan niya ang porma nito at kung paano ilalagay ang mga bala sa mabilis na paraan. Isang senyas ang nakita niyang gumalaw sa kanyang harapan na nagsasabing magsisimula na ang laro.
Matikas na itinaas ni Christian ang kamay na may hawak sa baril at itinapat sa kanyang harapan. Nakikita niya ang bilang na ibinibigay na maghuhudyat sa simula nang laro. At nang mapunta na sa [0] ang numero, isang hibla ng ala-ala ang biglang nagpakurap sa kanya.
Hindi niya alam ang nangyari pero tila ba nag-iba ang mga paningin niya. Nagsimulang dumilim ang paligid at nakakaramdam siya ng hilo. Ang kanyang tikas ay nagiba at napalitan ng pangangatog na tuhod at nanginginig na mga kamay. Ang baril na hinahawakan niya ay di magawang paputukin dahil sa isang pakiramdam na nanaig sa kanyang puso.
Umiikli ang kanyang hininga. Bumibilis ang tibok ng kanyang puso. Ang kanyang paligid ay tila ba natutunaw. Sinubukan niyang tignan ang kanyang kapaligiran pero iba ang nakita niya sa inaasahan. Iilang pigura ng mga anino na may nakakatakot na itsura ang pumapalibot sa kanya. Tumatawa sila, humahalakhak, tinuturo siya na tila ba isa siyang hayop sa madla.
Nagsimula na siyang magpawis at nanghina nag kalamnan. Binitawan niya ang hawak na baril. Imbes, sumukot siya, hinawakan ang tiyan na umiikot sa di maipaliwanag na sakit. Tinabunan rin niya ang kanyang bibig dahil sa pakiramdam na masusuka siya sa mga nangyayari. Alam niya ang pakiramdam na ito. Alam na alam niya kung ano ang nararamdaman ng puso niya ngayon.
Natatakot siya.
Natatakot.
May harang ang tainga niya pero naririnig niya ang tawa at insulto na ibinibigay sa kanya. Simula ito sa kanyang itsura, sa kanyang pustura, sa kanyang anyo na hindi kanais-nais. Tama, ang ala-ala na ito ang simula ng lahat ng takot niya. Kaya iyon ang isang bagay na nawala sa kanya noon.
Ang pagtitiwala.
Ang tiwala.
Nawawala na siya sa kanyang ulirat. Hindi na niya nagugustuhan ang pakiramdam niya. Gusto niyang mawala sa lugar na ito. Gusto niyang maalis sa lugar na ito. Gusto niya na maglaho na parang bula... Ayaw niya sa lugar na ito. Ayaw niya sa nakikita niya. Ayaw niya...
[Kung wala kang tiwala sa sarili mo, tignan mo lang ako ng diretso at ibibigay ko ito]
Napamulat siya nang marinig ang isang boses na iyon. Tama, kailangan lamang niyang tignan ang taong ito. Ang nag-iisang tao na nagbigay sa kanya ng tiwala na hindi niya nakuha...
Lumingon siya sa kanyang likuran para makita ang tao na ito nang isang lumilipad na sapatos ang nakita niyang parating sa mukha niya. Tila ba nawala ang nasabing hilo at takot sa puso niya na agad umilag bago pa matamaas ng sapatos. Pero hindi nawala ang malakas na kabog ng puso niya dahil sa gulat.
YOU ARE READING
School Of Phobia
Детективи / ТрилерWelcome to the place where your fears are taken good care of.